
Inakit Niya ang Kaklase Upang Gawin ang Parte Niya sa Thesis; Makapasa nga Kaya Siya Katulad Nito?
Alam ni Kriza sa sarili niyang mahina ang kaniyang utak pagdating sa mga akademikong gawain sa kanilang paaralan. Imbes na magpursigi upang magkalaman-laman man lang ang kaniyang utak, tinatamad pa siyang mag-aral o kahit magbasa ng kahit anong akda o libro na makakatulong sa pagpapatalas ng kaniyang pag-iisip.
Tinuturing nga ng iba na milagroso ang pagpasa niya sa tatatlong taon sa kolehiyo dahil ni hindi siya marunong gumamit ng lengguwaheng Ingles o kaya’y magpaliwanag ng isang paksa sa kursong kinuha niya.
Nagawa niyang makapasa at makatungtong sa huling taon sa kolehiyo nang dahil sa pangongopya at pag-asa sa kaniyang mga kamag-aral.
Bawat mayroon silang pagsusulit, tumatabi siya sa mga matatalino niyang kaklase na kayang-kaya niyang utuin at kapag may pangkatang gawain naman, sa mga kaklase niyang ito rin siya sumama upang tumaas din ang kaniyang marka.
Kaya naman, ngayong kailangan na nilang gumawa ng thesis, ginawa niya ang lahat upang maging kagrupo niya ang dalawa sa pinakamatalinong estudyante sa kanilang klase.
Labis pa siyang natuwa nang malaman niyang ang isa sa mga binatang ito ay may gusto sa kaniya dahilan para ganoon na lang niya ito landiin upang tuluyan siya nitong kuhain bilang kagrupo.
“Nathan, kapag kinuha mo akong kagrupo, pupwede tayong magkasama kahit buong magdamag. Ayaw mo ba no’n?” pang-uuto niya rito saka siya naupo sa lamesang nasa harapan nito.
“Syempre, gusto ko. Kaya nga kukuhanin na kitang kagrupo, eh!” sambit nito na talagang ikinapalakpak ng tainga niya.
“Talaga? Naku, magiging masaya ‘to! Malay mo, baka tayo talaga ang para sa isa’t-isa!” sabi niya pa saka hinimas-himas ang ulo nito.
Katulad ng gusto niya, siya nga ay kinuha bilang kagrupo ng binata at tila nagpaka-prinsesa sa kanilang akademikong gawain.
Kahit na nakikita niyang abala na ang dalawa niyang kaklase sa paggawa ng thesis, panay pa rin ang pagbababad niya sa social media at sa tuwing siya’y pinagsasabihan ng isa pa nilang kagrupong dalaga, palagi niyang sagot, “Kaya niyo na ‘yan! Magluluto na lang ako ng meryenda niyo!”
Kapag naman ang binatang si Nathan na ang nakiusap sa kaniyang tumulong, hihimas-himasin niya lang ang balikat o ulo nito saka sasabihing, “Hindi ko kaya, Nathan, eh, pwede bang iba na lang ang gawin ko?” saka siya tititig sa ibabang bahagi ng katawan nito dahilan para ito’y palaging mamula at mapalunok sa harapan niya.
Upang pigilan ang tukso, minamabuti na lang ng binata na siya’y hayaang gawin kung ano ang gusto niya. Natapos ang akademikong gawain nilang iyon nang wala man lang siyang naiambag kahit na isang salita. Kampante pa siyang humarap sa kanilang mga propesor nang kanila na itong dedepensahan sa mga ito.
Ni katiting na kaba, wala siyang nararamdaman dahil alam niyang kahit wala siyang sabihin, madadala ng dalawa niyang kagrupo na parehong matalino ang thesis nila.
Ngunit tila siya’y nagkamali dahil pagkapasok pa lang nila sa silid kung nasaan ang kanilang mga propesor, siya ang gustong mag-report ng mga ito.
“Ay, bakit po ako? Silang dalawa po ang matalino rito,” gulat at kabado niyang tanong.
“Ayon na nga, hija, eh, gusto naming malaman kung may naitulong ka pa sa kanila,” paliwanag ng kanilang guro dahilan para siya’y mapalunok sa takot.
“Hi-hindi naman po yata ito tama. Baka pupwede pong sila na lang ang magpaliwanag sa inyo ng thesis namin,” pakiusap niya na ikinataas ng kilay nito.
“Teka, huwag mo sabihing wala kang naitulong sa kanila?” tanong nito.
“Mayroon naman po, ma’am. Siya po ang bumibili o nagluluto ng meryenda namin. Bukod pa po roon, siya rin po ang nagpapainit sa katawan ni Nathan,” sabat ng dalaga niyang kagrupo na ikinailing niya.
“Sinasabi ko na nga ba, eh! Pasensya ka na, Ms. Kriza, hindi maaari itong ginagawa mo. Hindi ko hahayaang makapagtapos ka nang wala kang natututuhan! Lumabas ka na, at kayong dalawa, ipaliwanag niyo sa amin ang thesis niyo,” galit na sabi ng kanilang guro saka siya sapilitang pinalabas ng silid.
Wala siyang ibang nagawa noong mga oras na ‘yon kung hindi ang maiyak at magsisi. Pilit man siyang nakiusap sa propesor niyang iyon na hayaan siyang makapagtapos kahit pasang awa ang grado niya, hindi ito pumayag.
“Kailangan mong matutuhang hindi lahat ng bagay, madadaan mo sa pag-asa sa iba!” sigaw nito sa kaniya. Katulad nga ng sabi ng propesor niya, hindi nga siya nakapagtapos ng pag-aaral noong taong iyon kasabay ng kaniyang mga kamag-aral.
Sising-sisi man siya at hiyang-hiya sa nangyari sa kaniya, nagbigay ito nang determinasyon sa kaniya na mag-aral nang mabuti.
Kaya naman, nang muling magbukas ang paaralan para sa panibagong semestre, agad siyang nag-enrol at gumawa ng kaniyang thesis katuwang ang ilang estudyanteng bago niyang kakilala.
Nagsunog talaga siya ng kilay upang mapaganda ang presentasyon at resulta ng kanilang pag-aaral. Maraming gabing wala siyang tulog at maraming oras ng pagkain ang kaniyang nalalagpasan pero lahat iyon ay naging punla para sa kaniyang tagumpay.
Ang dating propesor na galit na galit na sa ginawa niyang pagpapabigat sa matatalino niyang kaklase noon, tuwang-tuwa na ngayon sa pagbabago at talas ng kaniyang pag-iisip.
“Kayo ang may pinakamagandang kalidad ng thesis ngayong taon. Mukhang ginalingan mo talaga, Ms. Kriza, ha?” nakangiting sabi nito na talagang ikinataba ng kaniyang puso.
Ito na ang naging dahilan para makamit na niya ang matagal na niyang hinahangad na diploma. Napag-iwanan man siya ng mga kaklase, taos puso pa rin ang sayang nararamdaman niya dahil ngayon, ang diplomang hawak niya ay totoong pinaghirapan niya.