Desperado na ang Lalaki sa Kalagayan ng Anak na Nakaratay sa Ospital; Tila Isang Mirakulo ang Magaganap
“Isuko mo na ang anak mo, Greg. Wala na rin naman tayong magagawa pa! Ang sabi ng mga doktor ay kakaunti na lang ang tiyansa na mabuhay siya. Lumolobo na rin ang babayaran natin dito sa ospital! Makinig ka naman sa akin!” sambit ng asawang si Amanda.
“Paano mo ‘yan nasasabi sa sarili mong anak? Paano mo nakakayanan na hayaan na lang siyang mawala, Amanda? Handa akong mawalan ng ari-arian. Kahit sarili ko ay handa kong itaya para lang mabuhay ang anak natin!” bulyaw naman ni Greg.
“Maghihirap tayo, Greg. Isang damakmak na ang utang natin. Nahihirapan na rin ang anak natin! Palayain mo na siya!”
“Paano mo nalamang ayaw na niyang mabuhay, Amanda? Lumalaban ang anak natin! Higit kailanman ay ngayon ka niya kailangan!” dagdag pa ng ginoo.
Subalit, tila tuluyan na ngang nawalan ng pag-asa ang babae.
“Bahala ka kung ‘yan ang gusto mo, pero hindi ko na kayang makita si Kenneth sa ganyang sitwasyon. Hindi ko na rin kaya pa ang sitwasyon natin. Ayoko na, Greg, sawa na ako sa ganito,” sambit ng ginang.
“Nakikipaghiwalay ka ba sa akin, Amanda? Ngayon mo talaga napiling gawin ‘yan?”
Hindi na umimik pa ang kaniyang misis.
“Sige, kung iyan ang gusto mo’y umalis ka na, pero kahit kailan ay hindi mo na makikita ang anak natin! Tatandaan kong iniwan mo kami ng anak mo sa panahon na kailangan ka namin,” lumuluhang sambit ni Greg.
Maayos naman noon ang pamumuhay ng mag-anak na Mendoza. Maganda ang trabaho ni Greg na isang inhinyero. Hindi siya nagkukulang sa pangangailangan ng kaniyang pamilya. Ngunit isang taon na ang nakalilipas simula nang mabagok ang ulo ni Kenneth dahilan upang mawalan ito ng malay. Matagal nang umaasa si Greg na muling gigising ang anak ngunit malabo na raw itong mangyari sabi ng mga doktor.
Gayunpaman, pilit na inilalaban ni Greg ang buhay ng anak. Isa-isa niyang binenta ang kanilang mga naipundar upang magamit sa pagpapagamot ng binata…. hanggang sa tuluyan na nga silang naghirap.
Binalaan na rin sila ng pamunuan ng ospital na kung hindi makakabayad sa lumolobo nilang gastos ay kailangan nang tanggalin ang makinang sumusuporta kay Kenneth.
Samantala, ang misis naman niyang si Amanda ay walang inisip kung hindi ang kaniyang sarili. Hirap na nga raw siya sa pag-aalaga sa anak ay ayaw niyang maranasan naman ang hirap ng buhay. Kaya nagpasya siyang iwan si Greg.
Tumindi lalo ang hinagpis na nararamdaman ng ginoo. Ngunit kailangan niyang magpakatatag para sa kaniyang anak.
“Ate, baka naman p’wede mo akong pahiramin kahit magkano lang. Para mabawasan na rin ang bayarin namin sa ospital. Hindi ko na alam kung saan at kanino ako lalapit,” pagmamakaawa ni Greg.
“Kung may pera lang talaga ako, Greg, ako na ang magbabayad ng lahat. ‘Yung nautang mo sa aking isang milyon ay saka mo na lang din bayaran,” wika ng ginang. “Pasensya ka na kung hindi ako makatulong sa iyo ngayon,” dagdag pa nito.
“Pasensya ka na rin sa akin, ate. Desperado na kasi ako,” saad muli ni Greg.
“Nauunawaan kita. Masakit talaga ang mawalan ng anak. Isipin mo rin ang anak mo, Greg. Baka naman talagang hindi na niya kaya. Baka naman ikaw na lang ang pumipigil sa kaniya upang makapagpahinga nang tuluyan. Baka tama si Amanda,” sambit pa ng nakakatandang kapatid.
“Pero hindi pa rin tama na iwan niya kami. Ate, nararamdaman kong lumalaban ang anak ko! Gusto pa niyang mabuhay! Marami pa siyang pangarap na gustong tuparin! Kung susuko ako ngayon ay sayang naman ang lahat ng pinagdaanan namin,” wika ng ginoo.
“Pero, Greg, matagal nang walang pagbabago sa lagay ng anak mo. Isuko mo na ang laban.”
“Bakit ba napakadali na lang sa inyo na sabihin ang bagay na ‘yan? Mauunawaan n’yo lang ako kapag kayo na ang nasa lagay ko. O kayo ang nasa kalagayan ng anak ko!” sambit ni Greg.
“Ang sinasabi ko lang naman, Greg, ay mas mainam na harapin mo na lang ang katotohanan,” sagot ng ate niya.
“Pero ang gusto n’yo ay hayaan ko na lang mawala ang anak ko!” hinagpis ng ginoo.
Pakiramdam ni Greg ay walang nakakaunawa sa kaniya. Mahirap ang kaniyang kalagayan dahil sa laki ng problemang pinansyal ay wala na talaga siyang malapitan.
Bumalik siya sa ospital upang tingnan ang anak. Kinausap niya ito habang patuloy ang kaniyang pagluha.
“Anak, huwag kang mag-alala at gagawin ko ang lahat para gumaling ka. Kahit ang sariling buhay ko pa ang nakataya,” sambit ni Greg habang hawak ang kamay ng anak.
Lumabas sandali si Greg ng silid at hindi sinasadya na narinig niya ang usapan ng ibang nars doon.
“Nakakaawa man pero kailangan nilang sumunod sa patakaran ng ospital. Kailangan na raw talagang bunutin ‘yung aparato dahil hindi na nakakabayad ‘yung magulang nung binata. Bukas ata ay kakausapin na sila ng pamunuan ng ospital. Napakalaki na kasi talaga ng babayaran nila,” kwento ng isang nars.
Alam ni Greg na sila ng anak ang tinutukoy ng mga ito. Kaya naman dali-dali siyang nag-isip ng paraan.
Kinabukasan ay dumating nga ang mga doktor sa silid kung nasaan si Kenneth. Inanyayahan nila si Greg upang makipag-usap sa kanila nang masinsinan… nang biglang bumunot na lang ang ginoo ng baril at itinutok sa kanila.
“Kapag inalis ninyo ang makinang bumubuhay sa anak ko ay wala ring mabubuhay ni isa sa inyo! Ganyan ba talaga kayo rito? Pera-pera na lang? Hindi ba kasing halaga ng buhay ng anak ko ang mga taong kayang magbayad? Negosyo na lang ba para sa inyo ang lahat ng ito?” galit na sigaw nito.
Pilit siyang pinakakamlma ng mga doktor upang ibaba ang kaniyang baril.
“Lalo kang makakasuhan sa ginagawa mo. Itigil mo na ito!” saad ng isang doktor.
Ngunit desidido si Greg. Para sa kaniya’y wala na rin namang saysay ang kaniyang buhay kung mawawala ang anak.
Maya-maya ay tuluyan nang nagising si Kenneth.
Habang nakikipagmatigasan si Greg sa mga doktor at ilang tauhan ng pamunuan ay bigla na lang gumalaw ang mga daliri ni Kenneth. Sa labis na pagkamangha ng ama’y nabitawan nito ang baril. Nagulat din ang mga doktor kaya naman agad nilang sinuri ang binata.
“‘Pa, ikaw ba ‘yan? Ikaw ba ‘yan, pa?” sambit ng binata.
Napaiyak sa sobrang kaligayahan itong si Greg. Niyakap niya ang anak at napasigaw siya sa tuwa.
“Mahabaging Diyos, maraming salamat po!” sambit ng ginoo.
Lahat naman nang naroon ay namangha at ‘di rin makapaniwala sa nangyari.
Isinantabi muna ng mga doktor ang mga nangyari at saka nila binigyan ng lunas itong si Kenneth.
Nang maayos na ang kalagayan nito’y saka lang sya sinampahan ng kaso ng ospital. Tanggap naman ni Greg ang desisyong ito. Inihingi na rin niya ito ng tawad nang ilang ulit.
Nang dadamputin na siya ng pulis ay isang magandang balita ang nakarating sa kaniya.
“Inuurong na ng ospital ang isinampang kaso sa iyo. Lalo na nang makitang wala namang bala ang baril na iyong dala. Ngunit sa susunod, ginoo, huwag mong daanin sa dahas ang mga bagay-bagay dahil may karampatang parusa ‘yan,” saad ng pulis.
Masaya itong si Greg dahil sa wakas ay makakasama pa niya nang matagal ang anak lalo pa at bumubuti na unti-unti ang kalagayan nito.
“Hinding-hindi kita isusuko, anak. Kahit habamuhay akong magbanat ng buto para makabayad sa lahat ng utang natin ay gagawin ko, mabuhay ka lang. Maraming salamat sa Panginoon at muli ka Niyang ibinalik sa akin,” wika pa ni Greg.