Inday TrendingInday Trending
Nag-Aalala ang Babae Dahil Walang Kukupkop sa May Kapansanan Niyang Anak Kapag Siya ay Nawala; Isang Araw ay Bigla na Lamang Siyang Tumumba sa Daan at Nawalan na ng Hininga

Nag-Aalala ang Babae Dahil Walang Kukupkop sa May Kapansanan Niyang Anak Kapag Siya ay Nawala; Isang Araw ay Bigla na Lamang Siyang Tumumba sa Daan at Nawalan na ng Hininga

Marahang sinuklay ni Charito ang mahaba niyang buhok pagkatapos ay nagpahid ng kaunting pulbo sa pisngi. Nagwisik ng paborito niyang pabango sa leeg. Nang makitang maayos na ang suot niyang damit ay nagmamadali siyang lumabas sa kaniyang bahay.

Kahit na mainit ang sinag ng araw ay naglakad ang ginang sa kalsada, bitbit ang kulay asul niyang payong. Kailangang bilisan niya ang paglakad dahil marami pa siyang aasikasuhin.

Nagtungo sa maliit na panaderya ang babae.

“Aling Tanya! Aling Tanya! Pagbilhan nga ninyo po ako ng pandesal,” sigaw ng ale.

“O Charito, ikaw pala,” bati naman ng matandang babae. “Ilang pirasong pandesal ba ang bibilhin mo?” tanong naman nito.

“Dalawampung libo po,” hinahabol ng ginang ang kaniyang hininga. “Dalawampung libong pisong pandesal para sa anak ko,” tugon pa ng babae.

Napansin ng matanda na tila naluluha siya.

“Bakit naiiyak ka? May problema ka ba?” tanong nito.

Umiling siya. “W-wala po ito. Napuwing lang ako,” sabi niya.

Pero ang totoo, kinakabahan siya, labis na nalulungkot at nag-alalala dahil kaunting panahon na lang natitira sa kaniya. May taning na kasi ang buhay ni Charito, dahil malubha na ang sakit niyang k*nser sa ob@ryo. Sinusulit na lamang niya ang mga nalalabing araw na kasama niya ang nag-iisang anak na si Abigail.

May kapansanan ang katorse anyos niyang anak na babae. Hindi na nga ito nakakakita, hindi pa rin ito nakakalakad. Ipinanganak na bulag at lumpo ang dalagita. Naiiyak siya kapag naiisip niya kung paano na ito pag nawala na siya. Sinong makakasama nito sa buhay?

“Mama, umiiyak ka na naman?” tanong ni Abigail nang bumalik siya sa bahay.

Umiling siya. “Hindi, anak,” aniya.

“Mama, bulag ako at lumpo, hindi po ako bingi. Dinig na dinig ko ang inyong paghikbi. Makakasama po iyan sa inyo. Iwasan niyo po ang malungkot at mag-isip ng kung anu-ano,” nag-aalalang sabi ng dalagita.

“Inaalala lang kita, anak. Paano kapag nawala ako? Hindi habambuhay ay nandito si mama,” wika ng ginang at saka niyakap at hinagkan sa noo ang anak.

Pilit na pinigilan ni Charito ang mga luhang nagbabadyang bumagsak.

“Mama, huwag mo akong intindihin, kaya ko ang sarili ko. Saka huwag kang mawawalan ng pag-asa, may awa po ang Diyos,” tugon ng dalagita.

Hindi na sumagot pa ang ginang at inalok nang mag-almusal ang anak.

“O, kain ka na anak ng paborito mong pandesal,” sabi niya.

Isa na lamang ang pag-asa niya, ang mapapayag ang nag-iisa niyang kapatid na biyuda na si Teresa na kupkupin at alagaan si Abigail. Kaya kinabukasan ay nagtungo agad siya sa bahay nito.

“Ate, baka pwede mo naman kupkupin si Abigail? Pamangkin mo naman siya kahit ‘di ko siya tunay na anak. Itinuring ko na siya na aking dugo’t laman,” pakiusap ni Charito sa nakatatandang kapatid.

“At bakit ko naman gagawin iyon?” sagot ng babae.

“Tinaningan na kasi ng doktor ang buhay ko, ate. Wala nang mag-aalaga sa anak ko kapag nawala ako. Kawawa naman kung walang kukupkop sa kaniya,” paliwanag pa niya.

“Wala akong pamangkin na inutil! Kung sarili ko nga hindi ko mapakain at magastusan mula nang mawala ang asawa ko tapos ipakukupkop mo pa sa akin ‘yung bulag at lumpo mong ampon?” masungit na tugon ng kapatid.

Oo, ampon lang niya si Abigail. Dahil wala siyang asawa at gusto niyang magkaroon ng anak ay kinupkop niya at itinuring na tunay na anak ang anak ng kaniyang dating kasambahay na pumanaw na rin dahil sa malubhang karamdaman apat na taon na ang nakakaraan.

“Pero ate…”

Bago pa man magsalita si Charito ay nagsalita na uli si Teresa. “Pwede ba, huwag mo na akong istorbohin! Tigil-tigilan mo na ang pagpunta rito! Kapag nawala ka, matututo rin ‘yung inutil mong ampon na mabuhay mag-isa.”

Halos manlumo si Charito nang marinig ang mga salitang iyon galing sa bibig ng sariling kapatid. Wala na siyang ibang magawa kundi tanggapin na wala na siyang maaasahan dito.

Habang naglalakad pauwi ay naghalo na ang pagod, panghihina ng katawan, at labis na sama ng loob ni Charito kaya ilang sandali pa ay unti-unting bumagal ang pagkilos ng babae, kinakapos na ng hininga at nagdilim na lamang ang paningin. Bumagsak na ang ginang sa kalsada at tuluyan nang sumakabilang buhay.

Samantala, hinihintay ni Abigail ang pagbabalik ng kaniyang ina. Maya maya ay may matandang babae na kumatok sa kanilang pinto. Ginalaw ng dalagita ang wheelchair at inilapit sa bintana para silipin ang nasa labas.

“Sino po iyan?” tanong niya.

“Ah Abigail, si Aling Tanya ito, ‘yung may-ari ng panaderya diyan sa kanto, dala ko ‘yung pandesal na order ng mama mo, ang bilin niya kasi sa akin, matagal daw siyang mawawala dahil may pupuntahan daw siyang malayong lugar, kaya sabi niya dalhan daw kita ng pandesal araw-araw. Binayaran na niya ito kaya wala ka nang dapat pang alalahanin,” wika ng matanda.

Pagkalipas ng ilang oras ay kumalat na ang balita sa pagpanaw ni Charito. Naging usap-usapan ang tungkol sa naiwang anak nito at sa dalawampung libong pisong piraso ng pandesal na ibinilin ng babae. Napaiyak ang mga kapitbahay nang mapagtanto na kahit sa huling sandali ay inalala pa rin ng ginang ang paboritong pagkain ng anak kaya gumawa ito ng paraan para maibigay ito.

Dahil sa nangyari ay nagtulung-tulong ang mga kapitbahay na ayusin ang burol at libing ni Charito. Nagmagandang loob din ang mga ito na tingnan at alagaan si Abigail na naulila na sa ina. Nag-alok ang mga mababait na kapitbahay na kupkupin ang may kapansanang dalagita. Isa sa mga nag-alok ng tulong ay si Aling Tanya.

Bilang ganti sa kabaitan at pagiging magaling makisama ni Charito noong nabubuhay pa ay buong pusong inalagaan ng mga kapitbahay si Abigail. Hindi nagtagal, tuluyan din siyang inampon ni Aling Tanya, pinag-aral at itinuring na tunay na anak gaya ng ginawa ng nanay niyang si Charito na itinuring siyang anak kahit hindi sila magkadugo.

Samantala, labis naman ang pagsisisi ni Teresa sa ginawa niyang pagtaboy kay Charito. Kahit ilang balde pa ang iluha niya’y hindi na maibabalik ang buhay ng kaniyang kapatid.

Mula naman nang kupkupin ni Aling Tanya si Abigail ay mas lalong lumakas ang benta sa kaniyang panaderya. Tila inulan siya ng suwerte dahil araw-araw ay malaki ang benta niya. Sa isip niya ay hulog ng langit sa kaniya ang dalagita.

Napakadakila ni Charito, minahal at inaruga niya si Abigail kahit hindi ito nagmula sa kaniyang sinapupunan. Napakasuwerte naman ng dalagita dahil sa pagpanaw ng itinuring niyang ina ay may mga nagmagandang loob pa ring kumupkop at nag-alaga sa kaniya dahil na rin sa kabutihang itinanim ng babaeng nag-aruga sa kaniya.

Advertisement