
Labis na Pinagyayabang ng Ginang ang Kaniyang mga Gintong Alahas; Peke Naman Pala ang mga Ito
Hindi maaaring lilipas ang isang araw na hindi naipagyayabang ng ginang na si Ayen ang lahat ng gintong alahas na nakasuot sa kaniyang kamay, leeg, at daliri.
Kung hindi man niya magawang sumadya sa bahay ng kaniyang mga kapitbahay para paulit-ulit na ipakita ang kaniyang mga alahas, tatambay naman siya sa harapan ng kaniyang bahay suot-suot ang mga ito.
Kung minsan pa, roon niya pa ito nililinis upang makuha ang atensyon ng kaniyang mga kapitbahay na dumadaan sa kaniyang bahay.
Hindi maipaliwanag na saya ang kaniyang nararamdaman sa tuwing nakikita niyang naiinggit sa kaniya ang mga kapitbahay. Payo niya pa sa mga ito, “Magtrabaho kasi kayong maigi o kaya, pagtapusin niyo ng kolehiyo ang mga anak niyo para malaking pera ang maibigay sa inyo!”
Alam man niyang peke at walang halaga kung isasangla ang mga alahas niyang tanso na kulay ginto lang, panay pa rin ang pangmamaliit niya sa mga kapitbahay na walang-wala sa buhay.
Ito ang dahilan para siya’y pagsabihan ng anak niyang panganay.
“Mama, hindi na maganda ‘yong ginagawa mong pagmamalaki sa mga alahas mo at pangmamaliit sa mga kapitbahay natin. Baka nakakalimutan mo, peke naman lahat ‘yan. Ewan ko ba kung bakit paniwalang-paniwala sila sa’yo na tunay ‘yan at mayaman ka na,” sabi nito habang iiling-iling na nakatingin sa kaniyang mga alahas.
“Huwag kang mangialam sa akin, ha! Ikaw lang ang nagpapakain sa akin pero hindi ikaw ang nagbigay ng buhay ko!” sigaw niya pa rito dahilan para mapabuntong-hininga na lang ito.
Kahit pa halos araw-araw siyang sinasaway ng anak sa tuwing naririnig siya nitong nagyayabang ng mga alahas na suot, araw-araw niya rin itong binubulyawan at sinasabihang huwag siyang pakialamanan.
“Mapapahiya ka lang sa mga tao kapag nalaman nilang peke ang mga ‘yan!” babala nito sa kaniya, isang araw nang marinig nitong may kausap na naman siyang kapitbahay bago ito pumasok sa trabaho.
“Hindi nila malalamang peke ‘to kung itatahimik mo ang bungaga mo!” mahina niyang sabi rito saka niya ito piningot at agad na tinulak palabas ng kanilang bahay, “Ingat sa pagpasok, anak, ‘yong pinabibili ko sa’yong gintong kwintas, huwag mong kakalimutan, ha? Ingatan mo ang perang binigay kong pambili!” pagpapanggap niya pa nang makita niyang marami sa kanilang mga kapitbahay ang nakatambay sa labas.
“Hoy, Ayen! Huwag ka nang magpabili sa anak mo! May kakilala akong nagbebenta ng mga ginto! Mura lang sa kaniya ang isang gramo!” sabat ng isa niyang kapitbahay.
“Naku, ayoko, baka naman peke ang mga tinitindang ginto no’n kaya mura ang bentahan!” pagdadahilan niya rito.
“D’yan ka nagkakamali! Sandali, tatawagan ko para makita mo ‘yong mga tinitinda niyang alahas!” sabi pa nito, pinigilan man niya ito, hindi ito nakinig sa kaniya at agad na tinawagan ang mag-aalahas.
“Diyos ko, wala naman akong pera, eh!” inis niyang sabi sa sarili.
Wala pang sampung minuto, dumating na nga ang naturang mag-aalahas dahilan para palibutan sila ng mga nakikiusyosong kapitbahay niya.
“Ah, eh, kayo po ba ‘yong bibili?” tanong nito sa kaniya.
“Oo, siya! Maraming pera ‘yan, eh, kita mo, sandamakmak ang alahas na suot!” pagmamalaki sa kaniya ng ginang na tumawag sa mag-aalahas.
“Oo nga, ‘no? Pupwede ko po bang usisain ‘yang mga alahas niyo?” tanong nito habang tinitingnan ang kaniyang mga alahas na labis niyang ikinakaba.
“Pwedeng-pwede mo ‘yang tingnan! Hindi naman madamot ‘yang si Ayen. Kahit kanino, pinapakita niya ang mga alahas niya!” muling sabat ng ginang dahilan para mapilitan siyang hubarin ang ilan niyang singsing at ipakita sa mag-aalahas.
“Sabi na, eh, peke po ito. Sa kulay at itsura pa lang, alam ko nang peke ‘yan,” sabi nito na ikinagulat ng kaniyang mga kapitbahay.
“Anong peke? Huwag mo akong sinisiraan nang gan’yan, ha?” sigaw niya rito saka agad na kinuha sa kamay nito ang kaniyang mga singsing.
“Nagsasabi lang po ako ng totoo, pasensya na po,” tugon nito.
“Peke naman pala ‘yang mga alahas na pinagyayabang mo, eh! Napakasinungaling mo!” sigaw ng ginang sa kaniya na talagang ikinahiya niya kaya siya’y nagdali-daling umuwi sa kaniyang bahay.
Simula noon, wala na siyang naiharap na mukha sa mga kapitbahay. Lahat ng mga ito, galit sa ginawa niyang kasinungalingan at pagyayabang na labis niyang pinagsisihan.
Kung dati’y araw-araw siyang pumaparada sa kanilang buong barangay, ngayo’y araw-araw na siyang nagkukulong sa kanilang bahay para huwag lamang marinig ang mga usapan tungkol sa kaniya. Kung nakinig lang siya sa anak niya noon ay ‘di na sana umabot sa ganoon ang lahat.