Inday TrendingInday Trending
Nanalo sa Lotto ang Lalaki Kaya Ubos Biyaya Sila ng Kaniyang Asawa; Nang Maubos ang Lahat ay Balik Ulit Sila sa Hirap

Nanalo sa Lotto ang Lalaki Kaya Ubos Biyaya Sila ng Kaniyang Asawa; Nang Maubos ang Lahat ay Balik Ulit Sila sa Hirap

Pagtatanim ng palay ang ikinabubuhay ng mag-asawang Amalia at Omar. Tatlong taon na silang kasal at mayroon silang limang anak. Pinagtutulungan nilang dalawa na igapang ang pag-aaral ng kanilang mga supling.

Nagtitiyaga sila na magbilad sa init ng araw sa pagsasaka para kumita ng pera, at kapag sumasapit ang sahuran ay nakaabang na sila para kubrahin ang kanilang pinaghirapan sa buong linggo. Dahil sa nakatira sila sa probinsya, masasabi nila na ang pera ay ginto. Mahirap makuha, dahil kung hindi magbabanat ng buto, hindi sila makakahawak ng pera. Kailangan ay matinding dugo at pawis ang inilalabas. Sa hirap ba naman ng ginagawa nila sa araw-araw, hindi pa rin sapat ang kinikita nila.

“Sahod na natin mamaya, darling!” sabi ni Omar sa misis nang makitang pagod na pagod na ito sa pag-aararo sa bukid.

“Pambayad utang lang naman ang sasahurin natin mamaya, eh! Kulang pa sa iba nating gastusin. Limang anak na natin ang pumapasok sa eskwela, sa liit ng sahod natin ewan ko kung paano iyon pagkakasyahin,” napapailing na sabi ni Amalia.

Kinagabihan, pagkagaling sa maghapong pagsasaka ay lupaypay na umuwi ang mag-asawa sa kanilang maliit na kubo. Naisipan na ni Amalia na magsaing at magluto ng ulam nilang isda at gulay para sa hapunan. Tuwang-tuwa naman ang babae nang makitang abala sa pag-aaral ng leksyon ang mga anak.

“Hay naku, pagbutihan niyo lang iyan mga anak, balang raw ay iyan ang mag-aahon sa atin sa kahirapan,” wika niya.

Si Omar naman ay nagmamadaling lumabas ng kanilang bahay. Pupunta siya sa bayan para tumaya sa lotto. Sa tuwing nakukuha ang kanilang sahod ay walang mintis sa pagtaya sa lotto ang lalaki. Nagbabakasakaling manalo ng malaking pera. Naiinis naman si Amalia sa ginagawang iyon ng kaniyang mister.

“Ano ka ba naman, Omar? Kakatiting na nga ang sahod natin, ipantataya mo pa? Ilang taon mo nang ginagawa iyan pero wala namang nangyayari,” sabi ng babae.

“Malay mo, darling, baka ito na ang suwerte natin. Magtiwala ka lang,” tugon ng mister.

“Saka lamang ako mniniwala kapag tumama ka na,” naka-ismid na sabi ni Amalia.

Nang sumunod na gabi, hindi nila inasahan ang biglang pagdating ng suwerte sa kanila.

“Amalia! Amalia! Tumama ang mga numerong tinayaan ko sa lotto! Mayaman na tayo!” tuwang-tuwang sigaw ni Omar.

“A-ano?! Totoo ba iyan?” gulat na sambit ng misis na nanlaki ang mga mata nang makita ang nanalong numero.

Tumataginting na isandaang milyong piso ang napanalunan ni Omar. Sa laki ng halagang iyon ay halos hindi na magkadaugaga ang mag-asawa kung ano o saan gagastusin ang perang nakuha nila. Pakiramdam nila ay para silang nasa ulap, nakalutang sa sobrang kasiyahan dahil sa wakas ay makakaahon na sila sa hirap. Hindi na nila kailangan pang hintayin na magsipagtapos ang kanilang mga anak, ito na, instant milyonaryo na sila!

Dahil sa dami ng hawak na pera ay hindi na magkandatuto si Amalia. Ipinagyabang na niya agad iyon sa mga kapatid niya.

“Bibili ako ng ganoon, bibili ako ng ganyan, ano ba ang gagawin ko sa aking pera, Lucia?” sabik na sabi ng babae.

“Sa dami ng pera ninyong mag-asawa, marami kayong mabibili riyan! Basta huwag mo kaming kakalimutan ha? Bilhan mo rin kami ng mga gamit dito sa bahay gaya ng mga appliances ha?” tugon ng kapatid niya.

“Tama si Lucia, ate, mabibili niyo na ni Kuya Omar ang lahat ng gustuhin ninyo. Maipapagawa niyo na rin ang bahay ninyo!” sabad ng isa pa.

Ganoon nga ang ginawa ni Amalia, binalatuhan niya ang mga kapatid at mga magulang niya. Ipinagawa rin niya ang kanilang bahay, kung dati ay nakatira lang sila sa kubo ngayon ay sementado na ito at maganda na.

Si Omar naman ay wala ring ginawa kundi gumastos, bumili ng mga bagong damit, kotse, at iba pa. Natuto ring magbisyo ang lalaki at ginamit ang napanalunang pera sa pagsusugal.

Naging uhaw sa karangyaan at mga materyal na bagay ang mag-asawa, pati ang kanilang mga anak ay naging maluho rin at palaging nagpapabili ng kung anu-ano.

“Magbihis kayo mga bata at pupunta tayo sa bayan. Mamimili tayo!” sabi ni Amalia sa mga bata.

“Talaga, inay? Yehey! magkakaroon ulit tayo ng mga bagong laruan!” tuwang-tuwang sabi ng panganay nilang anak.

“O, mga bata pagkatapos nating mamili ay kakain din tayo sa labas. Saan ninyo gusto?” tanong naman ni Omar.

“Kahit saan po, basta ‘yung merong spaghetti at fried chicken,” sabi naman ng pangatlo nilang anak.

Masyadong nasilaw ang pamilya sa pera at luho, hindi nila pinansin ang babala ng mga magulang.

“Baka naman maubos agad ang pera ninyong mag-asawa, Amalia. Puro kayo gastos, walang pumapasok na pera sa inyo at puro palabas. Dahan-dahan kayo sa paggasta,” payo ng nanay ng babae.

“Oo nga, anak. Matuto kayong magtipid, hindi araw-araw ay Pasko,” sabad naman ng tatay niya.

“Inay, itay, ngayon lang namin natikman ang karangyaang ito mula nang magsama kami ni Omar. Hayaan niyo na kami sa gusto namin,” sagot ni Amalia na binalewala ang payo ng nanay at tatay niya.

Pakiramdam ni Amalia ay hindi nauubos ang perang napanalunan nila sa lotto kaya tuluy-tuloy lang sila sa paggasta.

“Limang libo ito, mare? Sige kukunin ko na. Ngayon lang ako makakapagsuot ng ganitong kagandang damit,” aniya.

“Imported kasi iyan, mare, kaya imported din ang presyo, pero bagay na bagay sa iyo ‘yan!” sabi ng babaeng nagbebenta sa kaniya.

Nang maging marangya ang buhay nila ay natuto rin silang maging mapagmataas sa kapwa. Ni hindi na nila pinapansin ang mga kapitbahay nila.

“Iba talaga ang nagagawa ng pera, ano? Nakakalimutan ang lahat lalo na ang mga taong naging malapit sa iyo?” pabulong na sabi ng isa nang makasalubong nito si Amalia na taas noong naglalakad at hindi man lang namanansin.

Ngunit isang araw, ang kaligayahan nila ay biglang naglaho dahil…

“Diyos ko! Limang libo na lang ang laman ng account namin?!” gulat na sabi ni Amalia nang makita ang bank book nilang mag-asawa.

Hindi nila napaghandaan ang araw na iyon. Dahil wala silang ibang naipon at naubos lang sa pambayad utang ang limang libong natira sa perang napanalunan nila sa lotto. Laking panlulumo ng mag-asawa na biglang nawala ang marangya nilang buhay at bumalik ulit sila sa hirap.

“Wala tayong gagastusin sa loob ng isang linggo kung hindi natin ibebenta ang mga appliances na ito,” lulugu-lugong sabi ni Omar na isa-isa nang dinispatsa ang mga mamahalin nilang kagamitan sa bahay.

Hindi makapaniwala si Amalia na sa isang iglap ay bumalik sila sa dati nilang buhay na madalas niyang kasuklaman.

“Bahala ka na muna sa mga bata, makikitanim ako ng palay sa bukid ni Mang Igme nang may makain tayo,” wika ni Omar. Mula kasi nang maranasan nila ang pagkakaoon ng maraming pera noon ay hindi na sila nagtrabaho sa dati nilang sinasakahan. Hindi man lang sila nagpaalam nang maayos kaya hindi na sila tinanggap ng may-ari ng lupa.

Doon nila napagtanto ang kanilang pagkakamali…

“Masyado tayong nasilaw sa perang nahawakan natin. Kung pinuhunan na lang sana natin sa negosyo ang mga iyon, siguro’y ‘di na tayo babalik pa sa lupa,” naluluhang sabi ni Amalia.

“Talagang ang pagsisisi ay nasa dakong huli lagi,” malungkot na tugon ng mister.

Maya maya ay nilapitan sila ng bunso nilang anak na si Angel.

“Inay, itay, huwag po kayong malungkot. Eto po may naipon po ako sa alkansya ko. Yung mga ibinibigay ninyong pera sa akin para sa baon ko’y itinabi ko. Sobra-sobra na po kasi, eh,” sambit ng bata.

Nang basagin nila ang alkansya ng anak ay nanlaki ang mga mata nila dahil nakaipon ito ng mahigit sampung libong piso. Hiyang-hiya sila sa kanilang sarili, mabuti pa ang paslit ay nagawang mag-ipon samantalang silang matatanda ay hindi man lang iyon naisip.

Laking pasasalamat nila sa kanilang anak sa ginawa nito. Ginamit nila ang naipon nitong pera sa pagtatayo ng maliit na negosyo na pagtutulungan nilang palaguin. Sabay-sabay din silang nagpasalamat sa Diyos dahil minulat sila sa katotohanan na hindi dapat ubos-ubos biyaya, matutong mag-impok para mayroong madudukot kapag nangailangan.

Advertisement