Nag-iipon ng Pera ang Matabang Dalaga Upang Makapagpaopera ng Katawan; Hindi Pala Ito Matutuloy
Balingkinitan naman talaga ang katawan ng dalagang si Jopay simula pa lamang noong bata siya. Madalas pa nga siya noong matuksong “patpat”, “tingting”, o kung hindi naman ay “saranggola” dahil sa kapayatan niya.
Bukod sa mapili siya sa pagkain noong mga panahong iyon, ayaw niya ring maging mataba o kahit magkalaman ng kaunti dahil napag-alamanan niyang ang lalaking hinahangaan niya simula pagkabata ay nagagandahan sa mga babaeng mapapayat.
Pagkatapos niyang mag-aral, habang siya’y naghahanap ng trabaho sa Maynila, napagdesisyunan niyang umamin na rito. Ngunit imbes na positibong sagot ang matanggap niya mula rito, sabi nito sa kaniya, “Masaya akong malamang hinahangaan mo ako noon pa man, Jopay, pero pasensya ka na, ikakasal na ako sa isang taon, eh. Tagal din nating hindi nagkita, ano? Madami nang nagbago sa buhay ko,” na talaga nga namang nagbigay ng matinding kalungkutan at kirot sa puso niya.
Dahil doon, ibinuhos niya ang kalungkutang nararamdaman sa pagkain ng mga matatamis at maaalat na pagkain. Kahit dis oras na ng gabi, lumalabas pa talaga siya ng bahay para lang bumili ng ice cream, cake, o french fries na nag-uumapaw sa asin!
Sakto namang ang nahanap niyang trabaho ay pupwede niyang gawin sa kanilang bahay kaya habang nagtatrabaho, walang tigil ang bibig niya kakakain ng kung anu-ano. Halos hindi na rin siya naalis sa kinauupuan niya dahil sa pagiging abala sa pagtatrabaho at pagkain na nag-ugat sa pagdagdag ng kaniyang timbang.
Sa loob lang ng isang taon, agad na trumiple ang timbang niya dahil sa gawain niyang ito. Sobrang laki man ng pagbabago sa kaniyang katawan, ayaw niya pa ring tigilan ang hindi magandang kaugalian niya na nagbigay na ng malaking pangamba sa kaniyang ina.
“Anak, baka naman gusto mong mag-ehersisyo o kahit magbawas man lang ng mga kinakain mong pagkain? Iba na ang laki ng katawan mo, anak, huwag mo nang hayaang magkaroon ka ng sandamakmak na sakit bago mo alagaan ang katawan mo,” pag-aalala nito, matapos nito ibigay sa kaniya ang pinabili niyang mga chichirya.
“Hindi ko na kailangan mag-ehersisyo o mag-diyeta, mama, dahil magpapaopera ako! Kaya nga ako nagtatrabaho nang maigi para makaipon at makapagpaopera!” sagot niya saka agad nang nginata ang chichirya.
“Hindi pa rin maganda ‘yang iniisip mo, eh! Paano kung hindi maging matagumpay ang pagtapyas d’yan sa mga taba mo? Anong gagawin mo, ha?” pangamba pa nito na ikinainis niya.
“Pwede ba kumalma ka, mama? Magtiwala ka sa akin!” sigaw niya rito.
“Ewan ko ba sa’yo! Nang dahil lang sa lalaki nagkagan’yan ka! Halika, sumama ka sa akin maglakad-lakad sa parke!” yaya nito saka siya pilit na hinila patayo.
“Ayoko!” giit niya sabay takbo sa kaniyang kama upang magtalukbong.
Araw-araw man siyang pinagsasabihan ng ina, araw-araw din siyang ngumunguya ng mas maraming pagkain. Kahit sa laki ng binago ng katawan niya, ni katiting na pangamba ay wala siyang nararamdaman dahil may malaki naman siyang ipon sa bangko na pupwede niyang gamitin sa pagpapaopera.
Nang matagumpay na siyang makaipon ng sapat na pera para sa operasyong gusto niya, agad siyang nagpa-appointment sa doktor na kakilala niya.
Ngunit, isang linggo bago ang nakatakdang araw na ‘yon, habang siya’y nagtatrabaho nang madaling araw, sigawan ng kanilang mga kapitbahay ang nagpagising sa diwa niya dahilan para siya’y agad na sumilip sa bintana ng kwarto niya at doon niya nakitang isang bahay na lang ang layo sa kanila ng malaking apoy!
Dali-dali niyang ginising ang kaniyang ina at mga kapatid saka na sila agad na lumabas ng kanilang bahay. Hindi na niya inisip kung anong gamit ang dapat nilang isalba dahil sa kaba at takot na nararamdaman nilang lahat.
Katulad ng kinakatakutan nilang lahat, natupok nga ng apoy ang kanilang buong bahay at ni isang gamit ay wala silang nakuha. Ang tanging naisalba niya ay ang pitaka niyang naglalaman ng mga ID at ATM niya na palaging nasa bulsa niya at ang kaniyang selpon.
“Anak, paano na tayo niyan?” iyak ng kaniyang ina habang pinagmamasdan ang abo nilang bahay.
Ayaw man niya sanang gastusin ang perang nasa bangko niya dahil nga gusto niyang magpaopera, hindi niya matiis ang malulungkot na mukha ng kaniyang mga nakababatang kapatid pati na ng kaniyang ina. Kaya naman, nagdesisyon siyang gamitin na lang ang perang iyon upang muli silang makapag-umpisa.
“Paano na ang pagpapaopera mo, anak?” pangamba ng kaniyang ina habang sila’y nasa bangko upang kumuha ng pera.
“Nand’yan ka naman, mama, eh, tutulungan mo naman akong mag-ehersisyo at mag-diyeta, hindi ba?” tugon niya na talagang ikinaiyak nito sa tuwa.
Doon na niya muling naipatayo ang kanilang bahay na nagbigay ng taos pusong saya sa kanilang lahat at nang tuluyan na silang makabangon, nagsimula na rin siyang mag-ehersisyo at mag-diyeta.
Ilang taon man ang binilang niya upang maibalik ang kaniyang dating katawan, masaya siyang nagawa niya ito sa natural na paraan at nasiguro niya pang ngayon, walang naghihintay na sakit sa kaniya dahil sa maling kaugalian niya.