
Nangupit sa Ama ang Dalaga para Puntahan ang Napupusuang Binata sa Zamboanga, Isang Matanda sa Eroplano ang Nagbigay Leksyon sa Kaniya
Matagal nang walang karelasyon ang dalagang si Antonia. Mula noong siya’y nakaranas na maloko at perahan ng isang lalaki na mayroon palang asawa at mga anak, limang taon na ang nakararaan, na naging sanhi upang siya’y labis na malungkot at matanggal sa isang magandang trabaho, naging mapili at maingat na siya sa lalaking makakarelasyon.
Sigurado man siyang humilom na ang sugat na natamo mula sa nakakatraumang relasyong iyon na walang ginawa kung hindi ang huthutan siya ng pera at paglabasan ng pagkalalaki, hindi niya pa rin makita ang dahilan para siya’y muling magmahal.
Sandamakmak na lalaki man ang gusto siyang ligawan na pumupunta pa sa kanilang bahay at nakikipag-usap sa kaniyang ama, ni isa sa mga ito, wala siyang sinagot.
Ngunit, tila ba nabura lahat ng kinatatakutan niyang ito nang makilala niya sa social media ang isang lalaki na taga dulong bahagi ng bansa.
Bukod kasi na napakagwapo nito, nakakatuwa pa itong kausap. Kahit na kakilala lang nila, pakiramdam niyang matagal na niya itong kakilala dahil nagagawa nitong siya’y pasiyahin kahit sa napakasimpleng paraan.
“Nababaliw na yata ako!” kinikilig-kilig niyang sigaw habang binabasa ang mga matatamis na mensahe sa kaniya ng binata.
“Lalaki na naman? Baka mamaya, pera lang din ang habol sa’yo niyan, ha? Tandaan mo, wala ka nang trabaho ngayon, saan ka kukuha ng pera para ibigay d’yan?” saway ng kaniyang ama nang siya’y marinig.
“Papa naman! Iba ‘tong si Ken, hindi man siya kayamanan, pero marunong dumiskarte!” depensa niya rito.
Nagtuloy-tuloy pa ang pag-uusap nila ng naturang binata. Minsan pa nga, inaabot sila ng madaling araw sa kakakwentuhan tungkol sa kanilang pagkabata, mga kalokohang ginagawa at mga pangarap na naging rason para tuluyang mahulog ang loob niya rito.
“Ibigay mo nga sa akin ang address mo, pupuntahan kita!” bigla niyang sabi rito.
“Hoy, nasa Maynila ka, habang ako narito sa Zamboanga! Ang layo ng lalakbayin mo kung sakali! Kailangan mo pang mag-eroplano!” tugon nito.
“Ayaw mo ba? Siguro hindi ka talaga seryoso sa akin, ano?” pagtatampo niya rito.
“Seryoso ako! Iniisip ko lang ang pagod na mararanasan mo at ang magagastos mong pera!” katwiran nito.
“Huwag mo nang isipin ‘yon! Ako’ng bahala!” sambit niya pa dahilan para mapilitan ang binatang ibigay sa kaniya ang hinihiling niyang impormasyon.
Kaya lang, pagtingin niya sa bank account niya, isang libong piso na lang pala ang naroon at dahil nga sa sobra niyang kagustuhan na makita ang binata, naisip niyang mangupit ng sampung libo sa ipon ng ama na nasa damitan lamang nito. “Pasensya ka na, papa, nababaliw na naman sa lalaki ang anak mo,” patawa-tawa niyang sabi habang nagmamadaling ikubli ang pera sa kaniyang bulsa at agad na bumili ng ticket patungong Zamboanga.
Kinabukasan, madaling araw pa lang, umalis na siya sa kanilang bahay. Hindi na siya nagpaalam sa amang mahimbing na natutulog dahil alam niyang pipigilan at sesermunan lang siya nito.
Ilang oras pa ang lumipas, tuluyan na nga siyang nakasakay ng eroplano. Buong akala niya, makakapagpahinga siya sa biyahe ngunit hindi pala.
Isang matandang kwento nang kwento ang nakatabi niya. Kinukwento nito ang mga napagdaang problema at tagumpay, tuwing nakikita pa nitong napapapikit siya o inaantok, bahagya siya nitong tinatapik sa kamay dahilan para walang siyang ibang magawa kung hindi ang pakinggan ito.
“Tiisin mo na lang, Antonia, sasaya ka rin ‘pag nakita mo na si Ken!” sabi niya na lang sa sarili.
Ngunit habang nagkukwento ang matanda, bigla siyang tinanong nito.
“Isa ka bang mabuting anak?” tanong nito na ikinabigla niya, tumango lang siya upang matapos ang usapan, “Siguraduhin mo lang, ha? Kasi nakakalungkot sa’ming mga magulang kapag naging suwail ang anak namin kahit ginagawa naman namin ang lahat para ibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga anak namin,” dagdag pa nito saka tumahimik.
Nakita niyang nangingilid na ang mga luha nito kaya siya naman ang nang-usisa rito.
“May problema po ba kayo?” tanong niya rito.
“Buong buhay ko, nagtrabaho ako para palakihin sila nang maayos pero ngayon, ninakaw nila ang lahat ng ari-arian ko. Wala akong magawa kaya naisip ko na lang na magpakalayo-layo,” kwento nito na talagang bumiyak sa puso niya.
Doon niya naisip ang ginawa niyang pangungupit sa ama. Napagtanto niyang maling-mali ito dahil simula nang isilang siya sa mundong ito hanggang ngayong wala siyang trabaho, nagpapakahirap ang ama niya upang siya’y itaguyod.
Ilang minuto pa, tuluyan na silang nakarating sa Zamboanga. Hinatid niya ang matanda sa sasakyang naghihintay dito saka siya nagdesisyong bumalik na agad ng Maynila.
“Hindi ko na dapat ituloy ang kahibangang ito,” sabi niya sa sarili saka agad na nag-book ng flight pauwi.
Pagkauwi niya, agad niyang binalik ang natitirang pera. Saka siya agad na nagdesisyong maghanap ng trabaho upang mabayaran ito.
Hindi man natuloy ang masayang relasyong mayroon sila ng binata, alam naman niyang tama ang ginagawa niya.
Paglipas ng halos isang buwan, umamin siya sa ama sa kasalanang ginawa kasabay ng pagbabayad niya sa perang kinupit niya at siya’y labis na natuwa dahil imbes na siya’y kagalitan nito, niyakap pa siya nito at sinabing, “Salamat, anak, hindi mo ako binigo.”