Inday TrendingInday Trending
Nagalit ang Babaeng Ito nang Malamang Kasama sa Pamamanahan ng Kaniyang Ama ang Kanilang Ampon; Siya pala ang Mapapahiya sa Huli

Nagalit ang Babaeng Ito nang Malamang Kasama sa Pamamanahan ng Kaniyang Ama ang Kanilang Ampon; Siya pala ang Mapapahiya sa Huli

“Dad, ano’ng ibig sabihin nito?!” galit na hiyaw ni Amora sa kaniyang ama, matapos nitong ipahayag sa kanila na pamamanahan nito ang kaniyang ampon na si Caroline. “Pati ba naman ’yang ampon na ’yan, pamamanahan n’yo pa? Hindi pa ba sapat na pinakain, pinag-aral at tinanggap n’yo siya sa pamilya natin sa loob ng mahabang panahon? Kailangan talagang pamanahan pa?”

Agad namang napakunot ang noo ng amang si Mario. “Tumahimik ka, Amora! Hindi kita pinalaking gahaman sa pera!” galit din namang suway nito sa kaniya na sinegundahan pa ng kaniyang kapatid.

“Oo nga, ate. Bakit ba ayaw mong hatian si Carol, e, matagal naman na siyang parte ng pamilya natin? Kapatid na rin natin siya! Masiyado ka namang ganid!” naiinis na sabi rin nito sa kaniya, dahil sa kanilang dalawa ay ito ang naging malapit sa dalaga.

Hindi kasi nalalayo ang edad ni Caroline at ng kapatid niyang si Marco kaya naman mabilis na nagkasundo ang mga ito. Ngunit siya ay hindi. Noon pa man ay mainit na ang dugo niya sa ampong ito dahil pakiramdam niya ay wala itong karapatang makatikim man lang ng kahit na anong pinaghirapan ng kaniyang ama.

Hindi alam ni Amora ang tunay na pinagmulan ni Caroline, o kung ano’ng pangalan man lang ng mga magulang nito. Ang alam niya lang ay anak ito ng dating kaibigan ng kaniyang ama na nang yumao ay sa kanila ipinaubaya ang pangangalaga rito. Limang taon pa lang si Caroline noon pero talagang hindi niya nagawang ilapit ang sarili sa nasabing ampon. Likas kasi ang pagiging maramot kay Amora, gayong hindi naman ganoon ang kaniyang ama at kapatid.

“Sige! Sige, pagtulungan n’yo na naman ako! Tutal, palagi n’yo namang ginagawa ’yan, hindi ba?” Natawa nang mapait si Amora matapos sabihin ’yon. “Hindi ko alam kung ano ba ang ipinakain sa inyo ng babaeng ’yan kaya ganiyan n’yo na lang siyang ipagtanggol!”

“E, mali ka naman kasi talaga, ate, e! Wala namang ginagawa sa ’yo si Carol, pero lagi mo na lang siyang ginaganiyan! Magbago ka na, ate. Hindi na tayo bata!” tugon naman ng kaniyang kapatid na lalo pang ipinanggalaiti ni Amora.

Akma pa sana siyang magsasalita nang bigla na lamang humiyaw ang kaniyang ama, kasabay ng paghampas nito sa kaharap na mesa. Napatayo pa ito sa galit. “Tumigil kayo! Tumigil ka, Amora! Wala kang karapatang kuwestiyonin ang desisyon ko, dahil unang-una’y wala ka namang alam sa tunay na nangyayari! Alam mo bang sa totoo lang ay hindi naman sa atin, o sa ’yo, ang perang ipamamana ko sa inyo? Lahat ng karangyaang tinamasa n’yo buhat noong mga bata pa kayo, lahat ’yon ay galing sa ama ni Caroline na siyang boss ko noon!”

Napasinghap si Amora sa sinabing ’yon ng kaniyang ama. Biglang nawalan ng kulay ang kaniyang mukha, dahil sa nalaman.

“Limang taon pa lamang si Caroline nang mawala ang kaniyang ama, dahil ipinatapos ito ng isa sa mga kalaban niya sa negosyo. Nag-iwan ito ng isang last will and testament na nagsasabing iiwan niya sa aking pangangalaga ang lahat ng ari-arian niya, kung itatago ko ang tunay na pagkatao ng kaniyang anak upang hindi ito madamay sa alitan nila ng mga kalaban niya! Iyon ang dahilan kung bakit inampon ko si Caroline, Amora! Dahil malaki ang utang na loob ko sa kaniyang ama, na siyang nagbayad ng lahat ng utang ko buhat nang maospital ka!”

“Kay Caroline ang lahat ng mayroon ka, Amora, at alam niya iyon simula noon, pero hindi niya kailan man ipinamukha ’yon sa ’yo, bagkus ay sinabi niya sa aking gusto niyang hatian kayong magkapatid sa kaniyang mana. Kaya wala kang karapatang kwestiyonin siya ngayon!” galit na dagdag pa ng kaniyang ama!

Halos hindi makalunok man lang si Amora sa mga nalaman niya kahit pa may nakabikig na sa kaniyang lalamunan. Labis ang pagkapahiyang kaniyang nadarama, lalo na nang makitang nakatayo lang pala sa ’di kalayuan si Caroline at kanina pa nakikinig sa anila.

Wala siyang maiharap na mukha sa dalagang siya palang nagmamay-ari ng mga bagay na akala niya’y kaniya talaga simula pa noon. Napaiyak na lang siya at paulit-ulit na humingi ng tawad para sa mga nagawa niya sa dalaga simula nang mapunta ito sa kanilang puder.

Mabuti na lamang at likas na mabait si Caroline at nagawa siya nitong patawarin sa kabila ng lahat. Dahil doon ay nakakita ng oportunidad si Amora upang bumawi sa kaniya at sa kanilang buong pamilya, bago pa mahuli ang lahat para sa kaniya.

Advertisement