
Kahit May Pera, Ayaw Pagawaan ng Binata ng Pustiso ang Nanay Niya; Hindi Lang Pala Ito Nag-iinarte sa Sakit na Nararamdaman
Tikom sa pera ang binatang si Mark. Kahit na sandamakmak na ang perang natutulog sa bangko niya, hindi siya gumagastos ng pera para sa kung anu-anong bagay. Kung hindi ito para sa kaniyang negosyo, hinding-hindi siya naglalabas ng pera.
Mayroon man siyang tatlong malalaking grocery store sa buong lalawigang tinitirhan niya at mayroon siyang kilalang pabrika ng mga tsokolate sa probinsya, iisa at luma ang tinitirhan niyang bahay. Kasama niya pa rito ang kaniyang inang may katandaan na at dalawang nakababatang kapatid na pawang nag-aaral pa lamang.
Panay pa ang tanggi niya sa mga bagay na hinihiling ng kaniyang mga kapatid katulad ng selpon o kompyuter na gagamitin naman ng mga ito sa pag-aaral. Palagi niyang rason sa mga ito, “Kung gusto niyong makuha ang isang bagay, magsumikap kayo, magtrabaho kayo, pagpaguran niyo! Hindi ‘yong aasa kayo sa akin porque may mga negosyo ako! Pinatitira ko na nga kayo at pinapakain pati ba naman gamit niyo, sa akin niyo pa ipapabili?” dahilan para habang lumalaki ang ipon niya, lumalayo naman ang loob ng mga ito sa kaniya.
Sa katunayan, pati kaniyang ina na may katandaan na at maraming dinadaing na karamdaman, isang beses niya pa lamang napapatingin sa ospital.
Bigla na lang itong nawalan ng malay noon kaya wala siyang ibang magawa kung hindi ang isugod ito sa ospital at gumasta ng pera. Nagalit pa siya rito nang malaman niyang pagod lang ito kaya nawalan ng malay.
Ngayong humihiling naman ito ng pustiso dahil bulok na ang mga ngipin nito at hindi na pinatitigil ng kirot na nararamdaman, hindi niya pa rin ito pinagbigyan. Sabi niya pa sa ina, “Ang arte-arte mo naman! May nalalaman ka pang pustiso! Bunutin mo na lang isa-isa ‘yan o kaya naman, hintayin mo na lang na kusang matanggal!”
Alam man niyang masama ang loob sa kaniya ng ina dahil sa sinabi niyang iyon, ni katiting na pangongonsenya at awa, wala siyang naramdaman dito.
Nakikita man niya kung paano ito mawalan ng gana sa pagkain at kung paano ito hirap na kumilos dahil sa pagkirot ng mga ngipin, palagi niyang iniisip na nag-iinarte lang ito upang pagawaan niya ito ng pustiso.
“Akala mo madadala mo ako sa mga pag-iinarte mo, ha?” bulong niya sa sarili, isang umaga nang biglang umalis sa hapag-kainan ang ina dahil sa kirot na nararamdaman.
Maya maya, habang hinihintay niyang bumalik ang ina para kaniya itong masermunan, bigla naman siyang nakatanggap ng tawag mula sa isa sa mga investor ng kaniyang pabrika ng tsokolate.
“Magandang umaga, ma’am, bakit po kayo napatawag?” bungad niya rito.
“Pupwede mo ba akong kitain ngayong araw? May amiga ako mula sa States na gusto ring mag-invest ng pera sa pabrika mo!” tugon nito ka inakinang ng mga mata niya.
“Pwedeng-pwede po, ma’am! Gusto niyo po ba ngayon na?” nasasabik niyang alok.
“O, sige, magtungo ka rito sa kapehan sa bayan. Hintayin ka namin dito,” yaya nito dahilan para siya’y magmadaling umalis kahit pa hindi pa rin lumalabas ng banyo ang ina.
Ilang saglit pa, tuluyan na nga siyang nakarating sa naturang kapehan. Sakto namang may ilang produkto ng tsokolateng binebenta niya ang nasa kaniyang sasakyan dahilan para maisipan niyang ipatikim ito sa mga ginang na naghihintay sa kaniya.
“Ang bilis mo naman, hijo!” bati sa kaniya ng naturang ginang.
“Ah, eh, syempre po, hindi po kayo dapat paghintayin!” pambobola niya na ikinatawa ng dalawa, “Ito po, o, bagong produkto namin, tikman niyo po!” alok niya sa mga ito sabay bigay ng tsokolate.
“Naku, hindi ba sasakit ang ngipin ko riyan? Hindi pa ako nakapagpapapustiso, eh. Natikman na ba ‘yan ng nanay mo? Hindi ba sumakit ang ngipin niya?” tanong ng bagong ginang na gustong mag-invest sa kaniya.
“Ay, hindi niya pa po natitikman ang mga produkto ko,” tapat niyang sagot dito.
“Ano? Ang nanay ng may-ari ng isang kilalang pagawaan ng tsokolate, hindi pa nakakatikim ng tsokolate?” gulat na tanong nito. “Masakit po kasi ang ngipin niya, ma’am, kaya po…” pagrarason niya na hindi nito pinatapos.
“Aba, dapat ipaayos mo na ang ngipin niya! Diyos ko, paano mo natitiis ang nanay mo, hijo? Magkano lang naman ang pagpapaayos at pagpapagawa ng ngipin!” sambit pa nito dahilan para sa unang pagkakataon, siya’y mahabag sa ginawang pagtitipid sa ina.
Pagkatapos nilang magpirmahan ng kontrata noong umaga iyon, agad na niyang dinala sa dental clinic ang ina. Tumanggi man ito noong una sa alok niya, pinilit niya ito at humingi ng tawad sa pagdadamot niya dahilan para hindi kalaunan, sumama na rin ito sa kaniya.
Ilang oras pa ang lumipas, natapos na itong tanggalan ng bulok na ngipin at gawan ng pustiso. Ramdam niya ang kaginhawaan sa mukha nito na talagang nagbigay saya sa kaniya.
“Pangako, simula ngayon, hindi na ako magdadamot sa inyo,” sabi niya sa sarili habang tinitingnan kung paano masarapan ang kaniya ina at dalawang kapatid sa produkto niyang tsokolateng unang beses niyang pinatikim sa mga ito.
Iyon ang naging simula ng pagiging bukas palad niya sa kaniyang pamilya. Lahat ng kailangan ng mga ito, walang pag-aalinlangan na niyang ibinibigay ngayon.