Inday TrendingInday Trending
May Kakaibang Bilin ang Kanilang Ama Noong Madestino Ito sa Malayong Lugar; Ano ang Makukuhang Gantimpala ng Susunod at Makikinig?

May Kakaibang Bilin ang Kanilang Ama Noong Madestino Ito sa Malayong Lugar; Ano ang Makukuhang Gantimpala ng Susunod at Makikinig?

“Aalis ako at madedestino sa malayong lugar. Gusto ko na maging maayos kayo rito, at ‘wag niyo nang bigyan ng sakit ng ulo ang Mama niyo. Anim na buwan ako roon,” seryosong bilin ng kanilang ama.

“Opo, ‘Pa,” maamong sagot ng nakababata niyang kapatid na si Jonel.

Nang hindi siya magsalita ay bumaling sa kaniya ang ama.

“Ikaw, Niko, maaasahan ko ba na magtitino ka?” tanong nito sa kaniya.

“Opo, ‘Pa,” napipilitang sagot niya sa ama.

May iniabot ito sa kanila na tig-isang babasaging alkansya.

“Ano naman ‘to, ‘Pa?” takang usisa niya.

“Alkansya. Lagyan niyo ng piso sa tuwing may nagagawa kayong mabuti para dito sa bahay. Halimbawa, kapag nagawa niyo ang mga gawaing bahay. Uulitin ko, ayoko na pasasakitin niyo ang ulo ng nanay niyo,” matigas na sabi nito.

“‘Pa, ano naman ang mapapala namin kung mapuno namin ang alkansya?” hindi maiwasang usisa niya.

Misteryoso ang ngiti na sumilay sa mukha nito.

“E ‘di magkakapera kayo!” natatawang sagot nito.

Napailing na lang si Niko sa sagot ng kaniyang ama.

“Wala naman pala akong mapapala…” sa isip-isip niya.

Umalis na nga ang kanilang ama. Nilagay niya sa pinakatatago-tago na parte ng aparador niya ang alkansya.

“Kuya, bakit nakatago? Baka mahirapan ka na mag-ipon,” puna ni Jonel.

Tinawanan niya ang kapatid.

“Ano naman ang mapapala ko sa piso? Baka abutin ng taon bago ako makaipon nang malaki-laki,” naiiling na komento niya.

Hinaplos nito ang bitbit na alkansya.

“Ipon pa rin naman ‘yun, Kuya. Saka ang mahalaga e nasunod natin ang bilin ni Papa,” sagot nito.

Pabirong ginulo niya ang buhok nito.

“Masyado kang mabait! Maglinis ka nga ng kwarto, lalabas ako at magbabasketball kami,” utos niya sa kapatid.

Tumango ito bago kinuha ang piso na nakapatong sa lamesa at inihulog iyon sa alkansya.

Iiling-iling na iniwan niya ang kapatid sa silid na pinaghahatian nila.

Halos alas otso na ng gabi noong pawisan na dumating siya sa bahay.

“Gabi na. Hindi ba’t ikaw ang nakatoka na tutulong sa pagluluto? Inako na naman ni Jonel ang trabaho mo,” malumanay na sita ng kaniyang ina.

Napabuntong-hininga si Niko.

“Mama naman kasi, bakit hindi na lang tayo kumuha ng katulong?” naghihimutok na tanong niya.

Naningkit ang mata nito sa inis.

“Hindi ba’t napag-usapan na natin ito? Dalawa kayong magkapatid na pwedeng tumulong, bakit kailangan pa natin ng ibang tao?”

Sa huli ay siya na rin ang sumuko.

“Sorry na, ‘Ma, pangako, ako na ang maghuhugas ng pinggan,” sabi na lang niya upang matapos na ang diskusyon.

Nang matapos silang kumain ay maliksi niyang inimis ang mga kinainan at hinugasan ang mga kinainan.

Nang sa wakas ay matapos ang gawain ay pumasok na siya sa silid nilang magkapatid. Nadatnan niya si Jonel na naglalaro ng video games.

“Kuya, gusto mo ng piso? Panglagay sa alkansya,” anito.

Pagak siyang natawa.

“Tigilan mo na nga ‘yang piso-piso na ‘yan. Wala ka namang mapapala riyan,” balewalang saad niya.

Nagkibit balikat na lang ito.

Natigilan si Niko nang may maisip na kalokohan.

“Gusto mo bang makaipon nang marami at matuwa sa’yo si Papa?” tanong niya sa kapatid.

Sandali itong huminto sa paglalaro ay lumingon sa kaniya.

“Oo, bakit?”

Napangisi siya. Kasabay noon ay ang piping hiling na pumayag ito sa nais niya.

“Bakit hindi na lang ikaw ang gumawa ng gawain ko? Madodoble ang ipon mo, at tiyak ako na matutuwa sa’yo hindi lang si Papa, pati na rin si Mama,” pang-uuto niya sa kapatid.

Ito naman ang natigilan. Tila kinokonsidera ang sinabi niya.

Halos magtatalon siya nang maya-maya ay tumango ito, tanda ng pagpayag.

Ganoon nga ang naging sistema nilang magkapatid.

Ito ang gumagawa ng bawat gawain sa bahay nila. Hindi makapaniwala si Niko sa tagumpay ng kaniyang munting plano.

Habang ang alkansya ni Niko ay unti-unting binalot ng alikabok, ang alkansya ni Jonel ay unti-unting bumigat.

Bago pa mamalayan ng magkapatid ay lumipas na ang anim na buwan at dumating na ang araw ng muling pagbalik ng kanilang ama.

Umaga pa lang ay abala na ang mag-anak sa paghahanda ng mga paboritong pagkain ng pinakamamahal nilang ama.

Nang sa wakas ay sumungaw ito sa pinto ng kanilang tahanan ay hindi sila magkamayaw sa pangungumusta sa bagong dating.

Sa kabutihang palad ay mabuti naman ang lagay ng kanilang ama.

Nagkukwentuhan sila sa sala nang mabuksan ang usapan tungkol sa alkansya.

“Kumusta ang mga alkansya? Nakaipon ba kayo?” nakangiting tanong ng kanilang ama.Masigla ang naging sagot ni Jonel.

“Opo, Papa! Mabigat ang alkansya ko, marami akong naipon,” pagmamalaki ng bunso niyang kapatid.

Nang lumingon sa kaniya ang kanilang Papa ay pagak siyang natawa.

“Nawala na sa isip ko, ‘Pa… Kaya hindi ako nakaipon,” pagdadahilan niya.

Sa kabutihang palad ay walang sinabi ang papa nila. Nagkibit balikat lang ito at bumaling muli kay Jonel.

“Anak, kunin mo ang alkansya mo,” udyok ng ama sa nakababata.

“Buksan natin at bilangin natin ang laman,” dagdag pa nito.

Agad na tumalima si Jonel. Nang bumalik ito ay dala nito ang mabigat na alkansya.

Nang mabasag nila iyon at mabilang ang kabuuang halaga ay napailing na lang si Niko.

Ni hindi nga umabot ng isang libo ang laman ng alkansya.

“Ang liit naman ng ipon mo,” nang-aasar na sabi niya sa kapatid.

Ikinagulat niya ang sunod na sinabi ng kanilang ama.

“Bakit hindi natin gawing isandaan ang bawat piso? Sa bawat piso, may isandaan ka,” suhestiyon ng kanilang ama.

Agad na nanlaki ang mata ni Niko sa narinig. Nakita niya ang mistersyosong ngiti ng kanilang ama.

“Papa, ang laki naman n’un!” gulat na bulalas niya.

Kumindat ito.

“Hindi ba’t sinabi ko na ang makaipon ay magkakapera?”

Bagsak ang balikat na tumango siya, sising-sisi na hindi siya nakinig sa kanilang Papa noon.

Sa laki ng ng naipon ng kapatid niya ay nakabili ito ng bagay na matagal na nitong inuungot mula sa magulang nila— isang bagong kompyuter na magagamit nito sa paglalaro.

Siya ay walang nakuha mula sa kanilang ama ni piso. Parusa raw dahil nilinlang niya ang kapatid niya.

Dismayado si Niko. Inakala niya na nautakan niya ang kaniyang kapatid. Ngunit sa huli ay siya pa rin ang talunan.

Advertisement