Inday TrendingInday Trending
Nagkasakit ang Misis ng Karpintero at Isinugod Niya Ito sa Ospital na Isa Siya sa mga Gumawa at Nagtayo; Hindi Niya Inaasahan ang Uri ng Pagtanggap at Pagtrato sa Kanila

Nagkasakit ang Misis ng Karpintero at Isinugod Niya Ito sa Ospital na Isa Siya sa mga Gumawa at Nagtayo; Hindi Niya Inaasahan ang Uri ng Pagtanggap at Pagtrato sa Kanila

Walang araw na hindi ipinagmamalaki ni Gabo sa kaniyang misis na si Kristel ang ospital na kanilang ginagawa, na pinakamalaking ospital sa kanilang bayan. Isang karpintero si Gabo.

“Syempre, maipagmamalaki mo ‘ko sa mga kaibigan mo mahal, na ako ang isa sa mga naghirap buuin ang ospital na iyon. Kapag nagawi tayo roon, ituturo ko sa iyo ang pader na pinakinis ko, ang hagdang binuo ko, at ang mga bintana na ako ang nagbutas,” wika ni Gabo habang pinagsasaluhan nilang mag-anak ang maliliit na inihaw na tuyong niluto sa baga ng pinaglutuan ng kanilang sinaing.

“Talaga ba? Naku, sige nga. Iyan daw ospital na iyan ay pinakamalaki rito sa ating bayan. Mabait din yata ang mag-asawang doktor na nagpagawa niyan,” pahayag naman ng kaniyang misis na si Kristel habang namumuwalan ang bibig sa kanin.

“Sinabi mo pa. Lagi nga namin silang nakikita. Kilala ako noon kasi sa tuwing naroon sila, panay tanong din sa akin eh kung kumusta naman ang mga kasama ko. Saka, mabilis sa kanilang bumale. Nakaka-bale kaagad kami kasi may pinaluluwalan silang pera para sa amin,” pagbibida pa ni Gabo.

Ilang linggo na lamang at matatapos na ang ospital. Kaunting pintura at pagpapakinis na lamang, magaganap na ang pagbabasbas at pagpapasinaya rito.

“Gabo, ikaw na ang bahalang tumapos sa mga pipinturahang dingding sa bandang harapan, ha?” utos sa kaniya ng maestro karpintero.

“Areglado po, boss.”

Para kay Gabo, hindi man siya ang arkitekto o inhinyero ng mga gusali o establisyimientong kanilang tinatapos gaya ng ospital, itinuturing niya ang mga ito bilang obra maestra.

Sa kaniyang palagay, mas kapaki-pakinabang ang mga kagaya niyang karpintero kaysa sa arkitekto at inhinyero. Sila yata ang bumubuo at nagsasakatuparan ng lahat ng mga detalyeng nakalagay sa plano o blueprint. Hindi maitatayo o matitindig ang kabuuan ng isang gusali kung wala sila. Minsan pa nga ay nalalagay sa alanganin ang kanilang buhay, lalo na kapag mataas na palapag ang kanilang tinatapos.

Kagaya ng ibang mga kuwento ng karpintero, namana niya ang gawaing ito sa kaniyang ama. Maliit pa lamang siya, isinasama na siya sa trabaho. Bata pa lamang siya, alam na niya kung paano maghalo ng semento, kung paano magpalitada, kung paano bumutas ng dingding sa pamamagitan ng barena. Hindi na rin siya takot gumamit ng welding machine sa paghihinang ng mga bakal.

Bata pa lamang, alam na niya sa kaniyang sarili na mauuwi rin siya sa pagiging karpintero. At ipinagmamalaki niya ito, na kahit wala man siyang natamong pormal na edukasyon tungkol sa paggawa at pagtindig ng mga bahay at gusali, sapat na ang mga kaalaman at karunungang natamo niya mula sa mga karanasan.

Makalipas ang ilang linggo at tapos na tapos na nga ang ospital. Isinagawa na ang pagbabasbas at pagpapasinaya na dinaluhan ng iba’t ibang mga litaw na tao sa lipunan, mga doktor, at mga kaibigan nila.

Matagal nang tanggap ni Gabo na kapag tapos na ang proyekto, etsa-puwera na silang mga manggagawang nagpala sa dating kalansay, ngayon ay palalong diyos na mayabang na nakatindig na gusali.

Isang gabi, isang di-inaasahang pangyayari ang naganap. Hindi maigalaw at walang maramdaman ang kalahati ng katawan ni Kristel. Mabuti na lamang at napakiusapan niya ang kapitbahay na may traysikel at naitakbo kaagad sa ospital na ginawa nila ang misis.

Tulirong-tuliro si Gabo nang malaman niya na mild stroke ang nangyari kay Kristel.

“Ano’ng gagawin ko, Diyos ko… wala pa naman akong kapera-pera,” umiiyak na usal ni Gabo.

Parang wala sa sariling naglakad siya sa pasilyo ng ospital. Saang kamay ng Diyos naman siya kukuha ng pambayad sa ospital?

Maya-maya, may tumawag sa kaniyang atensyon.

“Ayos ka lang? Hindi ba’t ikaw ang isa sa mga naging karpintero dito sa ospital ko?”

Nagulat si Gabo na natandaan pa siya ng doktor na may-ari ng ospital. Sanay kasi siya na kapag natapos na ang gawain niya bilang karpintero, hindi na siya o sila pinapansin ng nagpagawa nito. Naranasan na rin niya na hindi siya matandaan ng mga ito, kahit na noong panahon ng gawaan ay nakakabiruan pa.

Ikinuwento ni Gabo ang nangyari sa misis.

“Sige, huwag kang mag-alala, wala ka nang dapat intindihin sa bayad sa gastusin dito sa ospital. Hahayaan din kitang kumuha ng gamot sa botika,” nakangiting sabi ng doktor na may-ari ng ospital.

“T-talaga ho? Hindi po ba kayo nagbibiro, dok?” naluluhang tanong ni Gabo.

“Hindi. Nakita ko ang sipag mo noong ginagawa ninyo ang ospital ko. Minsan, kayong mga manggagawa, kayong mga karpintero ay nababalewala na pagkatapos maitayo ang mga ginagawa ninyo, kasi nga, tapos na. Pero alam mo ba, kung may dapat hangaan, kayo ‘yun. Kasi hindi naman ito maitatayo kung wala rin kayo.”

Halos maiyak sa tuwa si Gabo sa sinabi ng doktor. Hindi na siya mamomroblema sa bayad sa bill ng ospital at mga gamot ng kaniyang misis. Dahil mild stroke lamang naman, gumaling ang kaniyang misis matapos ang ilang therapy na sinagot na rin ng doktor na may-ari ng ospital. Naging maayos din kasi ang pag-aasikaso ng mga nurse sa kaniyang misis, sa utos na rin ng doktor na may-ari nito.

Sadyang may mga tao talagang pinagpala ng Diyos sa buhay at marunong magbalik nito sa kanilang kapwa!

Advertisement