Pinapanood lamang ni Aling Elenor ang anak na si Flerida habang nag-iimpake na ito ng mga gamit nito. Lilipat na kasi ito sa bahay ng mister na si Arnold. Halos mangiyak-ngiyak si Aling Leonor. Para sa kaniya, hindi pa napapanahong magkaroon ng sariling pamilya ang anak.
Ni hindi nga ito marunong magluto ng ulam.
Wala ring alam sa mga gawaing-bahay, lalo na ang pamamalantsa.
Higit sa lahat, tamad maglinis. Burara sa gamit.
“Anak, yung mga bilin ko sa iyo ah, huwag na huwag mong kalilimutan,” maya-maya ay sabi ni Aling Elenor. “Eh kung sumama na lang kaya ako sa inyo?”
“Ma, magiging maayos naman kami ni Arnold. Nangako siya sa akin na kukuha raw siya ng kasambahay para ang gagawin ko na lamang ay tutukan ang pag-aalaga dito sa baby namin. Opo, hindi ko po kakalimutan ang mga pangaral at bilin ninyo sa akin,” pangako naman ni Flerida sa kaniyang ina.
“Basta tawagan mo lang ako kapag kailangan mo ako anak ha?”
At nagtungo na nga sa poder ni Arnold si Flerida. Apat na buwan na siyang buntis at unti-unti na ring nahahalata ang kaniyang tiyan.
Si Arnold ay 27 taong gulang at nagtatrabaho bilang isang call center agent. Si Flerida naman ay 19 na taong gulang pa lamang at makakatapos na sana sa kolehiyo, kung hindi siya nabuntis. Balak niya, ipagpapatuloy niya ang pag-aaral matapos niyang makapanganak.
“Mahal, hindi na muna tayo makakakuha ng kasambahay rito para umalalay sa iyo. Kaya mo naman siguro, ‘di ba?” sabi sa kaniya ni Arnold.
Hindi nakaimik si Flerida. Hindi pa niya naipagtatapat sa kinakasama na wala siyang alam na mga gawaing-bahay.
Bahala na, saad niya sa kaniyang sarili.
Inaral niya ang pagluluto sa pamamagitan ng internet, kung paano maglaba, at kung paano ang mamalantsa. Sising-sisi siya kung bakit naging tamad at palaasa siya noon sa kaniyang ina at kung bakit hindi niya natutunan ang mga iyon noong ‘dalaga’ pa siya.
“P-Pasensya na Arnold, hindi ko sinasadya, tatahiin ko na lang,” hiyang-hiyang paghingi ng dispensa ni Flerida nang hindi niya sinasadyang masunog ang isa sa mga polo shirt na ginagamit ng kinakasama sa opisina.
“Okay lang… pero ang tanong ko sa iyo, hindi ka ba marunong mamalantsa?” tanong nito sa kaniya.
Dito na nagtapat si Flerida.
“H-Hindi talaga ako marunong mamalantsa eh. Hindi rin ako marunong maglaba at magluto, Arnold,” hiyang-hiyang pag-amin ni Flerida.
“Ganoon ba? Hindi ba mga pangunahing gawaing-bahay iyan na itinuturo sa atin ng mga magulang natin? Hindi ka ba naturuan ng nanay mo noon?”
“T-Tinuruan naman kaya lang… kaya lang hindi ko talaga makuha-kuha eh,” pagdadahilan ni Flerida. Ang totoo, tinatamad lang talaga siya noon dahil wala siyang ginawa kundi ang magbabad sa social media at humilata sa kama maghapon.
Hindi na lamang kumibo si Arnold.
“Sige, sa palagay ko ay kailangan ko na yatang kumuha ng kasambahay. Nrarapat na rin suguro dahil lumolobo na ang tiyan mo.
Tuwang-tuwa naman si Flerida.
Isa pa sa mga napansin ni Arnold kay Flerida ay ang pagiging makalat at burara nito. Mga simpleng pinagbalatan ng mga junk food na kinakain nito ay hindi pa maitapon nang mabilisan sa basurahan.
Itinatambak pa nito sa lababo ang mga hugasin na minsan ay naaabutan pa niya sa kaniyang pag-uwi.
Minsan, ang mga pinagbihisan nito ay naiiwan pa sa lapag ng kanilang kama.
Marami ring hibla ng buhok nito sa sahig ng banyo at naiipon sa drainage. Hindi man lamang nito mapulot at maitapon.
Napagtanto ni Arnold na isang dugyot at burara si Flerida.
Hanggang sa maisilang na nga ni Flerida ang kanilang anak; ang kanilang unica hija.
Matuling lumipas ang isang taon.
Ugali ni Flerida na gumamit ng mga ointment.
Matapos makapags*so ng kaniyang sanggol, hinayaan lamang niyang pakalat-kalat ang ginamit niyang ointment.
Umidlip siya at hinayaan niyang pagapang-gapang ang kaniyang anak na si Tabitha. Nakuha nito ang ointment.
Nagulat na lamang siya sa labis na pag-iyak nito. Ang maanghang na ointment ay kinain nito at labis na pagkaanghang ang naramdaman ng bata. Nataranta si Flerida at agad nila itong dinala sa ospital ng kanilang kasambahay.
Napasugod naman si Arnold na noon ay nasa trabaho.
Naagapan naman ang nangyari kay Tabitha. Mabuti na lamang at hindi nakalalason ang naturang maanghang na ointment. Gayunman, galit na galit pa rin si Arnold kaya napagsabihan na niya ang kinakasama.
“Flerida, hindi ka na tinedyer ngayon, sana naman maging responsable ka na sa mga gamit. Huwag kang maging burara. Itago o itabi mo ang mga bagay na ginamit mo para hindi makapaminsala ng ibang tao, lalo na sa anak natin,” sermon ni Arnold sa kaniya.
Simula noon ay naging masinop na si Flerida sa kaniyang mga gamit dahil ayaw na niyang maulit ang nangyari sa kanilang anak.
Unti-unti rin ay talagang inaral niya ang mga gawaing-bahay dahil ayaw niyang matulad sa kaniya si Tabitha sa paglaki nito.

‘Ipinaligpit’ ng Lalaki ang Misis Upang Makuha ang Kayamanan Nito at Magsama na Sila ng Kalaguyo; Nanlaki ang mga Mata Niya Nang Mapasulyap Siya sa Bintana ng Kanilang Kuwarto
