Pinagtawanan ng mga Kaibigan ang Babaeng Ito nang Makipag-Date Siya sa Isang Hindi Kaguwapuhan; Kaiinggitan pala Siya ng mga Ito Kalaunan
“Belinda, sigurado ka na ba d’yan sa desisyon mong ’yan sa buhay? Gosh! Hindi ka naman pangit. Maganda ka naman, pero bakit ka magse-settle sa katulad lang ni Anton?”
Napasimangot si Belinda sa sinabing ’yon ng kaibigang si Sarah.
“E, bakit naman? Mabait si Anton, Sarah,” tugon naman niya sa kaibigan na agad din siyang dinugtungan.
“Mabait lang? Susme, Belinda! Dapat sa mga katulad nating magaganda, namimili ng ka-level! Ni hindi nga rin mayaman ’yang si Anton para pagtiyagaan, e,” humahagalpak pang sabi nito na sinabayan pa ng iba pa nilang kaibigan.
Tila nainsulto naman si Belinda para sa kaniyang nobyo. “Grabe kayo. Huwag kayong ganiyan. Kahit naman ayaw n’yo sa kaniya, boyfriend ko na siya ngayon at wala akong balak na hiwalayan siya dahil lang hindi siya pasok sa ‘lebel’ na sinasabi n’yo. Hindi mahalaga para sa akin ang hitsura o laman ng bulsa ng taong mamahalin ko. Kaya ko namang magtrabaho kung sakaling magkatuluyan kami, a? Basta ang mahalaga sa akin, mabait siya at iginagalang niya ako pati na rin ang buong pamilya ko,” panenermon naman ni Belinda sa kaniyang mga kaibigan na wala namang nagawa na kundi ang mapangiwi na lang sa kaniyang mga sinabi.
“Bahala ka nga sa buhay mo, Belinda. Ang amin lang naman kasi, e, ’yong makakabuti para sa ’yo.” Inismiran pa siya ni Sarah na hindi na lamang tinugon pa ni Belinda upang hindi na humaba pa ang kanilang argumento.
Buhat noong magkaroon sila ng ganoong pag-uusap ay dumalang na ang pakikipagkita ni Belinda sa kaniyang mga kaibigan. Hindi niya kasi nagugustuhan ang pagtatawa ng mga ito sa tuwing mapag-uusapan nila ang kaniyang nobyong sa totoo lang ay hindi naman nararapat makatanggap ng pang-iinsulto sa kahit na sino. Napakabuting tao nito. Bukod doon ay masipag ito at magalang, hindi katulad ng karamihan sa mga kalalakihan ngayon.
Oo nga at medyo may katabaan ang binata kaya naman nababansagan itong ‘hindi kaguwapuhan’ dahil sa uri ng pag-iisip ng iba, ngunit para kay Belinda ay wala nang mas guguwapo pa sa lalaking alam ang prayoridad niya sa buhay at alam kung paano alagaan ang mga taong nakapaligid sa kaniya.
Tumagal ang relasyon nina Belinda at Anton. Magkasama sila sa lahat ng pagsubok ng buhay, hanggang sa kanilang mga tagumpay, hanggang sa dumating ang panahong handa na silang magpakasal. Nagbago na rin ang hitsura ni Anton, dahil nagkaroon na ito ng mas maraming oras para sa sarili mula noong kumikita na nang maayos ang negosyo nilang magnobyo. Nakabibili na rin kasi ito ng mga damit na maaayos dahil hindi na nito kailangang alalahanin pa ang pang-tuition ng mga kapatid na ngayon ay graduate na rin sa wakas.
Samantala, ang mga kaibigan ni Belinda noon na sina Sarah, pati na rin ang iba pa ay nagkaroon ng ang mga nobyong pasok sa ‘lebel’ na sinasabi ng mga ito noon. Iyon nga lang ay hindi naman tunay na naging masaya ang mga ito dahil ang iba sa mga lalaking nakuha nila ay mapang-abuso, duwag sa responsibilidad o ’di kaya’y walang pangarap sa buhay.
Dahil doon, kung dati ay pinagtatawanan nila si Belinda, ngayon ay kanila na siyang kinaiinggitan. Hindi nila akalaing dahil sa hindi nito pagbase sa hitsura ay makakahanap ito ng isang lalaking magpaparanas dito ng tunay na saya ng pag-ibig.
Inimbitahan ni Belinda ang mga ito sa kaniyang kasal, at halos lumuwa ang mata ng mga ito nang makitang pinaghandaan talaga ni Anton ang kasal nila! Hindi yon ganoon kaengrande ngunit lahat ng detalye ng naturang pag-iisang dibdib ay pinag-isipan talaga at halatang mula sa pagmamahal.
Inggit na inggit sila kay Belinda ngayon, dahil mahal na mahal ito ng asawa. Binigyan ito ng maganda, masaya at tahimik na buhay na para bang imposibleng makamit ng isang babae.
“Sana pala, nakinig na lang kami sa ’yo noon imbes na pinagtawanan ka namin, ano? Sana, hindi ako naiwang mag-isang nagpapalaki sa anak ko ngayon,” malungkot na sabi ni Sarah kay Belinda noong magkausap-usap sila sa reception. “Tanggapin n’yo sana ni Anton ang paghingi ko ng tawad para sa mga nasabi ko noon. Hiling ko ang masaya at maayos pang buhay para sa inyong dalawa. Simula ngayon, kayo ang gagawin kong inspirasyon sa pagpapalaki ko sa anak ko, para hindi siya matulad sa akin.” Tinapos ng magkakaibigan ang usapang ’yon sa pamamagitan ng mahigpit na yakapan.