
Panay ang Yaya ng Isang Matanda sa Binata na Maghukay; May Kayamanan pala Talaga Itong Hinuhukay
Kung hindi lang para sa kaniyang trabaho, hindi magtitiyaga ang binatang si Ronald na manirahan sa isang bulok na apartment, hindi kalayuan sa pabrikang pinagtatrababuhan niya.
Gustuhin man niyang maghanap ng ibang malilipatan, wala na siyang makitang paupahan na malapit doon na swak ang presyo sa kaniyang bulsa. Nag-iisa lang ang apartment na ito sa lugar na iyon na ang may-ari ay isang matandang palaging nagpapatulong sa kaniyang maghukay.
“Hijo! Tapos ka na ba sa trabaho mo? Halika, tulungan mo ako ritong maghukay!” yaya nito sa kaniya sa tuwing makikita siya nitong papasok sa kaniyang inuupahang apartment.
Dahil palagi siyang pagod at wala sa kondisyon upang makipag-usap kung kanino man lalo na sa matandang kahit ilang beses na niyang sinabihan tungkol sa nirereklamo niyang kubeta ay wala pa ring aksyong ginagawa, araw-araw niya itong tinatanggihan.
Madalas niyang sagot dito, “Wala na akong lakas na maghukay, tatang! Ikaw na lang ang maghukay d’yan baka sakaling maisipan niyong ipaayos ang kubeta ko!” na ikinatatawa lamang nito.
“Kung may ibang trabaho lang talaga akong mapapasukan o paupahang malilipatan, hindi ako magtitiis sa bahay na ‘to! Araw-araw na nga akong nagbobomba ng baradong kubeta, sandamakmak na tulo pa mula sa bubong ang nararanasan ko tuwing umuulan!” reklamo niya, isang umaga bago siya pumasok sa trabaho.
Nang matapos na siyang mag-ayos ng sarili, agad-agad na siyang lumabas ng bahay. Ikakandado niya pa lang sana ang pintuan ng naturang apartment, muli na naman siyang sinitsitan ng matandang muli na namang naghuhukay.
“Hijo! Huwag ka nang pumasok sa trabaho! Tulungan mo na lang ako sa paghuhukay! Sigurado akong malapit ko nang mahukay ang binaong kayamanang ng lolo ko rito!'” yaya nito sa kaniya saka pilit na pinapahawak ang reserba nitong pala.
“Diyos ko, tatang, ilang linggo ka na ngang naghuhukay d’yan, hanggang ngayon wala ka pang napapala. Idadamay mo pa ako sa kat*ngahan mo!” inis niyang sabi rito saka inihagis sa lupa ang naturang pala.
“Ay, naku, pagsisisihan mo ang pagtanggi at pangbabastos mo sa akin, hijo,” patawa-tawang sabi nito saka dahan-dahan pinulot ang pala, “Ang likod ko!” sigaw pa nito matapos mapulot ang pala.
“Kung ako sa’yo, tatang, unahin mong ipaayos ang mga sira sa pinapaupahan mong apartment bago ka mag-aksaya ng oras d’yan!” payo niya rito saka na ito agad na nilayasan.
“Walang sisihan, hijo!” pahabol pa nito na lalo niyang ikinainis.
Katulad ng kaniyang nakasanayan, pagkalabas niya sa gate ng naturang apartment, agad na rin siyang nagsimulang maglakad at wala pang ilang minuto, tuluyan na rin siyang nakarating sa pinagtatrababuhang pabrika.
Maghapon siya roong nakatayo habang sinisiguradong tama ang pagkakagawa ng makina sa mga sapatos na binebenta ng kanilang kumpanya. “Hanggang kailan kaya ako maghihirap dito? Sana naman may malaking oportunidad o biyaya na bigla na lang lumapit sa akin,” sabi niya sa hangin.
Ilang oras pa ang nakalipas, natapos na rin ang trabaho niya roon dahilan para agad na rin siyang umuwi. Malayo pa lang sa inuupahang apartment, nakita niyang maraming tao ang nakakumpol sa tapat ng kanilang gate.
“Mukhang inatake na kakahukay si tatang, ha?” wika niya sabay mabilis na tumakbo roon upang malaman ang tunay na nangyari.
Kaya lang, pagdating niya roon, nakita niyang sandamakmak na mga reporter mula sa iba’t ibang ahensya ng tagapagbalita ang naroon. Tutok ang mga kamera nito sa matandang kasama ang isa pa sa mga nangungupahang binata. Nasa tapat ng dalawang ito ang isang malaking baul na naglalaman ng napakaraming gintong alahas at dolyar.
“Sabi sa’yo, hijo, huwag ka nang magtrabaho at tumulong na lang maghukay sa akin, eh! Ayan tuloy, itong bagong lipat na binata ang hahatian ko!” sabi nito nang siya’y makita.
Nag-uumapaw na pagsisisi agad ang kaniyang naramdaman.
“Grasya na, tinanggihan ko pa,” bulong niya sa sarili habang maluha-luhang binubuksan ang kandado ng kaniyang inuupahan bahay.
“Hayaan mo, hijo, bukas na bukas, ipapaayos ko na lahat ng reklamo mo!” masaya nitong sabi na tuluyang ikinabagsak ng luha niya.
Tanaw niya sa bintana kung gaano ito kasaya habang labis na nagpapasalamat sa binatang tumulong dito.
“Matagal na pala akong sinusuyo ng biyayang hinihiling ko, hindi ko lang tinanggap dahil akala ko, walang patutunguhan,” pagsisisi niya.
Pinagawa nga agad ng matanda ang mga nirereklamo niya ngunit hindi niya lubos akalaing pati siya, bibigyan nito ng parte sa kayamanang nahukay.
“Mahirap talagang maniwala sa isang biyayang hindi mo nakikita pero sana, maging aral sa’yo ito, hijo. Matuto kang makisama at intindihin ang lahat ng oportunidad na nakapaligid sa’yo,” pangaral nito saka iniabot sa kaniya ang ilang gramo ng ginto at dolyar na talagang labis niyang ikinapasalamat.
“Opo, tatang, opo!” masayang-masaya niyang sabi.
Simula noon, naging maalwan na ang buhay niya. Nagtayo sila ng negosyo ng matanda na siyang tumuldok sa kapos niyang buhay empleyado.