Isang buwan na ang nakalipas nang umalis ang asawa ni Veronica. Di na kinaya ng lalaki ang mga kalokohan niya. Ulilang lubos kasi siya sa probinsya, napadpad siya sa Maynila.
Sinubukan niyang mag-waitress pero masyadong maliit ang kita. Gusto niya ay iyong easy money. Kaya ginamit niya ang kanyang ganda at namasukan bilang GRO sa isang bar. Doon niya nakilala si Lemuel. Mabait ang lalaki at nirerespeto ang nakaraan niya.
Kaya lang, para niya na ring pinatunayan ang paniniwala ng karamihan sa mga tulad niya. Na ang babaeng bayaran, itali mo man, babalik at babalik sa pinanggalingan. Kahit na walang ibang ipinakita sa kanya ang lalaki kundi kabutihan ay nagawa niya pa rin itong lokohin. Tandang-tanda niya pa, noong mag away sila sa salas ng kanilang bahay.
“Veron, hindi pa ba sapat na pinakasalan kita? Na mayroon na tayong anak? Tingnan mo nga, dalaga na si Angel! Hindi ka ba nahihiya sa anak mo?” aburidong wika nito.
“Nahihiya? Bakit ako mahihiya? Ikaw ang dapat na mahiya dahil wala ka nang ibang ginawa kundi mamasada, wala ka rito sa bahay. Syempre may mga pangangailangan ako. Eh dumating ang kumpare mo, o di ayan! Happy happy kami!” walang pakialam na wika niya.
“Ginawa ko naman lahat para sa pamilya natin,” umiiyak na sabi ng lalaki.
Natulala sandali si Veronica, “Ikaw kasi eh. Pabayaan mo nalang iyon, ‘di na mauulit. Next time kasi, mind your own business, scratch your own galis. Kung di ka nagtanong edi sana hindi ka nasasaktan diba?”
Hindi na sumagot pa ang lalaki. Sa halip ay tumayo ito at nag empake. Noong una ay nagmataas pa ang misis pero naiyak na siya nang mukhang desidido na ang kanyang asawa.
“Saan ka pupunta?” harang niya sa pintuan.
“Di ko na kaya.” lumuluhang wika nito pero hindi nakatingin sa kanya.
“Veronica! Huy Veronica! Sabi ko, kung bibili ka pa ba ng alak kasi magsasara na ako?” sabi ni Aling Encie, ang may ari ng sari-sari store na tinatambayan niya ngayon.
Araw araw ay ganito ang kanyang gawain, uupo sa harap ng tindahan at magpapakalasing.
“Isah pa, pero bukas nah bahyad niyan ha, hik! Ubos na perah ko eh.”
“Sige basta makiabot mo nalang ha. Mamimili kasi kami ni Lily bukas, dagdag puhunan rin.” wika nito at ipinagbukas pa siya ng beer.
Gegewang-gewang na siyang naglakad nang maubos iyon. Pero ayaw niya pang umuwi, naalala niya lang si Lemuel eh.
Kaya kahit na lasing ay sumakay siya ng tricycle at nagpababa sa plaza. Umupo siya sa isang tabi at parang baliw na umiyak habang tumatawa.
“Gagah ka kasih..ang ganda na ng buhay mo naglandi kapa..” sisi niya sa sarili.
Naputol ang pagsasalita niya nang mapansin ang isang pamilyar na pigurang nakatayo sa di kalayuan.
“A-Angel?” Hindi siya pwedeng magkamali! Anak niya nga iyon!
Nakashort na pagka-iksi iksi ang dalagita, may kasama itong mga babaeng mas matanda rito at naninigarilyo. Alam na alam niya kung ano ang ginagawa ng mga ito roon, dahil gawain niya na rin iyon noon!
Mabilis siyang lumapit at hinaltak ang braso ng anak.
“Ano ba- Ma!” gulat na sabi nito.
“Uuwi na tayo.” matigas na wika ni Veronica, nawala ang pagkalasing.
“Ma ano ba nagtatrabaho ako!” sabi nito.
“Nagtatrabaho? Trabaho ang tawag mo dyan? Nagbebenta ka ng katawan!” galit na sabi niya. Hindi pwede. Hindi siya payag. Tama nang siya na lang ang gaga, siya nalang ang marumi. Ayaw niyang pati anak niya ay masira ang buhay.
“Bakit Ma? Diba ito rin ang sabi mo kay Papa? Mind your own business, scratch your own galis! Wala ka namang pakialam sa akin eh, kung hindi ko ito gagawin ay hindi ako kakain! Wala akong ibang alam na trabaho kasi ito lang ang nakikita ko sa nanay ko! Ginagaya lang kita!”
Sa kabiglaan ay nasampal ni Veronica ang anak. Lumuluha ang dalagita kaya natauhan siya, bigla niya itong niyakap. Parang may sumabog na bomba sa ulo niya.
“Sorry. Sorry anak, sorry kung sinira ko ang pamilya natin.”
Nag iiyakan na silang dalawa.
Humingi siya ng tawad rito at pag uwi nila ay nangako siyang magbabago na. Na siyang ginawa niya naman, nagtayo siya ng maliit na sari-sari store para magsimulang ulit.
Hindi na siya umiinom at ikinumpisal niya na ang lahat ng kanyang kalokohan. Tila dininig naman ng Diyos ang kanyang dalangin dahil isang araw ay umuwi na rin si Lemuel.
Niyakap siya nito nang mahigpit at nagpasalamat sa Panginoon na nagbago na ang misis.
Masayang-masaya si Veronica at sisiguruhin niyang iingatan niya na ang pamilya. Hindi niya na sasayangin ang ikalawang pagkakataong ipinagkaloob sa kanya.