Inday TrendingInday Trending
Kinaiinggitan ng Marami ang Babaeng Matalino kaya Naman Napakaraming Naninira sa Kaniya; Lalo Silang Manggigigil sa Magiging Ganti Niya

Kinaiinggitan ng Marami ang Babaeng Matalino kaya Naman Napakaraming Naninira sa Kaniya; Lalo Silang Manggigigil sa Magiging Ganti Niya

Katulad ng dati ay maagang pumasok sa kanilang opisina ang dalagang si Odette. Masigla siya kahit pa napakaaga pa, dahil kahapon ay natanggap na niya ang pinakaaasam na promosyon na matagal din niyang pinaghirapang makuha sa pamamagitan ng kaniyang pagsisipag at pagpapakitang gilas sa trabaho. Ngunit ganoon na lang ang pagtataka ni Odette dahil sa mga makahulugang sulyap at titig ng kaniyang mga kaopisina pagpasok niya. Para bang nang-uuyam ang tingin ng mga ito at nanghuhusga. Ganoon din ang mga bulungan nila.

“Akala mo kung sino’ng magaling, nagpapagamit lang pala sa boss para ma-promote!”

Hindi nakaligtas sa pandinig ni Odette ang patutsadang ’yon ng isa sa kaniyang mga katrabaho na matagal na niyang nahahalatang may inis sa kaniya. Si Trisha. Dahil doon ay napagtanto na ni Odette sa wakas kung ano ang nangyayari.

Mukhang may naglabas na naman ng panibagong tsismis tungkol sa kaniya, tulad nong mga nakaraang buwan, sa tuwing may makakamit siyang tagumpay sa kanilang trabaho. Likas kasing matalino si Odette. Bukod doon ay maganda pa siya at mabait kaya naman madalas siyang kainisan ng mga katrabaho niyang ang utak ay puro kompitensya’t pakikipagpataasan ng ihi ang laman. Sanay na si Odette sa kanilang mga walang basehang paninira. Aniya sa sarili’y ganoon talaga kapag ang isang puno ay hitik sa bunga. Binabato at pilit na ibinababa.

Natawa na lamang siya at nagpatuloy sa paglalakad patungo sa kaniyang office desk nang nakataas ang noo. Wala siyang balak patulan ang mga ito, dahil alam niya naman sa kaniyang sarili kung ano ang totoo sa hindi. Pagkatapos ay sinimulan niya na ang pagtatrabaho habang hinihigop ang mainit na kapeng binili niya kanina sa labas ng kanilang building.

Dahil sa ginawa ng dalaga ay tila lalong umusok ang ilong ni Trisha. Nanggagalaiti siya. Paano’ng nagagawang maging kalmado ni Odette sa kabila ng mga ginagawa niyang pang-iinis dito? Talagang mahusay ang babaeng ito sa pagpipigil!

Siya kasi ang nagpakalat ng balita tungkol kay Odette upang siraan ito at nang sa ganoon ay lumabas ang sungay nito! Kaya ganoon na lang siya kagalit na tila hindi ito naaapektuhan sa mga issue at tsismis na inilalabas niya. Gusto niyang makita ng mga katrabaho nila na mayroon din itong hindi magandang katangian, ’di ’tulad ng inaakala nilang pagiging ‘perpekto’ nito.

Sadyang inggitera si Trisha. Hindi niya matanggap sa kaniyang sarili na mas higit sa kaniya ang babaeng ito, dahil buong buhay niya ay pinatutunayan na niya sa lahat na siya ang pinakamagaling! Sabik kasi siya sa atensyon, pati na rin sa approval ng ibang tao.

Nang hindi siya makatiis ay nilapitan niya si Odette upang komprontahin ito. “Dinededma mo na naman ’yong issue para kunwari, hindi ’yon totoo?! Napakagaling mo talagang magpanggap, ano, Odette?” pagtataray niya sa dalaga na agad naman siyang nilingon, gamit ang walang emosyon nitong mukha.

“Wala naman akong magagawa kung ’yon ang gusto n’yong isipin, e. Ang mahalaga, alam ko sa sarili kong hindi ’yon totoo, kaya ikaw, huwag kang masiyadong affected para hindi halatang ikaw ang nagpakalat no’n,” sa pagkakataong ito ay nakangisi nang sagot ni Odette bago bumalik sa ginagawang trabaho sa computer nito!

Sa sobrang pikon ni Trisha sa ginawa ng dalaga ay sinugod niya ito at akmang dadambahin ng sabunot, ngunit mabilis na kumilos si Odette upang umiwas na siya namang dahilan kaya bigla siyang nasubsob sa sahig at napahiya!

Siyang dating naman ng kanilang boss na nakita pa ang nangyari. Nakarating na rin kasi rito ang balitang ipinakalat ni Trisha at marami na rin itong hawak na ebidensiya laban sa babae. Dahil doon, hindi natapos ang araw na ’yon nang hindi natatanggal sa trabaho si Trisha, kasama ang iba pang mga katrabaho nilang nagkalat din ng tsismis tungkol kay Odette.

Samantala, nagpatuloy naman sa pagpapakitang gilas si Odette sa trabaho, dahil katuwiran niya ay ginagawa naman niya ’yon para sa kaniyang pamilya. Patuloy siyang naging angat sa halos lahat ng kaniyang mga kaopisina, habang ang mga taong naninira naman sa kaniya, hanggang ngayon ay nananatili pa ring nasa baba at walang pag-unlad.

Iyon ang pinakamasakit na ganting kayang ibigay ni Odette sa kanila. Nagtrabaho siya at nagsikap nang tahimik at hinayaan niyang ang kaniyang tagumpay ang siyang mag-ingay para sa kaniya. Ayaw niyang mabuhay sa inggit at pag-iimbot sa kapwa dahil walang magandang maidudulot ang ugaling ito sa buhay ng tao.

Advertisement