Talagang Mahilig ang Dalaga sa Pagkain ng mga Tusok-tusok; Nagalit Pa Siya sa Magulang nang Siya’y Pagsabihan ng mga Ito
Mahilig ang dalagang si Jane sa mga tusok-tusok. Kahit nagluluto man ng ulam ang kaniyang ina o hindi, ito pa rin ang pinipili niyang kainin kasabay ng kanin. Paminsan pa nga, pagkagising na pagkagising niya pa lang, imbis na kanin at itlog ang hanapin niya kasabay ng kape, ito na kaagad ang gusto niyang kinakain.
Sa katunayan, may pagkakataon pang sa loob ng isang buong araw, wala siyang ibang kinain kung hindi ganitong mga uri ng pagkain. May fishball, kwek-kwek, kikiam, at kung ano pa mang street foods na makita niya sa daan.
Unang beses niyang natikman ang ganitong uri ng mga pagkain nang siya’y tumuntong ng kolehiyo at simula no’n, hindi na niya tinantanan ang pagkain nito na talagang ikinababahala na ng kaniyang mga magulang.
“Anak, baka naman magkasakit ka sa pagkain ng mga gan’yang klase ng pagkain araw-araw, ha?” pag-aalala ng kaniyang ina, isang gabi habang sabay-sabay silang nakain ng hapunan.
“Bakit naman ako magkakasakit dito, mama? Para ngang lumalakas pa ako lalo kapag kumakain ako nito dahil napaparami ako ng kanin, eh!” katwiran niya pa saka sumubo ng napakalaki.
“Hindi naman porque maraming kanin ang kinakain mo, hindi ka na magkakasakit! Simula nang pumasok ka sa kolehiyo, ni hindi ka na tumikim ng luto kong ulam o kahit gulay man lang! Diyos ko, anak, baka sa susunod, sa ospital na tayo mag-usap!” sermon nito sabay kuha ng isang plastik ng kwek-kwek na binili niya sa daan, “Akin na ‘yang binili mong tusok-tusok, ito ang kainin mo!” sabi pa nito sa kaniya sabay abot ng niluto nitong nilagang baboy na punong-puno ng gulay.
At dahil wala siyang magawa sa utos ng kaniyang ina, kinain niya nga ang bigay nitong ulam ngunit pagkatapos na pagkatapos niyang kumain noon, dali-dali niyang tinago ang isang plastik ng kwek-kwek at kaniya itong inilagay sa kaniyang bulsa.
Doon na niya ito kinain sa kaniyang silid habang siya’y nanunuod ng paborito niyang telenobela. Pati ang sawsawan nitong maanghang na suka ay inubos niya dahil sa sobrang sarap!
Sa sobrang kabusugan, hindi na niya namalayang nakatulog na pala siya. Nagising na lang siya dahil sa kirot ng kaniyang tiyan na tila ba gusto nang ilabas ang lahat ng kinain niya.
Wala sana siyang balak na tumayo sa pagkakahiga kahit nakaramdam na siya ng ganoong sakit, kaya lang, nang tuluyan na siyang masuka sa kaniyang kama, roon na siya napasigaw dahilan para agad siyang puntahan ng kaniyang mga magulang.
“Ayan na nga ba ang sinasabi ko, Jane, eh! Anong nararamdaman mo?” pag-aalala ng kaniyang ina.
“Masakit po ang tiyan ko, mama, at para bang masusuka na naman…” bago niya pa matapos ang sasabihin, siya nga ay muling nasuka sa harap ng ina at nang siya’y alalayan nitong tumayo, naramdaman nitong inaapoy na siya ng lagnat kaya agad itong nagdesisyong dalhin na siya sa ospital.
Doon nila nalamang mahina na ang panunaw niya dahil sa mga kinakain niyang mamantika na naging daan para magkaroon siya ng bato sa apdo sa murang edad. Bukod pa roon, mayroon din siyang amiba na nakuha niya mula sa pagkain ng mga tusok-tusok araw-araw. Agad na nanlumo ang kaniyang ina nang malaman ito habang siya’y natutuliro.
“Sa kabutihang palad, maaari pang madaan sa gamot ang mga bato sa apdo mo, hija, kaya hindi mo kailangang maoperahan. Payo ko lang sa’yo, kumain ka nang tama. Hindi porque masarap ay mabuti na sa kalusugan mo at lahat ng sobra ay masama, hija. Piliin mo rin ang mga pinapasok mong pagkain sa iyong katawan dahil iyon ang makakapagpalakas o makakapagpahina sa iyo,” payo nito na talagang nagbigay aral sa kaniya.
Upang gumaan ang pakiramdam ng kaniyang ina, agad siyang nangako ritong susunduin niya ang lahat ng payo ng doktor at agarang magpapagaling. Sabi niya pa, “Pangako, mama, hindi na ako kakain ng tusok-tusok at palagi ko nang kakainin ang lahat ng niluluto mo,” na agad niya na ring sinumulan sa pamamagitan ng pagkain ng prutas na dala naman ng kaniyang ama.
Hindi kalaunan, siya rin ay tuluyan nang gumaling. Natatakam man siyang kumain ng mga tusok-tusok lalo na kapag siya’y napapadaan sa lugar kung saan maraming nagbebenta ng ganito, pilit niya itong nilalabanan hindi lang para sa kaniyang ina, kung hindi lalo’t higit para sa sarili niyang kalusugan.
Simula noon, puro masusustansiyang pagkain na ang kaniyang kinakain na sinabayan niya pa ng ehersisyo na talagang nagbigay lakas sa kaniya at kasiyahan sa kaniyang mga magulang na ngayon ay panatag na.