
Pinatawag ng Punungguro ang Ginang na Ito Dahil sa Gulong Kinasangkutan ng Anak; Sa Huli, Napagtanto Niya ang Isang Aral sa Buhay
“Dapat kasi pinagsasabihan ang bata na mali ang ginagawa niya at hindi pinalalaki sa layaw, Misis.”
Napasimangot si Edna matapos marinig ang mga pahayag ng pununggurong si Gng. Aquinas. Siya ang punungguro ng pribadong paaralang pinapasukan ng kaniyang anak na si Edmond. Ito na ang ikalawang pagkakataong kinausap at pinatawag siya ng punungguro.
Tinitigan pa nito ang bata na para bang may dalang sumpa. Hindi puwede ito sa kaniya. Alam ba ng pununggurong ito kung paano siya naghirap sa pagbubuntis at pagluluwal sa anak niya, na halos nakatapak sa hukay ang isang paa niya?
Masyadong pinag-iinitan ang kaniyang anak, palibhasa ay mayaman at maimpluwensya ang pamilyang nakaalitan nito. Ipinaliwanag na sa kaniya ni Edmond na lagi siyang binu-bully ng kaniyang kaklase noon. Itong kaklaseng ito ay anak ng mayamang negosyante na balitang isa sa mga nagbigay ng donasyon upang maipatayo ang isa sa mga gusali ng paaralan.
Ni hindi nila pinakikinggan ang paliwanag ni Edmond, tapos kung makapagsalita ay akala nila sila ang mas agrabyado sa mga pangyayari.
“Madam Principal, mawalang-galang na ho. Sinubukan ninyo na po bang pakinggan si Edmond? Kasi kaya naman po niya sinapak sa mukha ang kaklase niya ay dahil ito ang nanguna. Napapasin ko po kasi palagi na lang si Mrs. De Guzman ang bida kapag papatawag ninyo ako. Hindi ninyo po ba napapansin na paulit-ulit lang tayo at ang anak ko na naman ang laging masisisi?” naiinis na tanong ni Edna. Sinusubukan niyang maging kalmado ngunit tumaas na ang tinig niya.
“Misis, napakinggan ko na po ang panig ng bata pati na sa magulang niya. At sa palagay ko po, sa paraan po ninyo ng pagsasalita, mukhang sa inyo po nakuha ng anak ninyo ang pagiging basagulero,” sabi ng punungguro.
Hindi na nakapagtimpi pa si Edna. Palagay niya ay masyado nang ‘below the belt’ ang sinasabi ng punungguro.
“Saglit nga ho, Madam Principal, parang hindi naman po yata tama ang paraan ng pagsasalita ninyo. Hindi porke’t ganito ako magsalita sa harapan ninyo eh huhusgahan ninyo ako. Kilala ko po ang anak ko, at natitiyak kong hindi siya magsisimula ng away kung hindi naman siya inaway,” paliwanag ni Edna.
Napaunat naman ang punungguro at umayos ng pagkakaupo. Nagpatuloy sa kaniyang pagpapaliwanag si Edna.
“Ang anak ko po ay pinalaki kong matapang sa buhay. Opo, ako po ang nagturo sa kaniya na huwag matakot harapin ang mga problema at sinumang magtatangkang saktan siya. Alam ko naman po ang reputasyon ko sa paaralang ito. Tinitiis ko ang panghuhusga sa akin ng ibang mga magulang na kesyo disgrasyada ako at naanakan ako ng isang lalaking may pamilya, pero lahat iyon ay tiniis ko para sa anak ko. Akala ko magiging maayos ang trato niya sa anak ko at hindi ninyo hahayaan na may ma-bully sa kanila, pero mukhang nagkamali ako,” matatag na pagtatanggol ni Edna sa kaniyang anak.
“Misis, I am very sorry if you take it differently. Don’t get me wrong. You have a point there. Ang gusto ko lang sabihin, sana mas maging maingat tayo sa mga binibitiwan nating salita at paraan ng paghahatid nito kasi kaharap mo siya. Kung lahat ay idadaan sa init ng ulo, sa pasigaw na paraan ng pakikiusap, walang mareresolbang isyu. Pasensya na rin kung sa palagay ko ay laki sa layaw si Edmond, galing na mismo sa kaniya na lahat ng gusto niya ay ibinibigay at sinusunod ninyo, at sa palagay ko, balido naman dahil sabi nga ninyo, solo parent lamang kayong nagtataguyod sa kaniya. Maybe it’s your way of showing your tender love and care,” paliwanag ng punungguro.
Natahimik naman si Edna. May punto rin naman ang sinasabi ng punungguro. Baka nga masyado siyang nadadala sa kaniyang emosyon.
Parang sa isang inahing manok na handang manuka at dumaluhong sa sinumang magtatangkang galawin ang kaniyang mga inakay na sisiw.
“Pasensya na rin po kayo Madam Principal. I’m just trying to protect my only son. Wala na pong ibang magtatanggol sa kaniya kundi ako lamang. Tama naman po kayo. Huwag po kayong mag-alala at pagsasabihan ko po ang anak ko, para hindi na maulit ito. Hindi po kami masamang tao, Madam,” emosyunal na pahayag ni Edna.
“Misis, wala akong sinasabing masama kayong tao. Pero nagkakamali tayong lahat dahil tao tayo. Sa alinmang pagkakagalit, hindi iisang tao lamang ang may sala.”
Parang nahimasmasan si Edna sa mga sinabi ng punungguro.
Simula noon ay lagi na niyang pinaaalalahanan ang anak na huwag nang makipagsapakan sa kaniyang kaklaseng nambubuska o nanunukso sa kaniya; sa halip ay kausapin ito nang maayos, o kaya naman ay isumbong na lamang sa guro.
Sabi nga, walang gusot na hindi maaayos sa magandang usapan. Bilang magulang din, kailangang siya ang dapat pamarisan at maging huwaran nito kaya sinikap na niyang maging mahinahon sa pakikipag-usap, lalo na kapag naririnig ng kaniyang anak.

Nagkasakit ang Misis ng Karpintero at Isinugod Niya Ito sa Ospital na Isa Siya sa mga Gumawa at Nagtayo; Hindi Niya Inaasahan ang Uri ng Pagtanggap at Pagtrato sa Kanila
