Nagsusumikap ang Binata para sa Lolong May Sakit; Pangako Niya’y Malalasap Nito ang Kaniyang Pag-Asenso
Napilitang huminto ng pag-aaral si Badong upang makatulong sa kaniyang lolo. Uugod-ugod na ito dahil sa labis na katandaan at nagkaroon na rin ito ng iba’t ibang sakit. Ito na ang kaniyang kinalakihang magulang kaya naman sa pagtanda nito’y nais niyang siya naman ang tumulong dito.
“Pahinga na muna kayo rito, lolo. Mamayang tanghali ay uuwi rin naman ako agad upang dalhan kayo ng pagkain. Kung may kailangan po kayo’y ibinilin ko na rin po kayo kay Aling Merced. Titingnan-tingnan niya naman daw po kayo rito,” bilin ng binata.
“Apo, hindi mo naman na ito kailangan pang gawin. Hayaan mo na ako at matanda na ako. Hindi na rin magtatagal ang buhay ko. Ang mainam pa’y asikasuhin mo na lang ang sarili mo. Bumalik ka na sa pag-aaral,” saad ng matandang si Lolo Toryo.
“Makapaghihintay ang pag-aaral, lolo. Nariyan lang naman ang eskwelahan. Ang importante po sa akin ngayon ay malamnan ang inyong sikmura at maibili kayo ng gamot. Alam ko namang lahat tayo’y doon patungo… pero hindi n’yo pa po oras, lolo. Kailangan n’yo pa pong manatiling buhay upang makita n’yo pa ang pag-asenso ko,” dagdag pa ni Badong.
Mataas ang pangarap ni Badong. Ngunit kailangan muna niya itong talikuran sa ngalan ng kalagayan ng kaniyang Lolo Toryo. Ngayon ay nabubuhay silang mag-lolo sa pamamagitan ng paglilinis niya ng bintana ng mga sasakyan sa kalsada.
Sa ilalim ng init at mausok na paligid ay hindi natatakot si Badong na suungin ang kalye. Kapag trapik ay nililinis niya ang bintana ng kotse, saka siya kakatok upang humingi ng kaunting barya. Minsan ay tinatakbuhan na lang siya ng mga ito.
“Mahina kasi ang dikarte mo, Badong! Nililinis mo agad ang salamin ng sasakyan nila, tapos ay saka ka hihingi ng bayad. Talagang hindi ka nila babayaran. Ang maganda ay tanungin mo na lang muna sila. Hindi ka pa napagod!” sambit ng kaibigang si Nestor.
“Kailangan kasi mabilis ang kilos dito sa pwesto natin. Hindi naman talaga kasi mabigat ang daloy ng trapiko rito. Ayos lang naman sa’kin na maglinis kaagad para makita nilang malinis talaga ang trabaho ko. ‘Yung mga hindi nagbabayad sa akin ay pinasasa-Diyos ko na lang. Pinapanalangin ko pa rin na maging ligtas pa rin sila sa kanilang byahe,” saad muli ng binata.
“Naku! Wala ka talagang kikitain kapag ganyan ang prinsipyo mo. Alam mo naman ang mga tao, gagawin ang lahat para makalamang!” paalala pa ng kaibigan.
Ngunit kahit madalas na mangyari ito kay Badong ay palagi pa rin itong may ngiti sa kaniyang mukha.
Nang hapon ding iyon, habang nakahinto ang mga sasakyan dahil sa mabagal na daloy ng trapiko, nakita ni Badong ang isang sasakyan na marumi ang salamin. Agad niya itong nilinis, pero napansin niyang sumesenyas ang drayber nito.
“Huwag mong linisin ‘yan dahil may taga-linis ako! Hindi mo na rin naman matatanggal ang duming ‘yan!” sigaw ng lalaki kahit hindi naman siya naririnig ni Badong.
Ilang segundo pa ay natapos na si Badong sa paglilinis. Malaki ang pagkakaiba ng natuirang sa salamin. Pumunta siya sa gilid ng sasakyan at kinatok ito.
“Boss, kayo na po ang bahala,” saad ng binata na may ngiti sa mukha.
“Hindi ko naman pinalinis ‘yan sa iyo! Ikaw lang ang nagdesisyon kaya hindi ko ‘yan babayaran!” galit na wika ng lalaki.
Hindi pa rin umangal si Badong at tinanggap na lang ang sinabi ng lalaki.
Nang sumunod na araw, hindi sinasadyang parehong sasakyan na naman ang kaniyang nilinis.
Muli, nang matapos ang paglilinis ay nakangiti siyang kinatok ang bintana ng sasakyan upang makahingi sa drayber ng kaunting barya.
“Ikaw na naman? Sinabi ko nang hindi ko pinalilinis ang windshield ko! Hindi ako magbabayad dahil hindi naman kita inutusan. Ginawa mo ito nang kusa!” sumbat pa ng ginoo.
Kinabukasan, muli na naman niyang nakaharap ang lalaking ito. Nagalit na ang drayber dahil sa tingin niya’y sinasadya na ng binata ang lahat. Sa pagkakataong ito ay hindi na niya pinagbuksan pa ng bintana si Badong at hinarurot na lang ang sasakyan.
Ngunit napapansin ng lalaki na malinis talagang gumawa ang binata.
Sa ikaapat na pagkakataon ay hindi na naman sinasadyang linisin ni Badong ang salamin ng kotse ng naturang lalaki. Inaasahan ng drayber na kakatok na naman ito sa kaniyang bintana upang manghingi ng pera, ngunit ngumiti na lang ang binata at saka umalis.
Dito na tinawag ng ginoo si Badong, imbes na barya ang kaniyang ibinigay ay isang calling card.
“Kailangan mo ng trabaho, boy? Puntahan mo ako sa opisina ko. May-ari ako ng isang sikat na pagawaan ng sasakyan. P’wede kang magtrabaho sa akin,” saad ng lalaki.
“Talaga po, ginoo? Maraming salamat po! Sinabi ko na po sa aking sarili na kapag nakita ko ang sasakyan ninyo’y iiwasan ko na. Ngunit abala ako sa pag-iisip kung paano ako magkakaroon ng dagdag kita para tuloy-tuloy kong maipagamot ang lolo kong may sakit. Kaya nang matapos kong linisin ang salamin ng sasakyan n’yo at malaman kong sa inyo ito’y hindi na ako nag-abala pang kumatok. Hindi ko akalain na higit pa sa hinahangad ko ang aking makukuha,” masayang wika ng binata.
Nahabag naman ang ginoo sa istorya ni Badong.
Kinabukasan ay nagtungo siya sa tanggapan ng lalaki upang pormal na mag-apply ng trabaho. Tulad ng inaasahan ay natanggap naman siya.
Masaya-masaya niyang ikinuwento sa kaniyang Lolo Toryo ang magandang balita.
“Mabuti naman at hindi ka na sa kalsada maghahanapbuhay. Araw-araw na umaalis ka’y walang kasing lakas ang kabog sa aking dibdib. Lagi kong pinapanalangin sa Maykapal na ingatan ka at ilayo ka na sa delikadong kalsadang iyon,” saad ng matanda.
“Simula po ngayon ay hindi na kayo mag-aalala pa sa akin, ‘lo. Sisiguraduhin ko pong hindi masasayang ang pagkakataong ito. Pagbubutihin ko dahil pangarap kong maabutan ninyo ang aking pag-asenso,” saad pa ng binata.
Ito ang naging ispirasyon ni Badong para magsumikap. Nagsimula siyang maging isang carwash boy. Maayos naman ang pasahod ng kaniyang amo ngunit nais niyang matuto pa, kaya sinubukan rin niyang maging isang mekaniko. Labis niyang pinagbutihan kaya agad siyang naging chief mechanic.
Nag-ipon siya hanggang sa tuluyan na siyang nakapagpatayo ng sarili niyang carwash station at sa gilid nito’y may masarap na kainan. Doon na nagsimula ang pag-asenso ni Badong. Ngunit kahit nagkakapera na’y hindi pa rin naaalis ang tapak niya sa lupa.
Hindi niya inuna ang kaniyang sarili. Ni isang luho ay wala siyang binili. Inuna niyang paglaanan ang pagpapagamot ng kaniyang lolo.
Inabot pa ng limang taon bago tuluyang namayapa ang matanda. Hindi malilimutan ni Badong ang mga katagang sinabi ng kaniyang Lolo Toryo bago ito namaalam.
“Tanggap ko nang ito na ang katapusan ng aking buhay, apo. Ipinagmamalaki kong malayo na ang iyong narating… pero mas ipinagmamalaki kong hindi ka nakalimot. Lahat ng mayroon ka ngayon ay dahil sa iyong kasipagan at katatagan sa pagharap sa hamon ng buhay. Maraming salamat sa pagkalinga mo sa akin, apo. Mahal na mahal kita. Masaya akong mamamaalam ngayong alam kong nasa mabuti kang kalagayan,” wika ng matanda.
Hindi pa rin makapaniwala si Badong sa malaking pagbabago ng kaniyang buhay. Masaya na siya na kahit sa maiksing panahon ay natupad niya ang pangako sa kaniyang Lolo Toryo na malalasap nito ang kaniyang tagumpay. Kung tutuusin, ang matanda naman talaga ang dahilan kung bakit nagsumikap siya sa buhay.