Nalaman Niya na Naghahanda na ang Kasintahan Niya Para Mag-Alok ng Kasal; Sa Huli, Malutong na Sampal ang Naibigay Niya Rito Imbes na Matamis na Oo
Isang buwan na ang nakakaraan simula nang mapansin ni Abigail na tila nanlalamig na sa kaniya ang kaniyang kasintahan. Kung dati ay palagi siya nitong hinahatid at sinusundo sa kaniyang trabaho, dinadalhan ng pagkain tuwing nalalaman nitong nagugutom siya, at palagi siyang niyayang lumabas, ngayon ay marami na itong sinasabing dahilan.
“Pasensya na, mahal, may biglaang pagpupulong kami sa trabaho, eh.”
“Hindi kita masusundo ngayon, may dadaluhan akong selebrasyon.”
“Hindi ako makakapunta d’yan sa bahay niyo, wala akong pera.”
Ilan lang ang mga ito sa mga dahilan na palagi nitong sinasabi sa kaniya na talagang nagbigay na ng matinding paghihinala sa kaniya dahilan para komprontahin na niya ito, isang araw nang surpresahin niya ito sa bahay.
“O, hatinggabi na, ha? Anong ginagawa mo rito, mahal? May importante ka bang sasabihin? Pwede bang bukas na lang? Pagod na pagod na ako sa trabaho, eh,” tuloy-tuloy nitong sabi pagkabukas nito ng pinto at hindi man lang siya nagawang papasukin ng bahay.
“Tapatin mo nga ako, iniiwasan mo ba ako?” tanong niya na ikinatawa nito.
“Hindi, bakit naman kita iiwasan? May nakakahawa ka bang sakit?” tawang-tawa sabi nito.
“Hindi ako nakikipagbiruan! Akala mo ba hindi ko napapansin ang panlalamig mo sa akin?” sigaw niya rito.
“Diyos ko, Jopay! Kung ‘yan lang ang dahilan kaya ka pumunta rito sa amin, umuwi ka na lang. Wala na akong lakas para magpaliwanag at makipagtalo sa’yo,” sigaw din nito saka agad na siyang sinarhan ng pinto kaya wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang umuwi nang luhaan.
Dahil nga hindi siya mapakali at pakiramdam niya’y may hindi magandang ginagawa ang kaniyang kasintahan, binuksan niya ang lahat ng social media account nito tutal ay alam niya ang mga password nito.
Sa pamamagitan no’n, may usapan siyang nabasa na tila nagpaplano pala ito ng wedding proposal na talagang nagpatibok nang mabilis ng kaniyang puso. Agad niyang sinara ang usapang iyon sa takot na baka hindi matuloy ang proposal na iyon para sa kaniya. Tinandaan niya lang ang araw kung kailan ito isasakatuparan upang siya’y makapaghanda ng damit at sapatos na susuotin niya.
“Diyos ko! Ano ba itong iniisip ko? Sa sobrang paghihinala ko, kamuntikan ko pang malaman ang buong detalye ng surpresa para sa akin!” tawang-tawa niyang sabi.
Iyon ang dahilan kaya hinayaan niya na lamang na maging malamig ang trato ng kaniyang kasintahan sa kaniya upang makapaghanda ito nang maayos para sa wedding proposal nito. Sabi niya pa nga, “Ako na naman ang makikinabang at matutuwa sa araw na iyon!”
Kaya lang sa araw ng proposal nito, ni isang text ay wala itong pinadala sa kaniya. Nais man niyang mangamba, kinumbinsi niya ang sariling mag-relax upang maganda ang itsura niya mamaya.
“Baka naman maya maya, nand’yan na rin siya sa harap. Sigurado naman akong susunduin ako no’n, lalo na’t ako ang susurpresahin niya!” sabi niya sa sarili habang matiyag niyang nilalagyan ng make-up ang kaniyang mukha.
Ngunit, trenta minutos na ang nakaraan simula nang magsimula ang surpresang pinaghahandaan ng kasintahan, hindi pa rin siya nito tinatawagan o pinapadalhan kahit isang mensahe.
Doon na siya muling nakaramdam ng kaba. Muli niyang binuksan nang palihim ang social media account nito at doon niya nakumpirmang nagsimula na nga ang proposal nito.
Siya’y labis na nanghina nang makita niya ang isang litrato ng kaniyang kasintahan na nakaluhod sa tapat ng isang magandang dalaga!
“Te-teka, a-anong ibig sabihin nito? Hindi para sa akin ang proposal na iyon?” mangiyakngiyak niyang tanong.
Kahit na sobra na siyang nanghihina sa nalamang balita, pinilit niya pa rin ang sariling makapunta sa lugar na iyon upang surpresahin niya rin ang lalaking nanloloko na pala sa kaniya.
Pagkadating niya roon, parang nakakita ng multo ang kasintahan niyang nadatnan niya pang mangiyakngiyak dahil sa sayang nararamdaman habang yakap-yakap ang dalagang mas bata sa kaniya.
“Kaya pala nanlalamig ka na sa akin, ano? May ibang babae ka na palang gustong pakasalan!” sigaw niya kaya agad na nabigla ang dalaga.
“Sino po kayo?” magalang nitong tanong sa kaniya.
“Ako lang naman ang nobya niyang walang hiyang ‘yan! Hindi mo ba alam na may nobya ‘yan?” galit niyang tanong dito at imbes na siya’y sagutin nito, agad nitong hinubad ang singsing na kakasuot lamang, at ito’y sinampal sa kaniyang kasintahan.
“Sabi mo sa akin, matagal ka nang walang karelasyon at sabi mo pa, pinagpalit ka ng dati mong nobya kaya awang-awa ako sa’yo! Sinungaling ka!” sigaw nito saka agad na lumapit sa kaniya, “Pasensya ka na, hindi ko talaga alam na may nobya ‘yan. Naloko na rin ako ng dati kong kasintahan kaya alam ko ang sakit at ayokong maging dahilan no’n sa ibang tao. Gawin mo na ang gusto mong gawin sa kaniya, uuwi na ako at hindi na kailanman magpapakita sa kaniya, pangako,” bulong nito sa kaniya.
Kahit pa ganoon, hindi pa rin natanggal ang galit na mayroon siya sa binata kaya agad niya itong sinampal at kinuhanan ng litrato na dali-dali niyang nilagay sa social media kasama ang kwento kung paano siya nito niloko. Katakot-takot na kahihiyan man ang natanggap nito, ni katiting na pangongonsenya ay wala siyang naramdaman.
Inumpisahan niya na rin hindi kalunan ang pagtanggap sa masakit na karanasang ito na naging malaking tulong upang siya’y makausad at matuto sa buhay lalo na sa larangan ng pag-ibig.
“Hindi na ako kailanman magpapabilog sa mga lalaking walang balak na makasama ako habambuhay!” lagi niyang sabi sa mga manliligaw niyang pakiramdam niya’y hindi rin magtatagal sa kaniya.