Labis ang Pagluluksa ng Dalaga sa Pagkawala ng Pinakamamahal Niyang Ninang; May Huli Pala Itong Regalo sa Kaniya
Naalimpungatan si Jessica nang tumunog ang kaniyang cellphone sa kalagitnaan ng gabi.
Pupungas-pungas na sinagot niya ang tumatawag.
“A-anak…”
Agad na nawala ang kaniyang antok nang marinig niya ang garalgal na tinig ng kaniyang ina. Umiiyak ito.
“‘Ma? May problema po ba? May nangyari po ba?” nag-aalalang usisa niya sa ina.
Hindi ito nagsalita. Patuloy lamang ito sa paghikbi.
Balisa siyang naghintay habang paulit-ulit itong inaalo sa pag-iyak. Halos mapaiyak na rin siya kaba.
“‘Ma? Ano po bang nangyari? Kinakabahan na po ako sa inyo…” mangiyak-ngiyak niyang tanong sa ina nang hindi na siya makatiis.
Makalipas ang ilang minuto, sa garalgal nitong boses ay ibinahagi nito ang balita na dumurog sa puso niya.
“Ang Ninang Janet mo… Wala na siya…”
Nakaramdam siya ng paninikip ng dibdib. Tila panandalian siyang nawalan ng kakayahan na sumagap ng hangin. Masaganang luha ang bumalong sa kaniyang mga mata.
Tila siya nawalan ng ina, dahil mahal na mahal niya ang kaniyang Ninang Janet. Simula pagkabata ay kasa-kasama na niya ito.
Matalik na kaibigan ito ng kaniyang ina. Kung minsan nga ay daig pa nito ang kaniyang ina kung i-spoil siya. Sa tuwing hindi ibinibigay ng kaniyang ina ang gusto niya ay parating nakasalo ang kaniyang mabait na ninang.
Noong nakaraang taon ay nalaman nila na mayroon itong kakaibang sakit sa dugo. Hindi malaman ng mga doktor kung paano gagamutin ang kaniyang ninang kaya naman unti-unting lumala ang sakit nito, na siyang naging dahilan ng maaga nitong pamamaalam.
Narinig niya ang pagbuntong hininga ng kaniyang Mama.
“Hindi man lang naabutan ni Dave ang Mama niya…” malungkot na bulong nito.
Si Dave ang kinakapatid niya. Umalis ito noong isang taon upang magtrabaho sa Amerika. Ilang araw na lang sana ay uuwi na ito.
“Mama, h-hindi ba dapat na p-puntahan n-natin si N-ninang? Puntahan natin siya,” yaya niya sa ina.
“Huwag na ngayong gabi anak. Hayaan muna natin na magluksa ang Ninong Ben mo,” anang kaniyang ina.
Nang ibaba niya ang tawag ay muli siyang napaluha. Nahagip kasi ng tingin niya ang larawan nilang ng kaniyang ninang. Masayang-masaya ang ngiti nito.
Umiiyak na binuksan niya ang kaniyang aparador upang kunin ang bagong jacket na iniregalo ng kaniyang ninang noong nakaraang linggo.
Yakap ang regalo nito at ang larawan ay tumangis siya at iniyakan ang pagkawala ng babaeng itinuturing niya na pamilya.
“Ninang… Mami-miss kita. Sana ay masaya ka kung nasaan ka man,” bulong niya habang nakatingin sa masaya nitong mukha sa larawan.
Nang mag-uumaga na ay tumayo siya upang magbihis. Gusto niya kasing agad na bisitahin ang kaniyang Ninang Janet.
Sa pagtayo niya ang isang papel ang nahulog mula sa bulsa ng jacket na hawak niya.
Kunot noong inusisa niya ang nakatuping papel.
May maiklng sulat doon na nahinuha niyang mula sa kaniyang ninang.
“Mahal kong inaanak, sana ay ingatan at mahalin mo ang kahuli-hulihan kong regalo para sa’yo.”
Napatingin siya sa hawak niyang jacket, ang huling bagay na ibinigay sa kaniya ng kaniyang ninang.
Nagtataka man ay bumulong siya sa hangin.
“Iingatan ko po ito, Ninang…”
Bandang alas siyete ng umaga noong dumating siya sa bahay ng kaniyang ninang, kung saan ito nakaburol. May iilan nang nakikipaglamay doon. Agad na tumulo ang luha niya nang makita niyang tahimik na tumatangis ang kaniyang Ninong Ben, ang asawa ng namayapa.
Nilapitan niya ito at niyakap nang mahigpit bago niya sinilip sa kabaong ang pinakamamahal na ninang.
Kahit paano ay nabawasan ang bigat na dinadala niya nang makita ang payapang mukha ng kaniyang ninang. Bahagya pa ngang may ngiti sa labi nito.
Matagal siyang nanatili sa harap ng kabaong bago naagaw ng isang lalaking kadarating lang ang atensyon niya.
Tahimik din itong nakatunghay sa babae sa loob ng kabaong.
Nang lumingon ito ay ganoon na lang ang pagtahip ng kaniyang dibdib—ang lalaki kasi ay ang anak ng kaniyang ninang, si Dave!
Hindi nakabawas sa kaguwapuhan ng lalaki ang luhaan nitong mga mata.
“Jessica, ikaw pala ‘yan…” sumisigok-sigok na bati nito.
Tinapik niya ang balikat ng kinakapatid bago tipid na ngumiti.
“Syempre naman, sasamahan ko si Ninang…” aniya nago ibinalik ang kaniyang tingin sa nakahimlay.
Subalit naroon pa rin ang abnormal na tibok ng kaniyang puso.
Simula pagkabata kasi ay gusto niya na si Dave. Kaya nga ganoon na lang ang pagkadurog ng puso niya noong araw na umalis ito. Ni hindi kasi nito nalaman ang nilalaman ng puso niya.
At ngayong bumalik na ito, hindi niya alam kung paano ito pakikitunguhan.
Sa buong panahon na nakaburol ang kaniyang Ninang Janet ay halos hindi siya umalis sa tabi ng kaniyang ninang. Nais niya kasing sulitin ang mga araw na kasama niya pa ang kaniyang Ninang Janet.
Sa araw ng libing ng kaniyang Ninang ay isinuot niya ang regalo nito. Walang patid ang pagtulo ng luha ni Jessica habang minamasdan ang ataul ng kaniyang ninang na unti-unting nababalutan ng lupa.
Kahit nailibing na ito ay nagpatuloy pa rin siya pagtangis sa sementeryo. Sigurado kasi siya na labis niya mami-miss ang kaniyang Ninang Janet.
Napatigil siya pagluha nang isang kamay ang nag-abot sa kaniya ng panyo. Nang sulyapan niya ang nag-abot ay nakita niya si Dave.
“Hindi ka pa ba uuwi?” tanong nito.
Umiling siya.
“Mamaya na. Wala naman akong gagawin,” aniya.
Umupo sila sa ilalim ng isang malagong puno. Ilang sandaling namayani ang katahimikan.
Tumikhim ang lalaki bago nagsalita.
“Alam mo ba na regalo ko ‘yan sa’yo?” ani Dave habang nakaturo sa jacket na suot niya.
Umiling si Jessica.
“Hindi! Si Ninang ang nagbigay nito sa akin,” agad na tanggi niya.
Natawa ang kinakapatid niya.
“Kaya nga. Ako ang nagbigay niyan, regalo ko sa’yo. Pinabigay ko lang kay Mama. Alam ko kasi na lamigin ka at mabilis kang kapitan ng ubo at sipon…” natatawang sabi nito.
Natigagal si Jessica sa nalaman. Nang makabawi siya sa pagkabigla ay isang kiming “salamat” lang ang nasabi niya.
Muli ay patlang ang namagitan sa kanilang dalawa.
“Alam mo rin ba na gusto kita? Matagal na…” pag-amin ni Dave.
Gulat niyang nilingon ang kausap. Walang bahid ng pagbibiro ang makikita sa mukha nito.
“H-hindi ko a-alam. G-gusto mo pala ako, bakit ka umalis?” lakas loob na tanong niya sa lalaki.
“Kasi gusto ko na magkakaroon ng magandang buhay ang babaeng pakakasalan ko… Isa pa, hindi ko nga alam kung may pag-asa ba ako sa’yo,” walang gatol na sagot nito.
Hindi makaimik si Jessica. Ni sa hinagap ay hindi niya inakala na gusto rin pala siya ng lalaking gusto niya.
“Ang totoo niyan, Dave… Gusto rin kita. Matagal na…” sa wakas ay pag-amin niya sa tunay na nararamdaman.
Ngumiti ang lalaki bago ginagap ang palad niya.
“Alam ko. Sinabi sa akin ni Mama noong isang linggo. Sabi niya, iyon daw ang huling magagawa niya para sa akin. Gusto niya raw na maging masaya ako.”
Nanlaki ang mata ni Jessica sa narinig. Agad niyang kinuha ang sulat ng kaniyang ninang, na hindi niya inalis sa bulsa ng suot niyang jacket.
Nang muli niyang basahin ang huli nitong mensahe ay noon niya lang iyon tunay na naunawaan.
“Mahal kong inaanak, sana ay ingatan at mahalin mo ang kahuli-hulihan kong regalo para sa’yo.”
Napaluha siya sa napagtanto. Hindi talaga matutumbasan ang pagmamahal ng kaniyang ninang.
Ang tinutukoy pala nitong huling regalo sa kaniya ay pag-ibig. Ang pagmamahal ng taong matagal niya nang palihim na inaasam.
“Iingatan at mamahalin ko si Dave…”
Makalipas ang dalawang taon, iyon ang pangako na binitawan niya sa harap ng Diyos, sa harap ng mga saksi sa kanilang kasal, at sa presensya ng pinakamamahal niyang ninang, na kahit na wala na sa piling nila ay alam niya na patuloy pa rin silang ginagabayan.