Habang Nagba-basketbol ay Natuwa ang ang Binatilyo sa Suporta ng Kaniyang Lolo; Bakit Siya Napaiyak nang Iuwi Niya sa Bahay ang Tropeyo?

Matapos kumain ng hapunan ay madaling-madaling nag-imis ng kinainan si JC. Napag-usapan kasi nilang magkakaibigan na dadayo sila sa kabilang baranggay para makipaglaro ng basketbol.

“Bakit ba madaling-madali ka?” naulinigan niyang tanong ng kaniyang Lolo Renato.

“‘Lo, magba-basketbol kasi kami,” sagot niya habang naghuhugas ng kinainan nila. 

Ilang segundo itong natahimik bago muling nagsalita.

“Lalabas ka? Hindi ba’t manonood dapat tayo nung bagong pelikula sa Netflix?” usisa nito,

Napahinto si JC bago napatampal sa noo.

“Naku! Oo nga po pala! Nawaglit sa isip ko!”

Sandali siyang nag-isip bago muling bumaling dito.

Advertisement

“‘Lo, sige, sa susunod na lang ako maglalaro. Nood na lang tayo,” nakangiti niyang wika.

Natatawang umiling lamang ito.

“Hindi na. Alam ko naman na gustong-gusto mo ang pagba-basketbol. Mag-enjoy ka! Sa susunod na lang tayo manood,” pagpaparaya nito.

Matapos punasan ang basa niyang kamay ay malambing na niyakap ni JC ang kaniyang Lolo. Ito na yata ang pinakamabait at pinakamaunawain na tao sa buong mundo.

Maraming nagsasabi na malas daw siya dahil wala siyang magulang at lumaki siya sa poder ng kaniyang Lolo. Ngunit hindi totoo iyon. Napakapalad niya. Mahal na mahal siya ng kaniyang Lolo at itinaguyod siya nito. Kaya naman mahal na mahal niya rin ang kaniyang Lolo Renato.

“Ang batang ito talaga! Sige na, humayo ka na’t bago mahuli ka pa sa laban niyo,” marahang taboy nito sa kaniya.

Suot ang kaniyang mamahaling sapatos na regalo rin ng kaniyang Lolo ay nakangiti siyang umalis ng bahay. Kumaway pa siya sa matanda bago siya tuluyang sumakay ng traysikel.

Nang makarating sila sa kabilang baranggay, ilang minuto na lang ay magsisimula na ang laro.

Advertisement

Mahigpit ang laban. Isang puntos ang lamang ng kalaban.

Sa huling tatlumpung segundo ng laro ay hawak-hawak ni JC ang bola. Ang malakas na kabog ng dibdib niya ay sumasabay sa malakas na hiyawan ng mga tao.

Labis ang kaba ni JC. Sa kamay niya ba naman nakasalalay ang pagkapanalo o pagkatalo ng koponan nila.

Ngunit nang mapalingon siya sa mga taong nanonood ay tila nabuhayan siya ng loob. Isang pamilyar na mukha kasi ang nasilayan niya. Ang kaniyang Lolo Renato.

May sinasabi ito. Sa buka ng bibig nito ay nahinuha niya ang nais nitong iparating.

“Kaya mo ‘yan, apo!”

Iyon din ang madalas niyang marinig mula sa matanda sa t’wing nagdududa siya sa kaniyang sarili.

Tumingin siya sa oras. Labinlimang segundo na lang.

Advertisement

Nginitian niya ang kaniyang Lolo at bago niya sinubukang ipasok ang bola sa ring.

Pasok!

Nang pumasok ang bola ay lalong lumakas ang hiyawan. Nanalo ang grupo nila!

Nilingon ni JC ang kaniyang Lolo Renato. Ngunit wala na ito sa kinatatayuan nito kanina. Lalapit sana siya ngunit nakalapit na ang kaniyang mga kagrupo at tuwang-tuwa siyang iniangat ng mga ito sa ere.

Nang makuha ni JC ang tropeyo niya bilang MVP ay agad na hinanap ng mata niya ang kaniyang Lolo. Ngunit nasuyod na niya ng tingin ang buong court ay wala ito. 

“Baka naman namalikmata ka lang, pare. Wala naman sinabi ang Lolo mo na manonood siya, hindi ba? Saka baka kamukha lang,” wika ng ka-team niya na si Mac.

Umiling si JC. Alam niya na imposible iyon. Hindi siya maaring magkamali. Kahit kasi nakatalikod ay kilala niya ang kaniyang Lolo. At alam niya na ito ang nakita niya kanina.

“Baka nauna nang umuwi,” sabi naman ng kanilang coach.

Advertisement

“Kung nag-aalala ka, JC, pwede naman na bukas na lang tayo mag-celebrate. Umuwi ka na muna. Alam ko na gusto mo ring ibalita sa Lolo mo na ikaw ang MVP,” nakangiting payo nito.

Iyon nga ang ginawa ni JC. Dumiretso siya pauwi.

Mahigpit ang kapit niya sa hawak niyang tropeyo. Tila nakikinita niya na nga ang masayang ngiti at malakas na halakhak ng kaniyang Lolo.

Nagtaka si JC nang makitang madilim ang buong kabahayan.

“Lumabas nga kaya si Lolo?” nagtatakang bulong niya.

Ngunit nang buksan niya ang ilaw ay nagimbal siya sa nakita.

Nakabulagta sa sahig ang kaniyang Lolo. Taranta niyang nilapitan ito at pinulsuhan. Wala siyang maramdaman.

Nanginginig na tumawag siya ng ambulansya. Habang papunta sa ospital ay hindi tumigil si JC sa pag-usal ng panalangin. Hiling niya na sana ay makaligtas ang kaniyang Lolo.

Advertisement

Ngunit hindi dininig ang panalangin niya. Gumuho ang mundo niya nang marinig ang sinabi ng doktor.

“Hindi na namin nailigtas ang Lolo mo. Inatake siya sa puso. Nasa dalawang oras na siyang pat*y nang maisugod siya rito…” malungkot na pagbabalita ng doktor.

Tumatangis na napaluhod siya sa tabi ng kaniyang Lolo na wala nang buhay.

Tila kidlat na bumalik sa alaala niya ang huling beses na nakita niya ito. Kanina, habang naglalaro siya ng basketbol ay nagpakita ito. Hindi niya inakala na kaluluwa na lamang pala nito ang nakita niya.

Naalala niya ang sinabi nito. “Kaya mo ‘yan!”

Lalo lamang bumuhos ang luha ni JC. Hanggang sa huling pagkakataon kasi ay ito pinili nito na makita siya. Sayang at wala siya sa mga huling sandali ng kaniyang minamahal na Lolo.

“Kakayanin ko na wala ka, Lolo. Pinalaki mo kasi ako na matibay ang loob. Mahal na mahal kita. Hanggang sa muli nating pagkikita,” garalgal na bulong niya sa nakahimlay na matanda.

Alam niya na kahit wala na ang kaniyang Lolo ay parati lamang itong nakasubaybay sa kaniya. Marahil ay hindi niya na makikita pa ang masaya nitong ngiti, ngunit patuloy niyang mararamdaman ang pagmamahal ng kaniyang pinakamamahal na Lolo.