Kagat ng Pustiso

Nakangiting nagmamaneho si Ronald. Pakiramdam niya ay ito na ang pinakamaswerteng araw sa kanyang buhay. Paano kasi, ilang buwan na siyang humihiling na maka-score sa nobyang si Richelle pero di siya pinagbibigyan nito.

Sa totoo lang kaya hindi niya mahiwalayan ang babae kahit asar na asar na siya ay dahil di niya pa nakukuha ang gusto mula rito. Aba, walang chicks na tumatagal ng buwan sa kanya ano? Linggo lang! Kadalasan nga ay araw pa, depende kapag di siya nag enjoy sa kama.

Kaya kung inaakala nitong si Richelle na nagbago siya at di na babaero ay nagkakamali ito. Imposible iyon.

Maya-maya ay nagring ang kanyang cellphone.

“Hello babe? Yes. Nakikita ko na ang simbahan, ah liliko ako? Dito sa may nagtitinda ng kalamay? Okay okay.” sabi niya.

Takte, dumayo pa siya rito sa probinsya. Boring nga eh, kaya lang sabi ni Richelle isang matanda lang raw ang kasama nito sa bahay. Gusto lang talaga nitong makita ang fiesta sa probinsya dahil naalaala nito ang mga yumaong magulang.

Naisip ni Ronald na pagkakataon niya na ito. Kaya heto siya.

“Babe, na-miss kita!” yakap niya sa nobya.

Advertisement

“Huy ano ka ba. Wag ka namang masyadong malapit, nakakahiya sa mga tao. Alam mo namang hindi sanay ang mga taga-probinsya sa ganyan.” saway nito sa kanya.

Sa halip na makinig ay tinapik niya pa ang pwet nito. Inirapan siya ni Richelle.

Napasulyap si Ronald sa gawing itaas ng lumang bahay at natanaw roon ang isang lolang nakatingin sa kanya. Nginisian niya lang ang matanda.

Mabilis lumipas ang oras at sumapit ang gabi. Hindi na siya makapaghintay. Nanigarilyo muna siya upang labanan ang antok, tapos konting inom ng alak na baon niya. Aba, mukhang mapapalaban siya magdamag.

Gagang Richelle, matikman-tikman niya lang ito ay iiwan niya na rin kinabukasan.

Pero inabot na siya ng madaling araw kakakatok sa kwarto ng nobya ay ayaw pa rin siyang pagbuksan nito.

“Ron, alam mo naman na ayokong gawin yan habang di pa tayo kasal diba?” sabi nito mula sa loob.

Napamura sa inis ang lalaki pero mahina lang. Kailangan ay magtunog nakakaawa siya para mahabag ang nobya.

Advertisement

“Alam ko naman honey ko. Gusto ko lang namang makipagkwentuhan sayo, ang dilim-dilim rito o? Ang lamok pa.”

“Edi bumalik kana sa kwarto mo. Mahirap yan eh, tukso yan eh kahit na kwentuhan lang. Bilin ng lola ko na ingatan ko ang pagkababae ko. Sana i-respeto mo iyon.” paliwanag ni Richelle.

Speaking of lola, nakadagdag sa asar ni Ronald ang matandang nakaupo ngayon sa tabi ng bintana. Hindi niya man maaninag masyado dahil madilim ay sigurado naman siya. Bwisit na lola ito, nagbabantay talaga. Madaling araw na ay ayaw pa rin matulog.

Sa inis niya ay pinagtatadyakan niya ang pinto.

“Ronald what the hell are you doing?!” sabi ni Richelle mula sa loob.

“Ayaw mo sa santong dasalan, makukuha kita sa santong paspasan!” wika niya. Tuloy tuloy lang siya sa pagtadyak roon at walang pakialam kahit nagsisigaw na ang babae sa bintana.

Ilang sipa pa ay nabuksan rin ang pinto. Agad niyang sinunggaban ang nagpupumiglas na si Richelle, nakatakas sandali ang babae at nakatakbo sa salas.

Hahaltakin niya na sana itong muli nang makaramdam siya ng kagat sa kanyang braso.

Advertisement

“Aray! P*tang ina!” daing niya. Lintik, kinagat siya ng lola!

Mariin iyon at bumakat, nakalayo tuloy si Richelle. Bago niya pa lapitan ang babae ay dumating na ang mga nagmamalasakit na kapitbahay at hinawakan siya. Tinawag ng mga ito ang barangay.

“Sinabi ko nang ayoko pero pinipilit niya ako. Ayan ho, sinira niya ang pinto ng kwarto ko,” nangangatog na wika ni Richelle. Ewan niya pero parang tila naglaho lahat ng pagmamahal niya sa lalaki matapos niyang makita ang tunay nitong kulay. Tama nga ang mga naririnig niya, katawan lamang ang habol nito sa lahat ng babaeng nililigawan.

“Aaminin ko sinira ko ang pinto pero para iyon makatakas sa kanilang maglola. Ang lola ho niyan ay kinagat ako! Bayolente silang dalawa” pagsisinungaling ni Ronald.

Napakunot ang noo ni Richelle, “Anong lola? Bakit nadamay ang lola ko sa kagaguhan mo?”

“O diba? Ayan Ser o, may bakat pa. Ayan ang pustiso ng matanda sa mesa o,” kinuha niya iyon at idinikit sa bakat ng kagat sa braso niya. Sakto. “Hindi ko alam kung nasaan na ang lola niya. Baka nagtago pero ayan ang pustiso ebidensya ho.” taas noong sabi niya.

Hindi makapaniwalang nagsalita si Richelle, “Ang matanda na tinutukoy kong kasama ko ay si Aling Meding. Pero wala siya roon kanina dahil nakikifiesta sa mga anak niya. Oo, pustiso ng lola ko iyan pero imposibleng kagatin ka niya. Dahil sumakabilang buhay ang lola ko seven years ago. Tayong dalawa lang ang tao sa bahay.”

Halos mahulog sa kinauupuan niya si Ronald nang marinig iyon. Lalo na nang mapasulyap siya sa salamin at nakitang nasa likod niya ang multo ng matanda!

Advertisement

Para siyang baliw na tumakbo palabas, paulit ulit na sumisigaw ng “Sorry!”

Si Richelle naman ay nakahinga ng maluwag. Hanggang sa kabilang buhay, binabantayan pa rin pala siya ng matanda.

“Salamat ‘La..mahal kita..”