Iniwan ng Lalaki ang Babae Dahil Wala Itong Kakayahang Magkaroon ng Anak; Niloko Lang Pala Siya ng Nobya
Dalawang taon nang magkasintahan sina Veronica and Cedric. Nagkakilala sila noon sa paboritong bar na pinupuntahan ng dalaga. Madali silang nagkagaanan ng loob dahil nagkakasundo sila sa lahat ng bagay.Nagtatrabaho bilang call center agent si Veronica sa kilalang BPO company sa Pasay samantalang isa namang IT staff si Cedric sa isang ahensiya ng gobyerno.
Nagpaplano nang magpakasal ang dalawa nang mayroong i-suggest ang lalaki sa nobya.
“‘Di ba sabi ko sa iyo ay magpa-fertility test ka muna, Veron?” wika ni Cedric.
“Ano ‘yon?” tanong dalaga.
“Yung aalamin mo kung kakayanan kang magkaanak o wala,” sagot ng nobyo.
Ipinagtaka iyon ni Veronica.
“B-bakit kailangan kong gawin ‘yon?”
Para ngayon pa lang alam na natin kung magkakaproblema tayo sa anggulong ‘yan o hindi,” tugon ng lalaki.
“Ano? T-teka nga, Cedric, bakit mo ba ako pakakasalan? Para lang anakan o dahil mahal mo ako?” tanong niya.
“Ganito kasi iyon…tulad ng kuya ko, hindi magkaanak ang asawa niya kaya ayun, bumuntis siya ng iba sa kagustuhang magkaanak. Kawawa naman ang hipag ko. Ayokong mangyari sa atin iyon, Veron,” paliwanag ng katipan.
Napakunot ang noo ng dalaga.
“C-Cedric…”
“Hey, don’t get offended. Gusto ko lang makasiguro na magkakaanak tayo. Dahil kapag isa pala sa atin ay walang kakayahang magkaroon ng anak, siguradong magkakaproblema tayo balang araw,” sabi pa ng nobyo na hinawakan ang mga kamay niya.
Bumuntung-hininga muna si Veronica bago nagsalita.
“P-paano kung…kung malaman nating wala pala akong kakayahang magkaanak? Papakasalan mo pa rin ba ako?” kinakabahan niyang tanong.
Matagal na nag-isip ang lalaki.
“Siyempre naman, mahal yata kita, Veron,” anito saka niyakap siya’t hinalikan sa pisngi.
“Sigurado ka, Cedric? Papakasalan mo pa rin ako kahit wala akong kakayahan na bigyan ka ng anak?” tanong niya ulit.
Matipid itong ngumiti. “Huwag na muna nating pag-usapan ‘yan. Ang mahalaga ay malaman muna natin ang resulta ng test mo,” anito.
Sinunod ni Veronica ang gusto ng katipan, sumailalim siya sa fertility test. At nang lumabas ang resulta…
“H-hindi…hindi raw ako magkakaanak, Cedric. Sarado raw ang fallopian tube ko sabi ng doktora,” hayag niya sa nobyo.
Napailing ang lalaki, halatang dismayado.
“Oh my God!”
“I’m s-sorry to disappoint you. I’m really, really sorry,” malungkot niyang sabi.
“Don’t worry, Veron, hindi iyan makakaapekto sa pagmamahal ko sa iyo. Tuloy pa rin ang kasal natin,” sagot ni Cedric sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit.
Nang sumunod na araw, nang tawagan niya si Cedric sa selpon ay hindi na ito sumasagot. Nag-deactivate na rin ito ng account sa lahat ng social media nito. Mula nang malaman ng lalaki na wala siyang kakayayan na bigyan ito ng anak ay naglaho na lang ito na parang bula at kahit kailan ay hindi nagpakita pa sa kaniya. Ang sabi ng pamilya nito’t mga kaibigan ay bigla na lang daw umalis at hindi na bumalik. ‘Di nagsabi kung saan pupunta.
“Napakawalanghiya naman pala ng Cedric na ‘yan! Eh, nang malamang hindi ka magkakaanak ay bigla kang iniwan sa ere,” inis na sabi ng pinsan niyang si Digna.
“Ang totoo niyan…hindi naman totoong wala akong kakayahang magkaanak, insan,” aniya.
Napamulagat si Digna sa ipinagtapat niya.
“Ano?!”
“Normal ako. Pwede akong magkaanak kahit sampu. Hindi ko lang talaga ipinakita sa kaniya ang resulta na ibinigay sa akin ng doktorang tumingin sa akin.”
“Then…then, bakit ka nagsinungaling kay Cedric?”
Biglang lumungkot ang mukha ni Veronica.
“D-dahil hindi niya ako talaga mahal. Kita mo’t iniwan ako nang malamang hindi ako magkakaanak. Talaga ngang gagawin lang niya akong baby machine. Papakasalan lang niya ako para anakan, hindi niya ako papakasalan dahil mahal niya ako at gusto niya akong maging asawa. Pero natanggap ko na, hindi dapat panghinayangan ang katulad ni Cedric, maraming higit sa kaniya, ‘yung magmamahal sa akin dahil ako ay ako. Yung lalaking kaya akong tanggapin kahit pa hindi ko siya kayang bigyan ng anak,” tugon niya.
Makalipas ang isang taon ay unti-unti ring naghilom ang sugat sa puso ni Veronica. Nakilala niya si Johnny na isa ring call center agent at muling tumibok ang kaniyang puso sa ikalawang pagkakataon. Sa bago niyang pag-ibig ay tanggap na siya ng lalaki kung ano at sino siya. Hindi ito nagtanong kung kaya niya o hindi na magkaroon ng anak, ang mahalaga ay mahal siya nito. Pinakasalan siya ni Johnny at nagkaroon sila ng tatlong anak. Sobra siyang naging maligaya sa kaniyang mister na totoong nagpakita at nagparamdam sa kaniya ng tunay na kahulugan ng pagmamahal.