Hinangaan ng mga Tao ang Isang Dating OFW nang Tulungan Nito ang Isang Pulubi; Maaantig Sila sa Tunay na Kwento sa Likod Nito
Balitang-balita ngayon sa iba’t ibang social media sites, pati na rin sa mga palabas sa telebisyon ang tungkol sa isang OFW—si Vergel—na kauuwi lamang ng ’Pinas, na tumulong sa isang pulubing nawawala sa kaniyang sarili. Natagpuan ni Vergel o ‘Ver’ ang naturang pulubi na nanghihingi ng pagkain sa isang bakery malapit sa kaniyang bahay dito sa Pinas kaya naman iniuwi niya ito, binihisan, pinakain, at ngayon ay kinupkop na parang kadugo.
Talaga namang naantig ang puso ng mga netizens sa ganda ng kalooban ng nasabing OFW, kaya naman umani ito ngayon ng napakaraming papuri mula sa kanila. Naging instant sikat ang lalaki, kaya naman maraming mga kilalang personalidad ang lumapit sa kaniya upang alamin ang kwento sa likod ng kaniyang pagtulong. Nagpaunlak naman si Vergel ng isa sa mga ito, dahil may gusto siyang linawin sa tunay na dahilan kung bakit niya ’yon ginawa.
“So, Vergel, sobrang sikat mo ngayon at napakaraming taong humahanga sa ’yo dahil sa malasakit na ipinakita mo sa matandang pulubing ito kahit na hindi mo naman siya kaano-ano,” anang interviewer noon kay Vergel.
“Oo nga po, e. Ang totoo po, nahihiya nga ako kapag tinatawag nila ako sa mga pangalang sa tingin ko naman ay hindi nararapat sa akin, tulad ng isang ‘bayani’ dahil hindi naman po totoo ’yon. Sa katunayan ay isa lamang po akong taong nagbabalik ng utang na loob sa siyang tunay na bayani sa buhay ko…walang iba kundi ang pulubing tinulungan ko, si Mang Thelmo,” sagot naman ni Vergel na agad namang nakapaghatid ng kalituhan sa kaniyang kausap.
“Paano mo nasabing si Mang Thelmo pa ang naging bayani sa buhay mo, gayong siya nga itong tinulungan mo?” takang tanong nito sa kaniya.
“Isa rin po kasing dating OFW si Mang Thelmo at nagkakilala kami doon pa sa ibang bansa. Noon po kasing nag-uumpisa pa lamang akong mamasukan sa abroad ay naloko po ako ng isang illegal recruiter, kaya pagdating ko sa ibang bansa ay ni hindi ko alam kung saan ako pupunta. Natakot po ako noon na ipaalam na wala akong tunay na mga dokumento kaya naman ilang buwan akong nagpagala-gala lang sa kalsada. Halos mawalan na nga ako ng ulirat dahil sa lamig, bukod pa sa gutom, pero sa eksenang ’yon ay pumasok si Mang Thelmo… siya ang tumulong sa akin at ang nag-iisang nag-abot ng kaniyang kamay upang ako ay makabangon sa pamamagitan ng pagkupkop sa akin habang tinutulungan niya akong lumapit sa mga ahensya ng gobiyerno hanggang sa ako ay makauwi,” kwento pa ni Vergel habang matamang nakikinig naman ang kaniyang kausap.
“Sa muli ko pong pagsubok sa pakikipagsapalaran sa abroad ay doon na ako sinuwerte. Sinubukan kong hanapin noon si Mang Thelmo, ngunit hindi ko na siya nakita, hanggang sa mabalitaan ko na lang na umuwi na pala siya ng ’Pinas, dahil nagkaroon siya ng problema sa ibang bansa at nawalan siya ng trabaho. Ayon pa sa nakalap kong impormasyon ay tinalikuran siya ng kaniyang pamilya nang umuwi siyang walang dala. Para bang itinuring nila siyang basura, lalo na nang unti-unting magkasakit si Mang Thelmo sa kaniyang pag-iisip dulot ng labis na problema. At heto na nga ang kinahinatnan niya…ang maging isang palaboy sa kalsada.”
“Nagpapasalamat na lang ako dahil tila ba pinagtagpo talaga kaming muli ng tadhana upang maibalik ko sa kaniya ang ginawa niyang kabutihan sa akin noon. Ngayon, ang gusto ko lang ay siguraduhin ang kaligtasan at kabutihan ni Mang Thelmo, kahit pa ako na ang umako ng lahat ng pangangailangan niya. Siya ang dapat na tawaging bayani ng mga tao at hindi ako, dahil ako ay bunga lang ng isa sa mga ginawang kabutihan ni Mang Thelmo. Nalaman ko kasi na hindi lang din ako ang tinulungan niya noon, dahil marami kami.”
Matapos ikuwento ni Vergel ang mga ’yon sa kaniyang kausap ay maluha-luha nitong tinapos ang kanilang isinasagawang interview. Ang mga nakapanuod naman ng live streaming na ’yon ay hindi maiwasang maiyak sa naging kwentong buhay ni Mang Thelmo at ni Vergel, kaya naman lalong dumagsa ang mga taong gustong magpaabot ng tulong sa matanda.
Iba talaga ang nagagawa ng pagtulong sa kapwa, dahil babalik ito sa ’yo sa panahong hindi mo inaasahan. Patunay doon ang muling pagtatagpo ng dating matulunging si Mang Thelmo at ng tinulungan niyang si Vergel.