Inday TrendingInday Trending
Napag-iiwanan na ng Panahon ang Dalagang Ito; Katabaan Niya nga ba ang Problema Kaya’t Hindi Siya Nagkaka-Nobyo?

Napag-iiwanan na ng Panahon ang Dalagang Ito; Katabaan Niya nga ba ang Problema Kaya’t Hindi Siya Nagkaka-Nobyo?

Dalawang taon na lang, trenta anyos na ang dalagang si Madel. Lahat ng kaniyang mga kaibigan ay may mga sari-sarili nang pamilya habang ang ilan naman ay malapit nang ikasal. Ngunit siya, kahit kailan ay hindi pa nagkakaroon ng kasintahan o kahit manliligaw man lang.

Sa edad niyang ito, marami nang nagsasabi sa kaniyang kailangan na niyang mag-asawa o kahit mag-nobyo, lalo na’t may maganda naman siyang trabaho, may malaking ipon, at nakatulong na rin siya sa kaniyang mga magulang. Ngunit kahit anong gawin niya, wala pa ring nagkakagusto sa kaniya.

Sa katunayan, sa kagustuhan niya na ring magkaroon ng kasintahan, marami na ang pagkakataong siya na ang nanliligaw sa mga binatang nagugustuhan niya. Hinahatid-sundo niya pa nga ang isa sa mga ito sa trabaho, araw-araw na nililibre ng pananghalian, at higit pa roon, binubusog niya talaga ito sa regalo para lamang magustuhan siya.

Kaya lang, ni isa sa mga iyon, walang nahulog sa kaniyang mga ginawa. Sabi pa ng isa, “Okay ka sana, Madel, eh, kung hindi ka lang sana mataba. Maganda ka naman, mabait, at mayaman, kaya lang, nakakahiya na makasama ka sa daan dahil tiyak pagtitinginan tayo kapag sabay tayong naglakad,” na talagang dumurog sa puso niya.

Halos mawala man ang bilib niya sa sarili nang marinig niya ang mga salitang iyon, siya’y agad na nabuhayan ng loob nang malaman niya sa kaniyang kaibigan na nakatagpo ito ng nobyo gamit ang isang dating application nang hindi sila nagpapakitaan ng itsura.

“Noong nagkita kami, roon na lang namin nakita ang itsura ng isa’t-isa! Ang galing nga, eh, kahit hindi siya kagwapuhan, siya pa rin talaga ang gusto ko dahil maginoo siya at palabiro!” kwento pa nito kaya siya’y labis na naenganyong sumubok nito.

Ilang araw pa lang niyang ginagamit ang naturang dating application, higit sampung lalaki na ang nakausap niya ngunit sa sampung iyon, isa lamang ang tanging natira at nagyaya sa kaniyang makipagkita.

“Sigurado ka ba sa gusto mo? Hindi ako maganda, ha? Baka mamaya, madismaya ka sa itsura ko kapag nakita mo na ako,” pangamba niya.

“Hindi ‘yan! Hindi naman ako tumitingin sa panlabas na anyo ng tao!” sabi pa nito kaya siya’y labis nitong napapayag na makipagkita.

Kinabukasan, agad siyang nagtungo sa lugar na kanilang pagkikitaan. Nag-ayos pa siya ng itsura, bumili ng bagong damit, at nagawa niya pang magpa-reserve sa isang mamahaling restawran upang masiguro lang na magugustuhan siya nito.

Kaya lang, dalawang oras na ang lumipas, wala pa rin ito sa lugar na kanilang pagkikitaan. Tinadtad niya na ito ng mensahe at tawag ngunit ni isa ay wala itong sinagot hanggang sa magpasiya na lamang siyang kumain mag-isa sa restawran at umuwing luhaan.

Habang nagmamaneho siya pauwi ng bahay, nakatanggap siya ng mensahe sa binata. Humihingi ito ng tawad dahil sa hindi pagpunta. Sabi pa nito, “Pwede bang bukas na lang tayo magkita? May emergency kasi rito sa bahay kanina, eh, pasensya ka na talaga.”

Kinakabahan man siya na baka hindi na naman siya nito siputin at magmukha na naman siyang t*nga sa kahihintay, muli niya itong binigyan ng isa pang pagkakataon.

“Kapag bukas, hindi pa ako sinipot nito, hinding-hindi na talaga ako aasang may magkakagusto pa sa isang katulad ko!” hikbi niya habang pinagmamasdan ang sariling katawan sa salamin.

Pagsapit ng kinaumagahan, muli siyang nag-ayos ng sarili at maagang bumiyahe patungong Makati kung saan ito malapit nakatira.

Tanghali na nang siya’y makarating doon at laking gulat niya dahil habang siya’y naghahanap ng maibibigay na regalo sa binata sa mall na pagkikitaan nila, may isang gwapo at kagalang-galang na lalaki ang lumapit sa kaniya.

“Ikaw ba ‘yan, Madel?” tanong nito sa kaniya at dahil nga sa sobrang pagkagulat sa tunay nitong itsura, napatango lang siya at kaniyang tinanggap ang bulaklak na bigay nito, “Para ka namang nakakita ng multo, ako ‘to, si James! Halika, kain na tayo? Um-order na ako ng pagkain doon sa isang restawran, eh!” yaya pa nito na talagang nagpakilig sa kaniya.

Habang sabay silang kumakain at habang panay ang kwento ng binata sa kaniya, wala siyang ibang ginawa kung hindi ang tapik-tapikin ang sarili upang mapatunayan lang na hindi siya nananaginip.

“Huwag mo namang saktan ang sarili mo, totoong nangyayari ‘to!” tawang-tawa sabi nito.

“Kinakabahan kasi ako at nagtataka. Hindi ako makapaniwala na masisikmura mong kumain sa isang mamahaling restawran kasama ang isang matabang katulad ko. Hindi ka ba nahihiya na pinagtitinginan nila tayo?”

“Bakit ako mahihiya? Ang ganda-ganda mo kaya!” tugon nito saka hinawakan ang kamay niya, “Maganda tanghali sa inyong lahat! Ito nga pala ang magiging nobya ko! Hindi ba’t sobrang ganda niya?” sigaw pa nito sa restawran na talagang ikinatawa at ikinakilig niya.

Buong akala niya, pagkatapos ng date nilang iyon ay hindi na ito muling magpaparamdam kagaya ng mga kwentong na nababasa niya sa internet.

Kaya lang, kinabukasan, pagkagising niya, nakita niya ito sa kanilang bahay habang masayang kausap ang kaniyang mga magulang.

Doon na niya napatunayang gusto at seryoso talaga sa kaniya ang binatang ito. Hindi naman siya nagkamali dahil agad siya nitong niligawan nang pumayag na ang kaniyang mga magulang.

Ang pangyayari iyon ang nagturo sa kaniya ng dalawang bagay. Una, hindi niya kailanman mapipilit o mahahanap ang pag-ibig dahil kusa itong ibinibigay ng Maykapal, at pangalawa, may taong darating sa buhay niya na tatanggapin ang buong pagkatao niya.

Dito na nagsimula ang masasayang araw sa buhay niya hanggang sa paglipas ng ilang taon, sila rin ay nagpakasal na at bumuo ng sariling pamilya.

Advertisement