Inday TrendingInday Trending
May Mataas na Pamantayan ang Babaeng Ito sa Magiging Manliligaw Niya; Matagpuan Niya Kaya ang Lalaking Guwapo at Mayaman na Nakalaan Para sa Kaniya?

May Mataas na Pamantayan ang Babaeng Ito sa Magiging Manliligaw Niya; Matagpuan Niya Kaya ang Lalaking Guwapo at Mayaman na Nakalaan Para sa Kaniya?

Matangkad, guwapo, maputi, makinis, at mayaman.

Iyan ang mga katangian ng isang lalaki na hinahanap-hanap ni Belinda sa sinumang lalaking magtatangkang manligaw sa kaniya.

Palibhasa, maganda, balingkinitan ang pangangatawan, at talaga namang makinis si Belinda. Siya pa nga ang laging napipisil na Reyna Elena sa tuwing may Santacruzan sa kanilang lugar. Hindi rin siya nawawala sa listahan kapag may botohan sa klase noong siya ay nasa hayskul kung sino ang magiging musa.

Kaya naman, hindi nakapagtatakang maghanap din siya ng mga lalaking makapapantay sa kaniyang kagandahan.

Si Miguel na kaniyang matalik na kaibigan ang unang-unang nagsasabi sa kaniya kung karapat-dapat ba para sa kaniya ang lalaking manliligaw niya.

“Ikaw… pakiramdam ko ay babaero. Huwag na ‘yang si Dave Alcaraz na ‘yan,” wika noon ni Miguel sa kaniyang kaibigan.

“Baka naman mapagbago ko kung papatulan ko. Lahat ng mga gusto ko sa isang lalaki ay nasa kaniya na. Guwapo, mayaman, at maganda ang pangangatawan. Susubukan ko lang naman. Palagay ko naman ay walang mawawala sa akin,” wika ni Belinda.

“Bahala ka nga… huwag mong sasabihin sa akin na hindi kita binalaan. Kung iyan ang makapagpapasaya sa iyo, gawin mo ang gusto mo. Pero tatandaan mo ha, binalaan kita.”

“Oo na! Ikaw talaga. Kaya kita mahal eh!” sabi ni Belinda.

Namutla si Miguel.

“M-Mahal mo ‘ko?”

“Oo. Ikaw ang best friend ko eh! Hindi mo ba ‘ko mahal bilang kaibigan mo?”

“M-Mahal. Mahal na mahal kita Belinda… kaya… kaya ko sinasabi ito. Kapakanan mo ang iniisip ko, bilang kaibigan mo, syempre gusto ko na hindi ka masasaktan at malalamangan ng mga lalaking walang ginawa kundi manakit ng damdamin ng mga babae.”

“Huwag ka mag-alala, Miguel. I’m already a big girl kaya alam kong kayang-kaya ko naman ‘yan.”

At pumayag na nga si Belinda na magpaligaw kay Dave. Hindi rin nagtagal at sinagot niya ito. Subalit makalipas ang tatlong buwan, heto’t umiiyak na siya sa balikat ni Miguel.

“Hayop siya… marami pala kaming gustong butasin! Palibhasa, guwapo eh!” umiiyak na sumbong ni Belinda kay Miguel.

“Hindi ba’t binalaan na kita? Sinabi ko naman sa iyo na huwag kang papasilaw sa kung anuman ang nakikita mo sa kaniya. Oo nga, lahat ng mga pamantayan na hinahanap mo sa isang lalaki ay nasa kaniya, pero tingnan mo, manloloko pala siya,” sabi sa kaniya ni Miguel.

“Oo na. Oo na… salamat ha? Hayaan mo sa susunod, hindi ko na hahayaang mangyari ito sa akin.”

Ngunit makalipas ang dalawang buwan, isa na namang manliligaw ang pumasok sa buhay ni Belinda. Si Ricardo Jimenez. Guwapo at mayaman. Kaya lang, may edad na ito at mukhang may lahing dayuhan.

“Hayan ka na naman eh… nadadala ka naman sa pisikal na anyo at estado sa buhay. Akala ko ba hindi ka na papatol sa ganyan?” naiinis na paalala sa kaniya ni Miguel.

“Eh malay mo naman, ‘di ba? Grabe rin ang effort ng tao. Halos araw-araw akong hinahatid-sundo.”

“Bahala ka…”

Kagaya kay Dave ay nagpaligaw rin si Belinda kay Ricardo at sinagot ito. Kumpara kay Dave, tumagal ng halos 11 buwan ang kanilang relasyon. Akala ni Belinda, si Ricardo na ang tamang lalaki para sa kaniya.

Binusog siya sa mga mamahaling gamit na may mga sikat na tatak pa.

Binilhan siya ng bagong mga gadgets.

Dinadala sa mga mamahaling restaurants. Isinasama sa mga travel sa Pilipinas at labas ng bansa.

Hindi na nagkikita sina Belinda at Miguel dahil buong panahon ni Belinda ay nakapako na sa kaniyang nobyo.

Ngunit hindi pa rin nagpabaya si Miguel. Araw-araw pa rin siyang nagpapadala ng text message o chat message sa kaibigan; upang paalalahanan ito at makibalita kung ano na ba ang nangyayari. Minsan, nakakatugon ito, subalit sa mas madalas na pagkakataon, ni hindi man lamang nito nasisilip ang kaniyang mensahe.

Hanggang sa isang araw, hindi inaasahan ni Miguel ang pagdating ni Belinda sa kaniyang bahay. Gulo-gulo ang buhok nito. Namumula ang kaliwang pisngi. Nalusaw ang eye shadow nito dahil sa pagtulo ng mga luha.

“Anong nangyari sa ‘yo?”

“Migz… si Ricardo…”

Ikinuwento ni Belinda kung paano siya ipinahiya ng misis nito habang sila ay kumakain sa restaurant. Pamilyado na pala si Ricardo. Agad na nakipaghiwalay si Belinda nang malaman niya na kabit lang pala siya nito.

“Bakit ba ang malas-malas ko pagdating sa pag-ibig?”

“Hindi ka malas sa pag-ibig, Belinda. Siguro nagkakamali ka lang sa mga nagugustuhan mo, pero darating din ang lalaking magmamahal sa iyo nang tapat. ‘Yung hindi ka sasaktan. Ako, Belinda, kaya kitang mahalin nang wagas kung bubuksan mo lang ang puso mo sa akin…”

Natigilan si Belinda. Natigilan din si Miguel sa kaniyang mga nasabi. Ngunit huli na ang lahat. Naibuking na niya ang sarili.

Matagal na niyang lihim na minamahal si Belinda noon pa man. Tinangka niya itong ligawan subalit taliwas naman sa mga pamantayan nito ang mga katangian niya, kaya hindi pa man siya nagsisimula, nabahag na ang buntot niya. Naging magkaibigan tuloy sila.

“Alam ko namang hindi ako ganoong kaguwapo, hindi kagandahan ang katawan ko, hindi ako mayaman… pero kaya kitang mahalin nang sobra-sobra…”

“Tumigil ka, Miguel. Tingnan mo nga ang hitsura mo. Hindi ka bagay sa akin,” at umalis na si Belinda. Nasaktan naman si Miguel.

At lumipas ang mga araw. Hindi na nagparamdam si Miguel kay Belinda, na kinasanayan na ng dalaga.

Saka napagtanto ni Belinda na kung tutuusin, mas naging ‘jowa’ pa niya si Miguel sa mga pag-aasikasong ginawa nito sa kaniya, mula noon hanggang ngayon.

Ramdam naman niya, hindi naman siya manhid, alam niya at nararamdaman niyang may espesyal na pagtingin sa kaniya ang kaibigan.

Kung tutuusin, gusto rin naman niya si Miguel ngunit hindi nga ito pasok sa kaniyang pamantayan.

Habang tumatagal ang mga araw, mas tumitindi ang pangungulila ni Belinda kay Miguel. Kaya naman, siya na mismo ang nagpunta ulit sa bahay nito.

At iyon na nga ang simula ng kanilang pag-iibigan.

Tumagal ang kanilang relasyon ng dalawang taon at agad na nagpakasal.

Kung titingnan ni Belinda si Miguel, malayong-malayo ito sa ideyal na lalaking pinangarap niyang maghaharap sa kaniya sa dambana.

Pero malayong-malayo rin si Miguel sa kaniyang mga nakarelasyon dahil mas maalaga ito, mas responsable, at mas mamahalin siya.

At napagtanto ni Belinda na matagal na niyang mahal si Miguel.

Dahil pinili niya itong pakasalan at makasama habambuhay, kahit na malayo ito sa kaniyang pamantayan.

Advertisement