
Ayaw Niyang Ipakasal ang Anak sa Lalaking Nakabuntis Dito, Nadurog ang Puso Niya nang Marinig ang Saloobin ng Anak
Labis na pinagkakaingatan ng padre de pamilyang si Ruben ang bunso niyang anak na babae. Kung ang tatlo niyang nakatatandang anak na lalaki ay pinasok niya sa pampublikong paaralan, ang bunso niyang ito ay pinursigi niyang maipasok sa pribadong paaralan upang kaniyang mabantayan at magkaroon ng magandang kalidad na edukasyon.
Simula kinder hanggang makatuntong ito sa kolehiyo, bantay sarado niya ang anak niyang ito. Hinahatid niya ito sa paaralan tuwing umaga bago siya pumasok sa trabaho at susunduin sa hapon kahit pa pagod na siya sa maghapong trabaho.
Ang lahat ng ginawa niyang ito ay tila nasayang nang malaman niyang nagdadalantao ang anak niyang ito sa edad na labing walang taong gulang na talagang ikinadurog ng puso niya.
“May nobyo ka, anak? Bakit hindi mo sinasabi sa akin?” tanong niya rito habang pinipigil ang paninikip ng dibdib niya.
“Pasensya na po kayo, papa. Magagalit po kasi kayo kapag nalaman niyong may nobyo ako. Hindi ko naman po alam na madidisgrasya niya ako,” iyak nito na lalong ikinaguho ng mundo niya.
Ngunit dahil nga unica hija niya ang dalaga, kahit pa masama ang loob niya rito, hindi niya pa rin ito pinabayaan. Sa tulong ng kaniyang asawa, matigaya nilang inalagaan ang anak nilang ito hanggang sa magbigay buhay ito sa isang malusog na sanggol.
Tila napawi ang sama ng loob niya nang makita niya ang unang apo niya sa kaniyang mga anak.
“Hindi ko lubos akalaing ang bunso pa natin ang unang makapagbibigay ng apo sa atin,” buntong-hininga niya habang pinagmamasdan ang sanggol na yakap ng anak nilang mahimbing ang tulog.
“Oo nga, eh, anong balak natin, mahal? Ipakasal na kaya natin siya sa nobyo niya para magsama na sila at makapagtulungan silang dalawa?” tanong ng kaniyang asawa na agad na nagpainit sa ulo niya.
“Nahihibang ka na ba? Ipapakasal mo ang anak natin sa taong sumira ng buhay niya?” inis niyang sagot dito.
“Ano palang dapat gawin? Hahayaan na lang natin na mabuhay nang walang ama ang batang ‘yan? Tiyak, mahihirapan ang anak natin no’n!” paliwanag pa nito na lalo niyang ikinainis.
“Hindi siya mahihirapan! Tutulungan ko siya! Huwag lang siyang maikasal sa binatang iyon! Hinding-hindi ko matatanggap sa pamilya natin ang taong ‘yon!” sigaw niya sa asawa saka agad itong iniwan sa naturang silid.
Pagkalabas niya ng silid ng anak, nabigla siya nang makitang naroon pala ang naturang binata. Maluha-luha ang mga mata nito habang nakatingin sa kawalan.
“Kahit anong gawin mo, hindi ko ipapakasal sa’yo ang anak ko!” sigaw niya pa rito saka ito inambaan ng suntok.
Sa sobrang inis niya nang araw na ‘yon, minabuti niyang magpunta sa pinakamalapit na bar at doon nagpalipas ng sama ng loob. Habang umiinom mag-isa, hindi niya naiwasang hindi maisip ang buhay na mayroon na ngayon ang kaniyang pinakamamahal na anak.
“Wala naman akong pagkukulang sa’yo, anak, bakit mo ‘to nagawa kay papa?” mangiyakngiyak niyang tanong sa litrato ng kaniyang anak na nasa kaniyang pitaka.
Wala siyang ginawa buong gabi kung hindi ang uminom at umiyak. Nang maramdaman na niyang anumang oras ay babagsak na siya, agad na siyang nagtawag ng tricycle at siya’y nagpadala sa ospital kung nasaan ang kaniyang mag-ina. Pagkarating niya roon, agad na rin siyang nakatulog sa tabi ng kaniyang asawa.
Kinaumagahan, nagising siya sa hikbi ng kaniyang anak. Karga nito ang kaniyang apo habang kinakausap.
“Paano na tayo niyan, baby? Mukhang hindi natin makakasama ang daddy mo. Pasensya ka na, ha, wala pang kontrol ang mommy sa buhay niya. Ayoko mang lumaki ka nang walang kinikilalang daddy, pero wala kasi akong magawa, anak. Patawarin mo ako, anak. Ikaw ang maghihirap sa kamaliang ginawa ko,” sabi nito saka umiyak nang walang tunog para hindi sila magising mag-asawa.
Habang pinakikinggan niya ito, tila sinasaks*k ang puso niya sa sakit na nararamdaman niya. Ayaw niyang lalong magkaloko-loko ang buhay ng kaniyang anak pero ayaw niya rin namang mabuhay ito nang malungkot dahil sa kagustuhan niya.
“Kung gagabayan naman natin siyang mabuti, tiyak, magiging maganda ang buhay niya kahit napaaga ang pag-aasawa niya. Tayo ang kailangan ng anak natin ngayon. Kaya dapat, hindi tayo ang nagbibigay paghihirap sa kaniya,” bulong ng kaniyang asawa na umiiyak na rin pala sa tabi niya.
Hindi na siya nakapagtimpi at agad na siyang bumangon upang yakapin ang anak na hanggang ngayon ay taimtim na umiiyak.
“Papa…” tangi nitong sambit.
“Naiintindihan kita, hayaan mo akong tulungan ka, ha? Tatanggapin ko ang nobyo mo, basta ipangako mong tatapusin mo muna ang pag-aaral mo bago ka ikasal, ha?” mangiyakngiyak niyang sabi rito na agad nitong sinang-ayunan at iniyakan dahil sa tuwa.
Pinagpatuloy nga ng kaniyang anak ang pag-aaral nang manumbalik na ang lakas nito. Habang sila ng nobyo ng kaniyang anak ay nagtayo ng isang tindahang ng mga imported na damit at ang bata nama’y alaga ng kaniyang asawa.
Paglipas pa ng ilang taon, tuluyan nang nakapagtapos ang kaniyang anak. Walang humpay ang pagtulo ng luha niya nang malaman niyang nagtamo pa ito ng mataas na karangalan sa pagtatapos nito.
“Tito, ngayong nakapagtapos na po ang anak niyo at maganda naman po ang takbo ng negosyo natin, pupwede ko na po ba siyang pakasalan?” tanong sa kaniya ng nobyo ng kaniyang anak, pagkatapos nilang dumalo sa pagtatapos nito.
“Basta, aalagaan mo sila ng baby niyo habambuhay, ha?” sagot niya na talagang ikinalaki ng mata ng kaniyang anak.
“Opo!” masaya nitong sagot habang tumatalon-talon pa.
Ilang buwan lang ang binilang at nagpakasal na nga ang kaniyang bunsong anak. Mahirap man para sa kaniya na tanggapin na ang paborito niyang anak ay may sarili nang pamilya, pinangako niya naman sa sariling habang siya’y nabubuhay, hinding-hindi niya ito papabayaan kahit mayroon na itong pamilya.