Labis ang Disgusto ng Ginang sa Kaniyang Mahirap na Manugang; Hindi Niya Tuloy Maiwasang Ikumpara Ito sa Iba

Labis ang Disgusto ng Ginang sa Kaniyang Mahirap na Manugang; Hindi Niya Tuloy Maiwasang Ikumpara Ito sa Iba

HeartbreakingKarmaStories

“Wala na ba talagang ilalaki ‘tong bahay niyo? Aba’y napakaliit!” 

Pagkapasok pa lamang ni Adelfa sa bahay na tinutuluyan ng bunsong anak at asawa nito ay reklamo na agad ang lumabas sa bibig niya. 

Nilibot niya ang tingid sa kabuuan ng bahay na bagama’t may maliit na kusina, dalawang kwarto at maliit na banyo naman ay hindi pa rin nakapasa sa kaniyang mataas na pamantayan.

“Pansamantala lang naman ito, Mama. Pinag-iipunan na ulit naming mag-asawa para mapalaki pa ito nang kaunti. Medyo nabawasan kasi ang ipon namin dahil sa kasal,” katwiran ng anak niya na si Genevieve.

Napangiwi siya sa narinig. 

“E kung nakinig ka sa akin noon na ‘wag nang tumuloy sa kasal niyo ni Mario, e ‘di sana nakatira ka na mansiyon ngayon kagaya ng Ate Jennifer mo. Napakaraming nagkakandarapa sa’yong mas may itsura at mas maraming pera noong dalaga ka pa!” sikmat niya sa anak. 

“‘Ma naman! Ang tagal-tagal na, pero isyu pa rin natin ‘to hanggang ngayon? Hindi naman ako nagsisisi na pinakasalan ko ang asawa ko. Hindi man po kasing ganda ng buhay ni Ate ang buhay ko ngayon, masaya naman kaming mag-asawa sa pagsasama namin,” pagtatanggol nito sa kabiyak. 

Magsasalita pa sana siya nang biglang bumukas ang pintuan. Iniluwa noon ang manugang niya na si Mario. Bakas ang matinding pagod sa mukha nito. 

Nang makita siya nito ay agad naman nitong inabot ang kamay niya para magmano. 

Pigil niya ang mapairap nang marinig ang pasimpleng lambingan ng mag-asawa. 

“Sigurado akong gutom ka na. Halika’t ipaghahain muna kita,” ani Genevieve. 

May matamis na ngiting sumilay sa labi ng manugang niya. 

“Salamat, mahal. Mamaya, ako na ang bahala sa mga kinainan natin,” sagot naman ng lalaki. 

Bumaling ito sa kaniya. “‘Ma, kain po tayo,” magalang na alok nito. 

Malamig na umiling siya. Hindi naman ito sumagot at yumuko lamang na tila ba napahiya. 

Aba’y dapat lang itong mahiya! Ni hindi nito mabigyan ng marangyang buhay ang anak niya. 

Isa pa, simula pa noon ay wala na talaga siyang kaamor-amor sa manugang. Mataas kasi ang pangarap niya para sa mga anak, lalong-lalo na sa bunsong si Genevieve. Ang gusto niya ay makapangasawa ito ng lalaking disente. Iyon bang mayaman, gwapo at edukado. Iyong hindi nalalayo ang antas sa anak niya. 

Ngunit lahat ng katangian na hinahanap niya ay wala kay Mario. 

Hindi ito gwapo, hindi nakatapos ng kolehiyo sa kilalang unibersidad at hindi kalakihan ang sweldo. Ngunit wala rin naman siyang magawa dahil gustong-gusto ito ni Genevieve. 

Ang konsolasyon niya na lang ay nakinig sa kaniya ang panganay na si Jennifer. Nakapag-asawa ito ng isang mayamang negosyante kaya naman marangya ang pamumuhay nito ngayon. 

“Uuwi na ako,” malamig niyang paalam sa mag-asawa. 

Agad na tumayo sa hapag ang dalawa. Nag-alok pa si Mario na ihatid siya sa sakayan nugnit mabilis niyang iwinasiwas ang kamay. 

“Hindi na. Mauuna na ako.”

Patalikod na sana siya nang may maalala. 

Siya nga pala pupunta ako sa bahay ng Ate Jennifer mo bukas. Gusto mo bang sumama?” tanong niya sa anak. 

Agad na kumunot ang noo nito bago nagtanong. 

“Akala ko ba bawal magpunta basta-basta sa kanila? Pumayag po ba siya?” takang usisa nito. 

“Naku, sinasabi niya lang ‘yun. Kapag naroon na ako, wala na siyang magagawa kundi papasukin ako. Susurpresahin ko na lang,” nakangising pahayag niya. 

“Sumama ka bukas, ha? Para naman makita mo kung gaano kalayo ang buhay niyong mag-ate,” patutsada niya. 

Kinabukasan ay magkasama silang mag-nanay na nagpunta sa subdibisyon kung saan nakatira si Jennifer.

Kagaya ng inaasahan, mahigpit nga ang seguridad ngunit nang makumpirmang pamilya sila ng may-ari ay pinatuloy rin sila sa loob ng tahanan. 

Hindi mapigilan ni Adelfa na mamangha habang nililibot niya ang tingin sa kabuuan ng bahay na tanging sa litrato niya pa lang noon nakita. 

Bumulong siya kay Genevieve. 

“Ang laki laki naman pala! Kita mo na ang sinayang mo, Genevieve?” 

Sasagot pa sana ngunit namataan niya na si Robert, ang asawa ni Jennifer. 

“‘Ma! Nandito pala kayo! Hindi nagsabi si Jennifer na darating kayo ngayon,” gulat na komento ng lalaki nang makita sila. 

Nang pumasok sila sa kusina ay naabutan nila ang pamilya ni Robert na nagkakasayahan habang kumakain ng hapunan. 

“Birthday po kasi ng kapatid ko kaya nagdiriwang kami,” paliwanag nito. 

Tumingin siya sa paligid at hinanap ang anak na sadya. Napansin iyon ng lalaki kaya tinuro nito ang isang panig ng kusina. 

Ngunit nang mabistahan niya ang anak ay agad siyang binalot ng pagtataka at pag-aalala. Nakasuot ito ng pambahay na damit, magulo ang buhok at halos nanlilimahid sa pawis. Malayong-malayo ito sa maganda nitong itsura. 

Abala ito sa paghuhugas ng gabundok na mga pinggan at kaserola. 

“Jennifer? Bakit ikaw ang gumagawa niyan?” gulat na tanong niya.

Gulat itong lumingon at sa unang pagkakataon ay kita niya ang matinding pagbabago sa mukha nito. Halatang-halata ang pagod nito sa kaliwa’t kanang pagtatrabaho sa loob ng bahay. 

“‘Ma? Genevieve? Bakit kayo nandito?” tila hindi makapaniwalang usisa nito. 

Hindi siya nagsalita. Nilapitan niya ang anak at tiningnan ang kamay nitong lapnos na lapnos na. 

Nangilid ang kaniyang luha at agad na inagaw rito ang mga plato. 

“Anong nangyari, anak? Bakit mukhang pagod na pagod ka? Inutusan ka ba nilang gawin ‘to?” sunod-sunod niyang tanong. Nakaramdam ng matinding awa si Adelfa para sa anak.

Marahan itong tumango. 

“Opo, sabi nila Mama dapat matuto akong gumawa ng mga gawaing bahay kaya tinanggal nila ang lahat ng kasambahay. Ako po ang gumagawa ng lahat ng gawaing bahay dito kaya hindi na ako nakakapagpahinga nang maayos,” kwento nito, na lalo lamang dahilan para mahabag siya sa anak

Bilang ina, wala nang mas sasakit pa maliban sa malaman kung gaano kahirap ang dinadanas ng anak na pinalaki at inalagaan niya. 

“Bakit hindi ka nagsabi sa akin? Asawa ka niya, hindi katulong. Hindi ka niya dapat tinatrato nang ganito!” aniya. 

Muling tumulo ang luha ni Jennifer.

“Gusto ko sanang sabihin sa inyo, pero sa tuwing tatawag kasi ako, lagi niyong sinasabi kung gaano ako kasuwerte na napangasawa ko siya. Hindi ko magawang magreklamo,” katwiran ni Jennifer. 

Inatake siya ng matinding pagsisisi. Kung ganoon, kasalanan niya pala kung bakit ito nangyari sa anak. Nagpakain siya sa kagustuhan na makapag-asawa ang mga anak ayon sa kaniyang kwalipikasyon at binalewala ang iba pang katangian.

Mas pinaboran niya pa ang pabayang si Robert kaysa kay Mario na tunay na mahal si Genevieve. 

“Halika na’t umuwi sa bahay para makapagpahinga ka,” yaya niya sa anak, na sinang-ayunan lang nito. 

Bago sila umalis ay nakarinig si Robert ng matinding sermon. 

Nang araw na iyon ay natutunan ni Adelfa na may mas mahalaga pa bukod sa diploma, pera at hitsura—pagmamahal at respeto!

More Stories