
Siya lang ang Walang Naiuwing Medalya para sa Kanilang mga Magulang; Sa Pagpupursigi Niyang Makapag-uwi Nito, Disgrasya ang Inabot Niya
Sa pitong magkakapatid, ang gitnang anak na si Kenan lang ang wala ni isang medalyang naibigay sa kaniyang mga magulang simula nang siya’y mag-aral. Puro test paper na punong-puno ng pulang ballpen at markang bokya ang madalas niyang naipapakita sa kaniyang mga magulang.
Hindi man siya kinagagalitan ng mga ito o kinukumpara sa mga kapatid niyang sandamakmak ang naiuuwing medalya dahil sa angking katalinuhan, hindi niya pa rin maiwasang hindi makonsensya at maawa sa kaniyang sarili kapag nagkukwentuhan na silang mga kapatid tungkol sa mga parangal na kanilang naiuuwi sa kanilang bahay.
“Ako nga noong nagtapos ako ng kolehiyo, si mama at papa na lang ang sumuko sa kakaakyat sa entablado para suotan ako ng medalya, eh!” pagmamalaki ng panganay niyang kapatid habang nasandok ng pagkaing nakalatag sa lamesang nasa harapan nila.
“Noong ako nga ang nagtapos, hindi na kami bumabang tatlo sa entablado dahil lahat ng medalya no’n, hinakot ko!” segunda ng pangalawa niyang nakatatandang kapatid na bahagya niyang ikinabuntong-hininga. Aalis na sana siya sa lamesang kanilang pinagtutumpukang magkakapatid nang bigla naman siyang mapansin ng kanilang bunso.
“Kumusta naman kaya si Kuya Kenan?” patawa-tawa tanong nito na ikinakamot niya ng ulo.
“Hoy, bunso! Akala mo ba madali lang kumuha ng medalya? Huwag mo ngang minamaliit ang Kuya Kenan mo! Malay mo, sa ibang larangan siya makakuha ng medalya!” pagtatanggol ng kaniyang ina na lalong ikinatawa nito.
“Saang larangan po? Sa padamihang ng bokya sa test papers o sa pabilisang kumain ng spaghetti?” pabirong tanong pa nito na ikinatawa ng lahat.
“Ah, kinakana mo ako, ha? Yari ka sa akin, bunso, tumakbo ka na!” babala niya rito dahilan para mabilis itong tumakbo palayo.
Ginamit na niya ang oportunidad na ito upang makatakas sa usapang iyon. Kahit na alam niyang binibiro lang siya ng bunso niyang kapatid na wala pang sampung taong gulang, hindi niya pa rin maiwasang hindi malungkot.
Kaya naman, siya’y dali-daling nagkulong sa kaniyang silid at nag-isip kung saang larangan ba siya magaling. Doon niya napagtantong sa pagmamaneho ng motor siya magaling kaya siya’y agad na naghanap ng kompetisyong pupwede niyang salihan para makapag-ibigay kahit isang medalya sa kaniyang pamilya.
Tila umayon naman ang tadhana sa kaniya dahil may natagpuan siyang kompetisyon na gaganapin lang sa isang lugar malapit sa kanilang probinsya.
Labis siyang nakaramdam ng kasabikan nang makita ang kompetisyong ito dahilan para siya’y agad na magpasa ng aplikasyon at ihanda ang kaniyang sarili’t motorsiklo para rito.
Ilang araw pa ang lumipas, dumating na nga ang pinakahihintay niyang kompetisyon. Kabado man, isinantabi niya ang pakiramdam na ito at tinatak sa isipan na kailangan niyang makuha ang medalya’t perang papremyo upang may maipagmalaki na sa kaniyang pamilya.
Pagkaputok na pagkaputok ng baril bilang hudyat ng pagsisimula ng kompetisyon, agad niyang pinaharurot ang kaniyang motorsiklo. Kaya lang, nang makita niyang siya ang nangunguna, hindi niya nakontrol ang sayang naramdaman dahilan para mawalan siya ng balanse at konsentrasyon sa pagmamaneho. Dito na siya sumemplang at nabangga pa ng isang motorsiklong nasa likuran niya.
Pagkamulat ng kaniyang mga mata, siya’y nasa ospital na habang hawak-hawak ng kaniyang ina ang kaniyang kamay.
“Anak, bakit mo naman ‘yon ginawa? Bakit hindi ka nagpaalam muna sa amin? Paano na lang kung nawala ka na talaga? Tingin mo ba makakaya kong mawala ka?” iyak nito saka siya mariing na niyakap.
“Gusto ko lang naman pong makapagbigay ng medalya sa inyo. Nahihiya na po ako sa lahat dahil ako lang sa magkakapatid ang mahina ang utak,” hikbi niya.
“Anak, kahit ihalo ka sa sandamakmak na tao sa buong mundo, ikaw at ikaw pa rin ang hahanapin ko. Ikaw pa rin ang gugustuhin kong maging anak kahit pa wala kang medalyang maibigay sa akin. Niluwal kita hindi para bigyan mo ako ng medalya, kung hindi para mabuhay ka nang masaya at masagana sa kung anong mayroon ka,” paliwanag nito na talagang nagpataba ng puso niya dahilan para siya’y lalong maiyak.
Simula noon, ginawa na ng kaniyang mga kapatid at magulang ang lahat upang hindi siya makaramdam ng panliliit. Bagkus, siya’y sinama ng mga ito sa museo, silid-aklatan, at iba pang makabuluhang pasyalan upang madagdagan ang kaniyang kaalaman habang siya’y nagsasaya kapiling ng mga ito.
“Walang hanggang pasasalamat ang ibibigay ko sa inyong lahat habang nabubuhay ako,” sabi niya sa kanilang buong pamilya nang sila’y salu-salong kumain sa isang restawran.
“Pamilya tayo, eh, dapat lang talagang tulungan at bigyan natin ng lakas ang isang miyembrong nanghihina. Pasensya ka na, kuya, sa mga biro ko, ha?” sabi ng kaniyang bunsong kapatid saka siya niyakap.