Inday TrendingInday Trending
Ilang Beses Nakita ng Nars ang Balong Kapitbahay na Nasa Silid ng Naghihingalong Pasyente; Ito Pala ang Tunay na Dahilan

Ilang Beses Nakita ng Nars ang Balong Kapitbahay na Nasa Silid ng Naghihingalong Pasyente; Ito Pala ang Tunay na Dahilan

Buong pagmamalaking naglakad palabas ng bahay ang dalagang si Chelsea dahil unang araw niya sa trabaho bilang isang nars. Sa kaniyang paglalakad ay natanaw siya ng kaniyang inang nakikipagtsismisan sa tapat ng isang tindahan.

“Parang tuluyan nang nawala sa sarili ‘yang si Petra, ano? Madalas umaalis at hindi mo alam kung saan nagpupunta. Ang balita pa sa akin ng kumare ko, nakita raw n’ya yang si Petra na nagpupunta sa ospital at may mga dinadalaw na pasyente na hindi naman niya kilala. Baka talagang nawala na sa katinuan simula nang mawala ang asawa niya!” kwento ni Anita sa kaniyang mga kumare.

Sandaling huminto si Chelsea para awatin ang ina.

“‘Nay, ubod ng lakas ng boses ninyo, baka mamaya ay marinig kayo ni Aling Petra!” sambit ng dalaga.

“Hayaan mo na ‘yang si Petra! Wala naman akong pakialam kung marinig niya ako dahil nagsasabi lang naman ako ng totoo! Ang asikasuhin mo ay iyang trabaho! Umalis ka na at baka mamaya ay mahuli ka pa!” saad muli ni Anita.

“Sa itsura pa lang ng anak ko ay kitang-kita mo nang may magandang buhay na naghihintay, ano?” pagmamayabang pa ng ginang.

Nagpatuloy sa paglalakad si Chelsea at napansin niyang nakatanaw sa kanila si Aling Petra mula sa bintana ng bahay nito.

Noon pa man ay malaki na ang takot ng dalaga sa kanilang balong kapitbahay. Simula kasi nang mawala ang asawa nito’y tingin nila’y nawala na rin ito sa tamang pag-iisip. Dating OFW at walang anak ang ginang kaya sa tingin nila’y hanggang ngayon ay nalulugmok ito sa kalungkutan.

Pagpasok ni Chelsea sa ospital ay napasabak agad siya sa matinding trabaho. Medyo nangangapa pa siya sa mga gagawin pero pinagsusumikapan niyang magpakitang gilas.

Nang sumunod na araw ay naabutan ng dalaga na nagtatakbuhan ang mga nars dahil mayroon daw nag-aagaw buhay na pasyente.

Nang hindi mapakali itong si Chelsea ay sinubukan niyang sumilip sa silid nito.

Nakita niyang tila tinigilan na ng mga doktor ang pagsagip sa buhay ng naghihingalong lalaki. Ang lalo niyang ikinagulat ay nang makita niya si Aling Petra na naroon at hawak ang kamay ng pasyente.

“Sigurado akong si Aling Petra ‘yun, hindi ako maaaring magkamali,” sambit nito sa sarili. “Ngunit anong ginagawa niya rito sa ospital? Bakit niya hawak ang kamay ng lalaking iyon? Anong relasyon niya sa pasyente?” patuloy ang mga tanong sa kaniyang isip.

Pilit na binalewala na lang ni Chelsea ang kaniyang mga nakita. Baka nga namamalikmata lang siya.

Ngunit makalipas ang isang Linggo ay nagulat na naman siyang makita si Aling Petra loob ng silid habang hawak ang kamay ng isang naghihingalong pasyente.

“Hindi kaya nawala na talaga sa katinuan itong si Aling Petra? Baka mamaya ay pinaniniwala niya ang mga doktor na siya ang kaanak at tinatanggihan niya ang lunas na nais na ibigay ng doktor. Baka labis siyang nalulungkot sa pagkawala ng kaniyang asawa kaya ginagawa niya ang ganitong bagay!” kinakabahang kutob ni Chelsea.

Sa pagkakataong iyon ay hindi alam ni Chelsea ang kaniyang gagawin. Upang maibsan ang pagkabalisa at bigat sa kalooban ng kaniyang nakita ay sinabi niya ito sa kaniyang ina.

“Sinasabi ko na nga ba at tama ang iniisip ko riyan kay Petra. Nakakatakot siya! Dapat malaman ng pamunuan ng ospital ‘yang nalalaman mo. Baka mamaya ay mas marami pa siyang buhay na kunin, Chelsea!” saad ni Anita.

“Pangako n’yo po sa akin, ‘nay, na wala muna kayong pagsasabihan nito, pero iwasan niyo na rin po si Aling Petra. Hindi natin alam kung ano pa ang kaya niyang gawin,” wika ng dalaga.

Bilang makati talaga ang dila nitong si Anita at hindi makapapigil ay binanggit niya ito sa kaniyang mga kumare. Mabilis na kumalat ang balita.

Isang araw ay nagkasundo ang mga magkakapitbahay na tuluyan nang palayasin si Aling Petra sa kanilang lugar dahil banta na ito sa kanilang seguridad at kaligtasan.

“Anong karapatan n’yong paalisin ako sa pamamahay ko? Wala naman akong ginagawang masama sa inyo! Kayo nga itong walang ginawa kung hindi pagtsismisan ako!” depensa ni Petra.

“Sa ngayon ay wala ka pang nagagawa sa aming masama pero hindi namin alam ang mga binabalak mo. Akala mo ba’y hindi namin alam ang mga ginagawa mo? Napakaitim ng iyong budhi! Wala kang konsensya!” bulyaw ni Anita.

Hindi maunawaan ni Petra ang sinasabi ng kapitbahay. Dahil sa tingin ng mga kapitbahay ay nagmamaang-maangan lang ang ginang ay pinagtulungan nila ito.

“Bakit n’yo ba ginagawa sa akin ang ganitong bagay? Nananahimik ako rito sa bahay ko!” pagtangis ng balo.

Napansin ni Chelsea ang gulong nangyayari kaya nilabas niya ito agad. Ang iba naman ay nag-report sa himpilan ng baranggay. Doon ay lalong napagkaisahan si Aling Petra.

“Nakita mismo ng anak ko na naroon ka sa silid ng mga naghihingalo. Nagpapanggap kang kamag-anak at ikaw ang nagdedesisyon para sa kanilang buhay!” giit ni Anita.

“‘Nay, hindi ho ba’t sinabi ko na sa inyo na hindi ito makakalabas? Sa atin lang po ito. Bakit n’yo sinabi sa ibang tao?” sambit ni Chelsea sa ina.

“Mainam na ‘yun upang makita talaga nila ang pagkatao ng babaeng ito. Baka mamaya ay may maospital sa atin tapos ay magmagaling din siya at magdesisyon para sa buhay natin. Mahirap na!” tugon naman ni Anita.

Napatingin lang si Petra sa mag-ina.

Maya-maya ay nag ring ang telepono ng ginang.

“Kailangan ko nang umalis at may kailangan akong puntahan,” saad ni Petra.

“Saan ka pupunta? Sa ospital na naman? May bago ka na naman bang bibiktimahin?” wika ni Anita.

“Kailangan ko nang umalis talaga! Babalik na lang ako mamaya kung hindi pa kayo tapos sa mga akusasyon sa akin. Kailangan ko na talagang umalis!” giit ng ginang.

Ngunit hindi talaga siya pinakawalan ng mga ito. Inabot na sila ng hapon saka natapos ang pag-uusap na iyon.

Halata namang mabigat ang kalooban ni Aling Petra.

Kinabukasan, pagpasok ni Chelsea sa ospital ay nabalitaan niyang hindi na maganda ang lagay ng isang pasyente doon. Nang bigla niyang naisip ang balong kapitbahay ay agad siyang nagtungo sa silid ng naturang pasyente dahil kinukutuban siyang baka naroon na naman ito.

Hindi nga siya nagkamali.

Nang makita ni Chelsea si Aling Petra ay agad siyang sumigaw.

“Huwag kayong maniwala sa babaeng iyan! Hindi siya kamag-anak ng pasyente. Wala silang relasyon! Gamutin n’yo na agad ang pasyente bago pa mahuli ang lahat!” pakiusap ni Chelsea.

Lahat ay nakatitig lang sa kaniya.

“Ano pang ginagawa ninyo? Paalisin n’yo na siya!” pilit pa nito.

Hanggang sa isang nars ang umawat sa kaniya at pinalabas siya

“Ano bang ginagawa mo, Chelsea? Huwag kang mag eskandalo rito!” wika ng kapwa niya nars.

“Alam naming hindi kamag-anak ng lalaking iyon si Aling Petra! Sa katunayan nga ay hindi na talaga siya binalikan ng kaniyang mga kamag-anak. Siya na mismo ang tumanggi na bigyan namin siya ng lunas,” dagdag pa ng nars.

“P-pero bakit hinahayaan n’yo si Aling Petra na narito gayong hindi naman siya kamag-anak? Bakit ilang beses ko nang nakitang hinahawakan pa niya ang kamay ng mga ito habang lumilisan?” usisa ni Chelsea.

“Ang mga pasyenteng iyon ay mga inabandona na ng kanilang pamilya. Narito si Aling Petra dahil ang sabi niya’y walang tao ang dapat yumao na nag-iisa. Ramdam niya ang sakit nang mangyari ito sa kaniyang asawa ilang taon na ang nakalilipas. Nasa ibang bansa siya noon para sa isang conference nang biglang atakihin sa puso ang kaniyang asawa. Ang akala ng lahat ay maayos na ang lagay nito hanggang sa muli itong atakihin sa puso, at nag-iisa lamang ito sa silid. Hindi na niya ito inabutan. Simula noon ay naging panata na niyang magpunta rito para hawakan ang kamay ng mga naghihingalong pasyente. Sa ganoong paraan ay maramdaman man lang nila sa huling pagkakataon ang pagmamahal,” paliwanag pa ng nars.

Nahiya si Chelsea sa kaniyang sarili nang malaman niya ang buong katotohanan. Paglabas ni Aling Petra mula sa silid ay agad niya itong kinausap upang humingi ng tawad.

“Pasensya na po at madali ko kayong hinusgahan gayong hindi ko naman kayo lubusang kilala. Gusto ko lang po malaman na humahanga po ako sa adbokasiya ninyo. Para sa ikapapanatag po ng iyong damdamin, alam ko pong ipinagmamalaki kayo ng inyong asawa sa langit,” saad ni Chelsea sa kapitbahay.

Hindi naman nagdalawang-isip si Aling Petra na patawarin siya.

Agad na itinama ni Chelsea ang kaniyang maling nagawa. Binawi niya ang lahat ng kaniyang nasabing haka haka patungkol sa balong kapitbahay. Hindi rin makapaniwala si Aling Anita nang malaman niya ang tunay na nangyari, Maging ito ay humingi rin ng kapatawaran sa ginang.

Mula noon ay tumigil na ang mga tsismis laban kay Aling Petra. Sa katunayan ay marami nga ang humanga sa kaniyang ginagawa.

Ngayon ay mas nauunawaan na siya ng mga kapitbahay. Ang maganda pa roon ay may mga kapitbahay pang nagboluntaryo para gawin din ang kaniyang sinimulan.

Advertisement