Likas na masinop sa mga gamit niya at sa bahay ang babaeng si Dinah. Gusto niya ay nakaayos ang lahat. Kaya lang ay hindi lang mga personal na gamit niya ang pinapakialaman nito kung ‘di maging ang mga gamit at desisyon ng iba.
“Ano ba naman, kuya! Bakit ba ang kalat mo sa mga gamit mo? Tignan mo. Pati mga balat ng pinagkainan mo nandito pa!” sita ni Dinah sa mas nakatatandang kapatid. “Dinah, puwede ba! Wala kang pakialam kasi kwarto ko ‘to!” bulyaw ni AJ sa dalagita.
“Oo, na kwarto mo nga! Pero pag may ipis o daga dito sa kwarto mo didiretso ‘yun sa kwarto ko! Kadiri!” pag-iinarte ni Dinah. “Ewan ko sa’yo! Bahala ka nga diyan! Pakialamera ka!” sigaw ng binata sa kapatid bago ito tuluyang lumabas ng kwarto.
Kahit bw*sit na bw*sit si Dinah sa kapatid ay wala siyang magawa kung ‘di ang ligpitin ang kalat nito. Hindi pa rin niya maatim ang kalat sa kwarto!
Pagpasok ng dalagita sa paaralan ay nakita niyang nagpipintura sa labas ang ilan sa kaniyang mga kaklase.
“Bakit asul? Ang pangit! Sinong may sabing puwede ‘yan? Ang baduy!” Sabay ismid ni Dinah.
“Hoy, Dinah, tumigil ka nga diyan! Baka marinig ka ni ma’am!” saway ng isang kaklase ng dalagita. “Nagsasabi lang naman ako ng totoo. Masama bang magsabi ng totoo? Baduy naman talaga!” mataray pang sagot ni Dinah.
Huli na nang mapagtanto ni Dinah na nasa likod na niya ang kanilang principal.
“Dinah, pumunta ka sa opisina ngayon,” ma-awtoridad na utos ng principal.
Wala nang nagawa si Dinah kung ‘di ang sumunod na lang sa opisina. Doon ay ginisa siya nito dahil sa kaniyang pag-uugali.
“Dinah, bakit ganiyan ang pag-uugali mo? Marami na kaming natatanggap na reklamo laban sa’yo. Tahasan mo daw pinakikialaman ang mga gamit at desisyon ng iba,” sermon ng principal sa dalagita.
Pero imbes na matakot si Dinah ay nakataas pa ang kilay nito. “Ma’am, hindi po ako nakikialam. Sinasabi ko lang ang opinyon ko!” pagmamatigas nitong sagot.
“Dinah, kung ang opinyon mo ay hindi hinihingi huwag kang magsalita,” bwelta ng principal.
Akma sasagot pa ang dalagita pero naunahan na siya ng principal. “Suspendido ka ngayon. Kailangang iharap mo dito ang mga magulang mo!” ma-awtoridad na utos nito.
Dahil sa sinabi ng principal ay napilitang umuwi ng maaga ni Dinah at hinaharap ang kaniyang mga magulang.
“Ma, kailangan niyong pumuta sa paaralan dahil suspendido ako.” diretsahang pagkakasabi ng dalagita.
“Ano? Dinah, ano na naman ang ginawa mo?” bulyaw ng mama ng dalagita. “Ma, huwag na kayong magtanong. Pumunta na lang kayo!” sigaw ni Dinah.
Humarap sa paaralan ang mama ni Dinah. Ang ginang na mismo ang humingi ng despinsa sa ginawa ng anak. “Ma’am pasensya na kayo sa inasal ng anak ko. Hindi na ho mauulit.”
“Misis pagsabihan niyo ang anak niyo. Marami na ang galit sa kaniya dahil sa pakikialam niya sa mga gamit at desisyon ng iba. Gusto niyang siya ang masusunod,” paalala ng principal sa ginang.
Pero kahit napagsabihan na si Dinah ay hindi pa rin ito nagbago. Mas lumala pa ang pagiging pakialamera nito.
Isang araw ay naisipan niyang mamasyal sa mall. Habang nasa food court ay napansin niyang may bukas na bag sa kabilang mesa. Dahil sa nakakalat ang mga gamit sa loob ng bag ay umatake na naman ang pagiging pakialamera ng dalagita.
Walang pakundangan niyang kinuha ang bag. Binago niya ang pagkakaayos ng mga gamit sa loob. Hindi niya napansin na nakatingin sa kaniya ang may-ari nito.
“Hoy! Bakit nasa iyo ang bag ko?” sita ng matanda.
Hinarap ni Dinah ang matanda na nakataas ang kilay. “Lola, kalma lang. Huwag kayong mag-eskandalo dito. Inayos ko lang ‘yang laman ng bag mo! Nakakalat kasi!” pagtataray nito.
“Hindi mo ako maloloko. Alam ko ang mga modus niyo!” sagot ng lola sa dalagita.
Bago pa makasagot si Dinah ay may sumabat na sa kanilang usapan.
“Magnanakaw ‘yan! ‘Yung bag ko bukas din. Nawawala ang pitaka ko!” sigaw ng isang babae.
“Oo nga. Modus ‘yan! Tignan niyo ang mga gamit niyo kong may nawawala!” pagsang-ayon ng isa pang ginang.
“Guard, hulihin niyo siya! Magnanakaw ‘yang babaeng ‘yan!” utos ng isang lalaking kumakain sa food court.
“Teka lang! Mapanghusga kayo masyado, ah! Wala akong ninanakaw! Inayos ko lang ang gamit niya!” tanggi ni Dinah sa bintang sa kaniya.
“Nagdadahilan lang ‘yan! Modus ‘yan ng mga kabataan ngayon!” sabat naman ng isa.
Bago pa nakasagot si Dinah ay dinampot na siya ng guwardiya para dalhin sa presinto!
“Anong pangalan mo?” tanong ng pulis. “Dinah po,” maikling tugon ng dalagita.
“Alam mo, iha, hindi tama ang ginawa mo. Hindi mo dapat pinakikialaman ang mga gamit na hindi sa’yo,” pangaral ng pulis.
“Sir, wala po akong ninakaw. Inayos ko lang ang gamit niya ‘yun lang ‘yun!” depensa ni Dinah.
“Iha, huwag kang masyadong pakialamera! Lalung-lalo na sa gamit ng iba! At ang nakakahiya pa hindi mo kakilala si lola,” dagdag pa ng isang pulis.
Sa presinto napag-alaman ni Dinah na talamak ang pagnanakaw ng ilang kabataan ngayon sa mga mall. Dahil sa ginawa niya ay inakala ng mga pulis na miyembro rin siya ng grupong iyon. Gusto man niyang depensahan ang kaniyang sarili ay wala naman siyang maipiprisintang ebidensiya na makapagpapatunay na inosente siya.
Kinabukasan ay piniyansahan si Dinah ng kaniyang mama at kuya.
“Dinah, anak makinig ka naman sa amin ng kuya mo. Ilang beses ba naming sasabihin sa’yo na huwag na huwag kang makikialam sa gamit ng iba. Ang pinakamahalaga sa lahat, anak, respeto. Matuto kang rumespeto sa pag-aari ng iba,” pangaral ng ginang sa anak.
Dahil sa nangyari ay natauhan na si Dinah. Ipinangako niya sa sarili na kailanman ay hindi na pakikialaman ang gamit ng iba. Nakatatak na rin sa kaniyang isipan na mahalagang irespeto ang gamit at opinyon ng ibang tao.