
Nagawang Ipamigay ng Ina ang Sariling Anak na Bingot; Labis Siyang Magsisisi at Manghihinayang sa Nagawa Niya
“Ayoko sa batang iyan!” pasigaw na sabi ni Pamela nang makita ang iniluwal niyang sanggol.
Nakita niya kasi na bingot ang ang ipinanganak niyang sanggol, ayaw na ayaw pa naman niya na may kapintasan ang magiging una niyang anak.
“Hindi ko aalagaan ang sanggol na iyan. Bukod sa ang pangit na, eh, bingot pa. Hindi ko matatanggap iyan,” giit niya sa inang si Aling Minerva.
“Matakot ka naman sa mga pinagsasasabi mo, anak. Sarili mong dugo’t laman ang sanggol na ito. Hindi mo dapat na ikahiya,” wika ng ina.
“Basta hindi ko matatanggap ang batang iyan. Kung gusto niyo ay ipamigay niyo o ipaampon. Kapag dumating ang asawa kong si Jeric ay siguradong hindi niya rin magugustuhan na magkaroon kami ng ganyang anak,” tugon ng babae.
Pareho sila ng kanyang mister na isang seaman na ayaw sa may kapintasan sanggol. Ipinanalangin nga nila na bigyan sila ng magandang anak pero tla hindi dininig ang hiling nila. Kaya malakas ang loob niya na ipamigay ang sariling sanggol.
“Magpapahinga muna ako, inay, sa paggising ko’y ayoko nang makita pa rito ang batang iyan,” aniya pa.
Walang nagawa si Aling Minerva, kahit naaawa siya sa kanyang apo ay kailangan niyang sundin ang anak dahil ito ang kumukupkop at nagpapakain sa kanya at sa iba pa niyang anak. Sa lahat ng mga anak niya ay si Pamela ang nakakaangat sa buhay.
“Patawarin mo ako, apo,” sambit niya sabay hinalikan sa noo ang hawak na sanggol.
Naisipan niyang dalhin ang sanggol sa kapitbahay nilang si Rosing na isang baog. Gustung-gusto nitong magkaroon ng anak kaya naman sa babae niya ibinigay ang kanyang apo.
“Sigurado ka, Aling Minerva? Sa akin niyo po ibibigay ang sarili niyong apo?” tanong nito sa kanya.
“Masakit man sa akin, pero kilala mo naman ang anak ko, ‘di ba? Kapag ginusto niya ang isang bagay ay hindi siya maaaring kontrahin. Siya lamang ang inaasahan namin kaya kahit ayokong mawalay sa sarili kong apo ay wala akong magagawa,” sagot ni Aling Minerva.
“Huwag po kayong mag-alala, pwede niyong dalawin kahit anong oras ang inyong apo. Kami ng mister kong si Julian ang bahala sa kanya, bibigyan namin siya ng pangalan, pag-aaralin at ituturing na tunay naming anak. Sobra nga akong naaantig sa sanggol na ito dahil sa pagkakaroon niya ng bingot, kawawa naman,” sabi ni Rosing habang hinehele ang sanggol.
“Aasahan ko iyan, Rosing. Mahalin niyong mag-asawa ang aking apo,” tugon ni Aling Minerva.
Nang makaalis ang ina ni Pamela ay tuwang-tuwa ang mag-asawang Rosing at Julian.
“May anak na tayo, darling. Kay tagal kong hiniling sa Diyos na bigyan tayo kahit isang supling. Ngayon ay natupad na ang ating hiling,” masayang wika ni Rosing.
“Oo nga, eh. Napakasuwerte nga ni Pamela na binigyan siya ng ganitong ka-kyut na sanggol. Hindi na mahalaga sa akin kung may kapintasan ang sanggol na ito, bubusugin natin siya sa pagmamahal,” sabi ni Julian.
“Ako rin. Para sa akin ay itong si Charles ang hulog sa atin ng langit,” saad pa ng babae sa mister.
“Aba, nakaisip ka na talaga ang ipapangalan sa kanya, a!” gulat na sabi ng mister.
“Siyempre naman. Simula sa araw na ito ay Charles na ang pangalan ng ating anak,” sagot pa ni Rosing.
Makalipas ang maraming taon
“Aling Minerva?” sambit ni Rosing nang makasalubong sa grocery ang dating kapitbahay.
“R-Rosing? Ikaw nga! Kumusta ka na, kayong mag-asawa? Ngayon lang ulit kita nakita mula nang umalis kayo sa lugar natin,” sabi ni Aling Minerva.
“‘Di na kami nakapagpaalam dahil biglaan din ang pag-alis namin. Nadestino kasi sa probinsya ang asawa ko kaya buhat noon ay doon na kami nanirahan.”
Biglang nag-iba ang mukha ni Aling Minerva, may itinanong kay Rosing.
“A-ang a-apo ko? Kumusta na siya?” nahihiya niyang tanong.
“Si Charles? Naku, mula nang ibigay mo siya sa amin ay puro kaligayahan at suwerte na ang dumating sa amin,” tuwang-tuwang sagot ng kausap.
“A-ano’ng ibig mong sabihin?”
“Habang lumalaki ang iyong apo ay natuklasan namin na napakatalino niyang bata. Napakagaling niya sa klase at palaging top 1. Gumradweyt siya sa elemenarya at hayskul bilang Valedictorian at Summa Cum Laude naman nang magtapos siya sa kolehiyo. Nakatanggap din siya ng paanyaya na mag-aral ng short course sa Harvard at ngayon nga ay isa na siyang CEO ng sarili niyang kumpanya sa Makati. Bukod sa pagmamahal niya sa amin ay binusog niya kami ng mga karangalan at kaginhawaan sa buhay. Pinahinto na niya kamig mag-asawa sa pagtatrabaho, siya na ang bumubuhay sa amin. Kahit alam niya na hindi namin siya tunay na anak ay sobra-sobrang pagmamahal ang ibinalik niya sa amin, kaya nagpapasalamat ako sa inyo ng anak mong si Pamela, kundi dahil sa inyo ay hindi kami magkakaroon ng anak na tulad ni Charles. Huwag kayong mag-alala, nais din niya kayong makilala bilang kayo naman ang totoo niyang kadugo. Wala siyang sama ng loob sa inyo, lumaking maunawain at mabait ang inyong apo,” hayag ni Rosing.
Napatulala si Aling Minerva sa sinabi ng dating kapitbahay, laking pagsisisi niya. Sa isip niya ay kung hindi nila ipinamigay ng kanyang anak ang apo niya ay sila sana ang nagtatamasa ng ginhawa. Nang malaman ni Pamela ang tungkol sa anak ay labis ang pagsisisi nito sa ginawang pag-aabandona rito noon. Kung tinanggap lang niya ang kapintasan ng anak niyang bingot ay sila sana ang may mas magandang buhay ngayon, samantalang ang kanilang pamilya ay naghirap mula nang pumanaw ang mister sa isang aksidente at nalugi ang kaniyang negosyo.
Ang pagkakaroon ng anak ay isang biyaya kaya anuman ang hitsura, may kapintasan man o wala, tanggapin ito nang buong puso dahil ang anak ay magandang regalo mula sa ating Lumikha.

Palaging Pumapasok ang Mister ng Babae sa Bakanteng Kwarto Kaya Pinagbintangan Niya na Gumagawa Ito ng Kalokohan; Mali Pala ang Hinala Niya
