Nagalit ang mga Kaanak ng May Edad nang Babae nang Malamang may Balak pa Siyang Magpakasal; Nakapanlulumo pala ang Kanilang Dahilan
“Ang tanda mo na kasi, tita. P’wede naman kayong magsama, pero bakit magpapakasal pa?” nakangiwing anang pamangkin ni Cecil sa kaniya. Nasa kalagitnaan sila ngayon ng isang family meeting. Kausap niya kasi ang kaniyang mga kaanak upang ipaalam sa mga ito na balak na nilang magpakasal ng nobyong si Zoren.
“Oo nga naman, ate. Bakit naman kasi ngayon pa kung kailan matanda ka na? Hindi ba parang nakakahiya naman ’yong gano’n? Baka mamaya, pagtsismisan pa tayo ng mga kapitbahay, sasabihin, ngayon ka pa lumandi kung kailan may edad ka na,” segunda naman ng kaniyang bunsong kapatid habang karga-karga nito ang ikaanim nitong anak na kapapanganak lang.
“Saka, mukha namang hindi mapagkakatiwalaan ’yong boyfriend mong ’yon, Ate Cecil. Hindi na rin naman kayo magkakaanak kaya huwag na kayong magpakasal!” singit naman ng isa pang kapatid nila na si Bogart.
Dahil sa mga narinig ay biglang nakaramdam ng pagkainsulto si Cecil sa kaniyang mga kaanak. Hindi niya akalaing sa kanila niya pa maririnig mismo ang mga ganoong salita, at dahil doon ay doble ang hatid nitong epekto sa kaniya.
Bakit ba hindi na lamang siya hayaan ng mga itong maging masaya? Buong buhay niya ay iginugol niya sa pagtatrabaho upang buhayin sila, maging ang kanilang mga anak na hanggang ngayon ay sinusuportahan pa rin niya! Ngayon lamang naman siya gagawa ng desisyong para naman sa kaniyang sarili, pagkatapos ay tututulan pa ng mga ito!
“Ate, huwag sanang sumama ang loob mo sa amin. Iniisip lamang din namin ang kapakanan mo. Ilang taon mo pa lang namang kakilala ’yang si Johny, hindi ba? Nag-aalala lang kami sa ’yo.”
Lumambot ang ekspresyon ni Cecil sa sumunod na sinabing ’yon ni Bogart. Agad na naman siyang nakuha sa simpleng ‘lambing’ lamang ng mga ito. Naisip niyang baka tama nga sila. Baka naman iniisip lamang ng mga ito ang kaniyang kapakanan, dahil ganoon nila siya kamahal.
Biglang nagdalawang isip si Cecil sa binabalak na pagpapakasal. Dahil doon, nang gabing ’yon ay hindi tuloy siya makatulog dahil paulit-ulit itong tumatakbo sa kaniyang utak. Alas dos ng madaling araw nang maisipan niyang magpunta sana sa kusina upang kumuha ng gatas. Baka sakaling dalawin na siya ng antok dahil doon.
Ngunit pagkalabas na pagkalabas pa lamang niya sa kaniyang silid ay may narinig na siyang mahihinang bulungan sa kabilang silid. Kwarto iyon ng bunsong kapatid na si Arian. Sound proof naman ’yon, ngunit dahil nakalimutan nitong isarado nang maigi ang pintuan ay naririnig tuloy niya ang pag-uusap sa loob…
“Ano’ng gagawin natin kung sakaling magpakasal na ’yang si Ate Cecil? Edi sasaluhin na natin ang pagbabayad sa lahat ng gastusin dito sa bahay?” dinig niya mula sa tinig ni Arian.
“Ganoon na nga!” sagot naman ni Bogart. “Badtrip naman, oh! Akala ko pa naman, sa atin na mapupunta ang lahat ng ari-arian ni ate sakaling mawala na siya sa mundo, tapos balak pa yatang makihati ng lalaki na ’yon!” galit pang dagdag ni Bogart na ikinasinghap naman ni Cecil.
“Sinabi mo pa, kuya! Baka pati suporta sa atin ni Ate, maputol na kapag nagpakasal na siya! Magugutom tayo n’yan!” tugon naman ni Arian na halatang nag-aalala sa kanilang kahihinatnan dahil pawang wala silang trabahong lahat. Sagot kasi ni Cecil ang lahat ng gastusin simula pa noon, dahil maganda naman ang kaniyang trabaho at may ilan din siyang mga negosyong pinatatakbo.
Napahagulhol na lamang si Cecil sa sobrang sama ng loob, kaya naman agad niyang nakuha ang atensyon ng kaniyang mga kaanak. Gulat na gulat sila nang makita siya sa tapat ng pintuan na kanina pa pala nakikinig! Hindi niya akalaing ito pala ang tunay na dahilan kung bakit ayaw siyang payagang magpakasal ng mga ito sa kaniyang nobyo!
“Ate, magpapaliwanag kami—”
“Hindi na kailangan!” agad na putol ni Cecil sa sinasabi ni Arian. “Simula ngayon ay pinuputol ko na ang lahat ng suporta ko sa inyong dalawa. Magsilayas na kayo sa pamamahay ko, tutal ay pareho na rin naman kayong nasa tamang edad at may kaniya-kaniya nang pamilya! Napag-aral ko na rin naman ang mga anak n’yo kaya siguro naman ay sapat na ’yon. Sawa na akong maging financer ng pamilyang ’to, na kailan man ay hindi naman nagpakita ng pagpapahalaga sa akin,” galit na paglilitanya pa ni Cecil bago tinalikuran ang kaniyang mga kapatid at nagkulong sa kwarto.
Matinding pagsisisi naman ang naramdaman ng dalawa nang tuluyan nang itigil ng kanilang ate ang pagsuporta sa kanila. Subukan man nilang humingi ng tawad ay wala na ’yong magagawa pa dahil hindi na magbabago pa ang isip ni Cecil na ngayon ay balak nang manirahan sa ibang lugar, kasama ang kaniyang mapapangasawa.