Palaging Pumapasok ang Mister ng Babae sa Bakanteng Kwarto Kaya Pinagbintangan Niya na Gumagawa Ito ng Kalokohan; Mali Pala ang Hinala Niya

Palaging Pumapasok ang Mister ng Babae sa Bakanteng Kwarto Kaya Pinagbintangan Niya na Gumagawa Ito ng Kalokohan; Mali Pala ang Hinala Niya

LoveMysteryStories

“Sweetheart, wala ka bang naaalala?” nakangiting tanong ni Jenet sa asawang si Vino.

Napakamot sa ulo ang lalaki.

“Bakit? Ano bang meron?” balik nitong tanong.

“Kunwari ka pa, eh. Alam ko namang alam mo ang tinutukoy ko,” hirit pa niya.

Pero wala talagang maisip ang mister.

“Ano ba kasi iyon, sweetheart? Sige, siret na.”

Napasimangot si Jenet sa tinuran ni Vino.

“Huwag na nga!” inis niyang sabi sabay padabog na pumunta sa kusina.

Imbes na suyuin siya ng mister ay nagpaaalam na ito na papasok na sa opisina.

“Naku, mahuhuli na pala ako! Baka hindi ako umabot sa oras, sige na sweetheart ha? Alis na ako!” nagmamadaling sabi ni Vino na sumakay na sa kotse.

Patuloy na nagngitngit ang damdamin ni Jenet, hindi man lng kasi siya hinalikan o niyakap man lang ng kanyang mister.

“Bwisit ka! Sa dami ng makakalimutan mo, ‘yun pang pinakamahalaga,” gigil niyang sabi sa sarili.

Sa sobrang inis niya ay buong araw tuloy na wala siyang gana. Imbes na maglilinis siya ng kanilang bahay sa araw na iyon ay tinamad siya. Mas pinili na lang niyang humiga sa kama at magahapong natulog.

Alas kuwatro na ng hapon siya nagising. Nakaramdam siya ng gutom, hindi pa nga pala siya nanananghalian.

Dahil malapit nang sumapit ang gabi ay naisipan niyang maghanda na ng hapunan nila. Habang nagluluto ay kumain muna siya ng tinapay at instant noodles para malamnan ang tiyan niya.

Alas siyete na ng gabi ngunit hindi pa rin umuuwi ang mister niya.

“Aba, bakit kaya wala pa ang kulokoy na iyon? Ganitong oras ay nandito na dapat siya, eh,” aniya sa isip.

Maya-maya ay dumating din ang kanina pa niya hinihintay.

“O, bakit ngayon ka lang?” tanong niya.

“Dami kasing trabaho sa opisina, medyo masakit nga ang ulo ko, eh. Hindi na ako kakain, ipapahinga ko na lang ito,” sabi ni Vino sa kanya na hindi na naman siya hinalikan o niyakap man lang.

Ngunit imbes na dumiretso sa kwarto nilang mag-asawa ay sa isang bakanteng kwarto ito pumasok. Ipinagtaka pa niya na naka-lock iyon sa loob.

Palaisipan na rin sa kanya kung bakit ilang araw nang doon nawiwiling matulog ang mister niya. Napaansin niya na hindi na sya nito tinatabihan sa kama.

“Ano kaya ang ginagawa ng lalaking iyon sa loob ng bakanteng kwarto? Tambakan na ng mga lumang gamit iyon, a!” sambit niya sa isip.

Biglang may kung anong pumasok sa isip niya.

“‘Di kaya may kausap siyang ibang babae sa loob ng kuwarto? Napapansin ko na palagi niyang dinadala roon ang selpon at laptop niya. Diyos ko, ‘di kaya may ka-video chat nang iba ang g*go kong asawa? Kaya doon sa bakanteng kwarto na iyon siya palaging natutulog ay may milagro silang ginagawa ng kabit niya?” hinala ni Jenet sa mister. “Kaya pala hindi mo maalala ang nalalapit na espesyal nating araw ay may iba kang kinakalantari, huwag na huwag ka lang magpapahuli sa akin,” saad pa niya.

Kaya ang inis na misis ay nag-imbestiga.

Isang gabi, tinabihan nga siya nito sa pagtulog ngunit nang magising siya ay wala na ito sa tabi niya.

“Pumasok na naman siya dun sa kabila,” aniya.

Dahan-dahan siyang lumabas ng kanilang kwarto at pinuntahan ang bakanteng kwarto.

“Sigurado akong nasa loob ang loko. Ano nga kaya ang ginagawa niya?”

Tinangka niyang buksan ang pinto ngunit naka-lock iyon sa loob.

“Bwisit! Sinasadya niya talagang i-lock ang pinto. Ilang araw ko na ring napapansin na palagi ring nakasarado ang kwartong ito. Nasa kanya kasi ang susi, wala akong duplicate para silipin ang nasa loob. Mula nang palagi siyang pumapasok sa loob ay palagi na rin itong nakasara,” aniya.

Inilapit niya ang tainga sa pinto ngunit wala naman siyang ingay na naririnig.

“‘Di kaya tulog nga ang damuho? P-pero hindi, malakas talaga ang kutob ko na may itinatagong kalokohan itong Vinong ‘to. Malalagot ka sa akin kapag napatunayan ko,” gigil niyang sabi.

Kinaumagahan, muli niyang tinanong ang mister kung may naalala ba ito ngunit iisa pa rin ang isinasagot nito.

“Bakit? Ano bang meron?”

Kaya nag-init na ang bumbunan niya. Titiyakin niya na malalaman niya ang inililihim ng kanyang asawa kaya nakalimutan nito ang nalalapit na mahalagang okasyon nilang mag-asawa.

Nang makaalis ang mister ay dali-dali niyang sinira ang doorknob sa pinto para mabuksan ang nakasardong kwarto.

“Malalaman ko na ang sikreto mong damuho ka,” wika niya sa isip.

Nang buksan niya ang pinto at ilaw sa kwarto ay nanlaki ang mga mata niya.

“I-ito ang itinatago niya sa akin?” gulat niyang sabi.

Ang bakanteng kwarto ay punumpuno ng mga litrato. Nang tingnan niya ang mga iyon ay ‘di niya napigilan na maluha, dahil ang mga litratong nakadikit sa dingding ay ang mga mahahalagang okasyon, mga lugar na pinuntahan nila, mga masasaya nilang alaalang dalawa mula nang maging magkaibigan sila, nang ligawan siya ng mister hanggang sa ikinasal sila at nagsasama na bilang mag-asawa.

“Siya ang gumawa nito?”

Nang isang pamilyar na boses ang narinig niya sa kanyang likuran.

“Iyan sana ang sorpresa ko sa iyo, sweetheart, kaso nakita mo na,” sambit ni Vino na bumalik pala dahil may nakalimutan ito. Nakita ng mister niya na bukas ang pinto sa bakanteng kwarto kaya pumasok na ito roon. ‘Di inasahan ng lalaki na malalaman niya ang itinatago nitong lihim.

“V-Vino, kaya ba palagi kang narito dahil…”

“Oo, sweetheart. Gusto ko sana bukas sa araw ng anibersaryo natin bilang mag-asawa ay ipapakita ko sa iyo ito. Ang mga iyan ang simbolo ng ating pagmamahalan, ang mga alaalang iyan ang nagbibigay sa atin ng inspirasyon kaya hanggang ngayon ay nananatili pa ring matatag ang ating pagsasama,” hayag ng mister.

Napaluha si Jenet sa ibinunyag ni Vino. Mali na pinag-isipan niya ng masama ang asawa niya. Wala naman pala itong ibang babae, naging abala lang ito sa pagdedekorasyon sa loob ng bakanteng kwarto para sorpresahin siya sa araw ng kanilang anibersaryo.

“Sayang at hindi na sorpresa,” wika ng lalaki.

Niyakap nang mahigpit ni Jenet ang mister.

“Okay lang kahit hindi sorpresa, ang mahalaga ay hindi mo nakalimutan ang espesyal nating araw, sweetheart. Mahal na mahal kita. Happy anniversary,” sabi ni Jenet saka hinalikan sa labi ang mister.

“Mahal na mahal din kita. Happy anniversary,” tugon ni Vino na tinugon ng masuyong halik ang kanyang misis.

More Stories