Inday TrendingInday Trending
‘Ipinaligpit’ ng Lalaki ang Misis Upang Makuha ang Kayamanan Nito at Magsama na Sila ng Kalaguyo; Nanlaki ang mga Mata Niya Nang Mapasulyap Siya sa Bintana ng Kanilang Kuwarto

‘Ipinaligpit’ ng Lalaki ang Misis Upang Makuha ang Kayamanan Nito at Magsama na Sila ng Kalaguyo; Nanlaki ang mga Mata Niya Nang Mapasulyap Siya sa Bintana ng Kanilang Kuwarto

“Nagawa mo?”

Kausap ni Trevor ang naka-bonnet na lalaki sa loob ng kaniyang kotse.

“Areglado, boss. Wala ka nang poproblemahin sa misis mo.”

“Sigurado ka? Saan mo itinapon ang b*ngkay?”

Hindi sumagot ang lalaki. Kinuha nito ang cellphone. Ipinakita kay Trevor.

“Inilibing ko, boss, Kasama ng baril. Malinis ang pagkakagawa ko. Walang ebidensya.”

“Good,” wika ni Trevor. Kinuha nito ang isang sobre na makapal. Iniabot sa lalaki. Binilang nito ang bungkos ng mga isanlibong piso.

“Kagaya ng napag-usapan, may bonus pa ‘yan. Isa lang ang pakiusap ko, manatili kang tikom ang bibig. Maliwanag ba?”

“Areglado, boss. Alam mo naman kung ano ang contact number ko kung may gusto kang ipa-good job.”

“Sige, alis na.”

Bumaba na ang lalaki mula sa kaniyang sasakyan. Sumaludo pa ito sa kaniya bago tuluyang umalis.

Napabuntung-hininga si Trevor. Tapos na ang problema niya sa misis niya. Matapos niyang palabasing nababaliw at sapilitang ipinapasok sa mental hospital, pinaligpit na niya ito upang tuluyan na silang magsama ni Rebecca, ang kalaguyo niya.

Masosolo na rin niya ang kayamanan nilang naging conjugal dahil sa kanilang kasal.

Ang totoo niyan, ang kaniyang misis na si Adriana lamang ang mayaman. Walang kapera-pera noon si Trevor.

Kaya sinamantala niya ang pagkakataon noon upang mapaibig si Adriana. Hindi niya talaga ito mahal. Pera lamang nito ang habol niya. Nagkasundo sila ni Rebecca na paiikutin lamang ito sa ulo; kapag nakuha na niya ang gusto niya rito, agad na hihiwalayan at magsasama na sila nang tuluyan.

Kaya naman, tiniyak niya na sa panahon ng pagsasama nila ni Adriana bilang mag-asawa, hindi sila magkaka-anak, para walang ibang makikinabang sa pera nito kundi siya lamang.

Nakausap na niya ang may-ari ng mental hospital, nabayaran, kapalit ang pagsasabing tumakas mula rito si Adriana at hindi na nila malaman kung nasaan.

Masayang-masaya si Rebecca nang ibalita niya rito ang matagumpay niyang balak kay Adriana.

“Should we celebrate? Punta na ako diyan sa bahay mo? Puwede na ba tayong magsama?” tanong nito sa kabilang linya.

“Oo naman, babe. Tara na. Naghihintay na sa iyo ang kaharian natin. Hinihintay ka na ng kama.”

“Okay! The real queen is coming! Maghanda ka na!” pilyang sabi ni Rebecca at naghanda na ito patungo sa mansyon ni Adriana, na pagmamay-ari na ngayon ni Trevor.

Masayang-masaya ang pakiramdam ni Trevor. Ibinaba niya ang malaking wedding photo frame nila ni Adriana at itinaob ito. Lahat din ng mga picture frames na magpapaalala sa kaniyang ‘nasirang’ asawa ay itinago rin niya.

Maya-maya, nariyan na si Rebecca, Isang umaatikabong ‘aksyunan’ ang naganap sa mismong kamang hinihigaan nila ni Adriana noon.

Habang nasa ibabaw niya si Rebecca at kumakabayo, napasulyap ang mga mata ni Trevor sa bandang bintana. Nanlaki ang mga mata niya nang makita si Adriana—nanlilisik ang mga mata nito, duguan ang mukha, nakasuot ng puting-puting damit habang umuusok-usok sa paligid nito.

“Multo! Multo!” bulalas ni Trevor nang makita ang bulto ni Adriana.

Sa labis na gulat ni Trevor ay naitulak niya at naihagis si Rebecca mula sa kaniyang ibabaw.

Nawalan ng panimbang si Rebecca at tuloy-tuloy na nahulog sa sahig. Nabagok ang ulo nito at nawalan ng malay.

Agad na dinaluhan ni Trevor ang kalaguyo. Nataranta siya dahil nang pulsuhan niya ito at pakinggan ang tibok ng puso, wala na. Ganoon kabilis ang mga pangyayari. Sa lakas ng kaniyang pagkakatulak at pagkakahagis dito, mukhang grabe ang pagkakabagok ng ulo nito.

Sumulyap siya sa bintana. Wala na ang pigura ni Adriana.

Hindi makapaniwala si Trevor na sumakabilang-buhay nang ganoon na lamang si Rebecca. Anong gagawin niya sa b*ngkay?

Natatarantang kinuha niya ang cellphone. Tinawagan niya ang lalaking kinuha niyang trumabaho kay Adriana subalit hindi na ito sumasagot.

Ayaw niyang makulong.

Ayaw din niyang malagay sa eskandalo.

Kinuha niya ang pala. Hinila niya ang b*ngkay ni Rebecca patungo sa likod-bahay. Nagsimula siyang maghukay. Hukay dito, hukay doon. Pala, pala, pala.

Nang makahukay na nang sapat na lalim sa lupa, saka niya inilagay ang katawan ni Rebecca.

“P-Patawarin mo ako, Rebecca… ang bilis ng mga pangyayari… parang kanina lang ay pinagsasaluhan natin ang sarap… patawarin mo ako…” umiiyak na sambit ni Trevor, habang ibinabalik ang lupang hinukay sa butas.

Pagkatapos matabunan ang hukay na kinalalagyan ng labi ng kalaguyo, napaupo rito si Trevor at humagulhol. Inihagis niya ang pala. Galit na galit siya sa kaniyang sarili, ang tanga-tanga niya.

Subalit naalala na naman niya ang multong nakita niya. Hindi siya maaaring magkamali. Ang duguang si Adriana ang nakita niya.

Pinagmumultuhan na siya.

Simula noon ay hindi na mapalagay si Trevor. Takot ang lumulukob sa kaniyang pagkatao. Halo-halong emosyon ang lumukob sa kaniya. Napakabilis ng mga pangyayari.

Makalipas ang tatlong araw, hindi na makatulog si Trevor dahil dinadalaw siya sa panaginip ni Rebecca. Kapag dilat naman siya, anino ni Adriana ang kaniyang nakikita…

Minabuti niyang maligo.

Nakapikit siya habang ninanamnam ang lamig ng tubig mula sa dutsa. Maya-maya, tumigil ito.

Nawalan ng ilaw sa buong kabahayan.

Paglabas niya upang tingnan kung bakit, nanlaki ang mga mata niya nang tumambad sa kaniya ang isang babaeng nakaputi, duguan.

Si Adriana. Iniunat nito ang mga bisig at nagsimulang lumakad nang dahan-dahan, nanlilisik ang mga mata, palapit sa kaniya.

Napasigaw sa sindak si Trevor. Nanginginig na napaupo. Habang nakaupo ay kinaladkad ang sarili patungo sa pintuan ng bahay. Sinusundan naman siya ng multo.

Hanggang sa nakalabas na si Trevor sa bahay at nagtatatakbo. Nakalimutan niya na hubo’t hubad siya at may sabon-sabon pa sa katawan dahil nga naliligo siya. Nanlaki ang mga mata ng kaniyang kapitbahay. Naghisterya na si Trevor.

“Adriana, Adriana, patawarin mo ‘ko… huwag mo akong pagmultuhan, Adriana…” nawala na sa sarili niya si Trevor dahil sa takot. At lalo pa itong nanghilakbot nang makita niya ang isa pang pigura—si Rebecca. Nakasilip ito sa bintana ng kaniyang kuwarto kung saan ito nawalan ng hininga dahil sa pagkakabagok ng ulo.

Dinala sa mental hospital si Trevor ng kaniyang mga kapitbahay.

Napag-alaman nila ang kr*meng kinasangkutan nito mula mismo kay Adriana.

Hindi siya multo kundi buhay na buhay at humihinga.

Nang makita siya ng kanilang mga kapitbahay ay nagulat din sila sa hitsura nito na duguan at nakaputing damit.

“Nagpapanggap lang akong multo para takutin ang walanghiya kong asawa.”

Isinalaysay niya sa kanila ang ginawang kalokohan nito na pinagmukha siyang nababaliw at inutusang ipaligpit. Mabuti na lamang at gahaman sa pera ang lalaking inutusan nito. Dinoble niya ang perang ibinigay rito ng asawa, kapalit ang kaniyang buhay. Palalabasin nitong tinapos na nga siya. Habang nangyayari iyon, minabuti ni Adriana na umuwi at magtago sa mansyon upang paghandaan ang ‘pagmumulto’ niya kay Trevor.

Alam niya ang kahinaan ng mister. Takot ito sa mga multo.

Nasaksihan din niya kung paano nito nilibing ang b*ngkay ni Rebecca.

Tuluyang nasiraan ng bait si Trevor subalit pinagamot pa rin ito ni Adriana—hindi upang magkabalikan sila, kundi upang maharap nito ang mga patong-patong na kasong naghihintay sa kaniya.

Nang gumaling si Trevor, dito na isiniwalat sa kaniya ni Adriana ang katotohanan. Matapos ang paglilitis, ebidensya, at testimonya ng lalaking inutusan nitong ligpitin si Adriana, tuluyang nakulong si Trevor.

Advertisement