Tamad na Tamad sa Gawaing Bahay ang Misis na Ito at Lahat ay Iniaasa na Lang sa Mister Kahit Ito’y May Trabaho; Isinumbong Tuloy Siya Nito sa Sariling Ina
Kahit kasal na ang ginang na si Frances, nagbubuhay dalaga pa rin siya. Bukod sa palagi siyang lumalabas ng gabi upang mag-inom kasama ang kaniyang mga kaibigang pawang wala pang mga asawa, hindi rin siya kumikilos sa bahay nila ng kaniyang asawa at lahat ay inaasa niya rito.
Hindi siya naglalaba ng kanilang mga damit o kahit sarili niyang damit panloob, iniiwan niyang marumi ang kanilang lababo kapag siya’y umaalis at hinahayaan niyang ang asawa niyang galing trabaho pa ang maghugas nito, at higit sa lahat, hinding-hindi siya humahawak ng kawali o kahit anong gamit pangluto roon.
Palagi niyang hinihintay na kumilos ang kaniyang asawa kahit pagod na pagod na ito sa trabaho at kapag hindi pa nito sinunod ang utos niya, lalo na kapag gutom na gutom na siya, katakot-takot na pagbubunganga pa ang kaniyang binabato sa asawa.
May pagkakataon pa ngang kahit naroon sa kanilang bahay ang kaniyang mga kaibigan, ni hindi siya nag-alinlangang utusang maglinis ng bahay, magluto ng kanilang pagkain, at magtapon ng basura ang asawa niyang kakarating lang ng bahay.
Ito ang dahilan para ganoon na lamang siya sitahin ng mga kaibigan niyang nakaramdam ng awa sa kaniyang asawa.
“Grabe ka naman kung makautos sa asawa mo, Frances! Baka nakakalimutan mo, asawa mo ‘yan, ha? Hindi mo katulong. Baka nakakalimutan mo rin na ikaw ang babae at ikaw ang dapat kumilos sa bahay habang siya’y nagtatrabaho!” sita sa kaniya ng pinakamatanda sa kanilang barkada habang sila’y nag-iinom sa kanilang garahe.
“Hindi porque ako ang babae, ako ang dapat kumilos sa bahay na ‘to! Sa bahay nga namin, hindi ako nakakahawak ng walis tambo, eh. Kinuha niya akong prinsesa sa bahay namin, dapat gawin niya akong reyna ngayon!” sagot niya na ikinailing na lamang nito.
Pinayuhan man siya ng mga ito na kumuha na lang ng kasambahay upang mapagaan ang buhay ng kaniyang asawa, agad pa niya itong kinontra. Sabi niya pa, “Dagdag gastos lang ‘yon, eh! Kaya naman ng asawa ko, bakit kailangan ko pang kumuha ng kasambahay?”
Kaya lang, isang gabi, pagkauwing-pagkauwi ng kaniyang asawa, agad siya nitong tinabihan sa kama at nakatulog na rin hindi kalaunan na ganoon niya na lamang ikinainis dahil nga hindi pa siya naghahapunan.
“Hoy, ano? Wala kang balak magluto ng pagkain natin?” sigaw niya rito habang kaniya itong niyuyugyog upang magising.
“Mahal, pwede bang ikaw na muna ang magluto ngayon? Hindi ko na talaga kayang kumilos pa. Parang susuko na ang katawan ko sa pagod,” pakiusap nito.
“Tatayo ka riyan o iiwan na kita sa bahay na ‘to?” babala niya rito.
“Parang awa mo na, mahal, kahit ngayon lang, tulungan mo naman ako sa gawaing bahay,” sabi pa nito saka agad siyang nilambing.
“Tatayo ka o iiwan kita?” muli niyang panakot kaya dali-dali na itong tumayo at lumabas ng kanilang silid, “Susunod ka rin pala, eh, mang-iinis ka pa!” sigaw niya pa.
Habang naghihintay na maluto ang kanilang pagkain, wala siyang ibang ginawa kung hindi ang magbabad sa social media at manuod ng mga nakakaaliw na bidyo.
Maya maya, agad na ring bumukas ang pintuan ng kanilang silid at sa pag-aakalang bitbit na ng asawa niya ang pagkain, siya’y labis na napangiti.
Ngunit ang ngiting nakapinta sa mukha niya ay agad na napalitan ng takot nang makita niyang nasa tapat na niya ang kaniyang ina.
“Pangako mo sa akin, magiging masipag ka na kapag nag-asawa ka! Ano ‘tong ginagawa mo ngayon sa asawa mo, ha? Gan’yan ba kita pinalaki? Tigil-tigilan mo ‘yang prinsipyo mong dapat maging buhay reyna ka rito, ha? Dahil kailanman, hindi ka nakaranas magbuhay prinsesa! Hindi ka pa nakuntentong makatira sa magandang bahay dahil sa asawa mo, kinakatulong mo pa siya! Bumalik ka na lang sa bahay kung nag-iinarte ka ng gan’yan!” sermon nito, nakita niya pa kung gaano kapagod ang mukha ng asawa niyang nakatungo lang sa likod nito kaya siya’y labis na nakonsensya.
“Ito na, mama, magluluto na ako. Anong gusto mong ulam? Dito ka na rin kumain!” yaya niya rito upang mapakalma ito.
Habang naghahanda siya ng mga isasahog niyang rekado sa lulutuin niyang ulam, nakita niyang ngingisi-ngisi ang kaniyang asawa at siya’y tila tinutukso pa.
“Kawawa naman ang reyna ko, nagluluto na!” biro pa nito dahilan para pigilan niya ang sariling matawa.
“Sumbong nanay ka kasi! Hanap ka pa kakampi, ha?” sagot niya rito saka sila nagharutang dalawa sa kusina.
Simula noon, kahit tinatamad siyang kumilos sa kanilang bahay, pinipilit niya pa rin ang sarili upang makatulong sa kaniyang asawa na ubod ng sipag magtrabaho para matugunan lang ang lahat ng pangangailangan at upang makapag-ipon para sa pinaplano nilang pamilya.
Sa ganoong paraan, mas lumalim na ang kanilang pagmamahalan, nasiguro niya pang masaya sa piling niya ang lalaking nagbigay sa kaniya ng magandang buhay.