Inday TrendingInday Trending
Hindi Nagustuhan ng Ama ang Nakikitang Pakikitungo ng Anak sa Kanilang mga Empleyado; Isang Leksyon ang Magpapabago ng Lahat

Hindi Nagustuhan ng Ama ang Nakikitang Pakikitungo ng Anak sa Kanilang mga Empleyado; Isang Leksyon ang Magpapabago ng Lahat

“Ano?! Bakit kailangan kong bumaba sa ganoong lebel, papa! Anak niyo ako at hindi ba nararapat lang naman na ako ang sumunod sa pwesto mo? Bakit kailangan kong maging isang taga-linis gayong ang trabahong iyon ay hindi naman nababagay para sa kagaya ko?!” reklamo ni Emmanuel sa amang si Manuel.

“Tama ka, Emmanuel. Anak kita at nararapat lamang na ilagay kita sa posisyon kung saan ka nararapat, iyon ay ang posisyong susunod sa yapak ko bilang ako ang ama mo. Pero sa nakikita kong pakikitungo mo sa mga trabahante natin ay mukhang marami ka pang kanin na dapat kainin,” ani Manuel sa anak.

Nakita niya kasi kung paano nitong tratuhin at maliitin ang mga gwardiya sa kumpaniya, ang mga janitor na siyang naglilinis sa buong kumpaniya nila at ang iba pang mga trabahanteng nasa mababang posisyon.

Hindi por que mababa lamang ang posisyon nila sa buhay ay dapat mababa na rin ang tingin mo sa kanila. Kailanman ay hindi naging ganoon ang turing ni Manuel sa mga taong nagtatrabaho sa kaniya. Kung wala ang mga ito ay wala ring silbi ang kahiraang kaniyang pinaghirapang itayo. Mababa man o nasa mataas na estado ng posisyon ang kinalalagyan ng mga tauhan niya’y lahat iyon ay kaniyang iginagalang, dahil para sa kaniya ay pantay-pantay ang lahat ng tao. Ngunit hindi iyon ang nakikita niyang pakikitungo ni Emmanuel sa mga ito, kaya kinakailangan niya na sigurong turuan ito ng leksyon.

Lunes, unang araw ni Emmanuel sa trabaho bilang isang janitor. Bitbit ang mop at iba pang gamit panglinis ay nakasalubong ang kilay niya habang nilalampaso ang naka-tiles na sahig. Hindi niya lubos maisip na mangyayari ang bagay na ito sa kaniya. Kung may makakakita sa kaniyang ng kakilala, malamang ay pagtatawanan siya ng mga ito at aasarin.

Gusto niyang kasuklaman ang naging desisyon ng ama. Hindi niya alam kung bakit pinaparusahan siya nito nang ganoon.

“Pare, pagkatapos mo d’yan ay samahan mo ako sa may banda roon,” anang lalaki.

Kanina ay isa-isang nagpakilala sa kaniya ang lahat ng mga janitor na kanyang makakasama. Itong kumakausap sa kaniya ngayon, kung hindi siya nagkakamali ay si Niel.

“Kailangan nating linisin ang salaming bintana. Hindi ka naman siguro matatakutin sa itaas?” dugtong nito.

Gusto niyang singhalan ang lalaki! Gusto niyang ipaalam rito kung sino siya at kung ano-ano ang kaya niyang gawin sa buhay. Mayaman siya, at kaya niyang mag-sky diving kaya walang rason upang matakot sa matataas na lugar. Siya ang ang anak ng may-ari ng kumapanyang ito at kung tutuusin ay wala itong karapatang kausapin siya nang ganoon ka-kaswal! Ngunit agad rin niyang sinuway ang sarili at inalala ang naging banta sa kaniya ng ama.

Bawal niyang ipakilala ang sarili sa lahat. Ordinaryong tao siya, siya si Emmanuel, na hindi anak ni Manuel. Kapag nangyaring lumabag siya sa kasunduan ay madadagdagan ang kaniyang parusa!

“Sige pare,” aniya saka marahang tumango.

Ngumiti ito saka tinapik ang kaniyang balikat bago naglakad palayo sa kaniyang pwesto. Gusto niyang mainis at singhalan ito, ngunit agad ring sinuway ang sarili. Kung hindi lamang dahil sa kasunduan nila ng ama baka nagwala na siya kanina pa!

“Emmanuel, halika’t sumalo na rito,” aya ni Mang Delfin.

Ayon kay Neil ay si Mang Delfin ang pinakamatandang trabahante sa kumapanyang ito. Binata pa lang ito noong unang nag-trabaho bilang janitor, ngayon ay isa na ito sa mga manager ng mga kagaya nila. Ugali raw talaga nitong makipagsalo-salo sa iba pang trabahante sa tuwing alas-dose na ng tanghali.

“Kumuha ka nitong ulam, Emmanuel,” ani Mang Delfin. “Huwag kang mahiya sa’min, mga walang-hiya naman kami rito,” dugtong nito saka humalakhak ng tawa.

Ito ang unang araw niya bilang isang janitor ng sarili nilang kumpanya at doon niya napagtanto na kahit gaano kahirap ang trabaho sa buong maghapon ay masaya pa rin ang lahat sa tuwing nagkakatipon-tipon.

Madali niyang nakagaanan ang lahat at nakasundo. Hindi na maalala ni Emmanuel kung kailan nangyari ang pagbabago sa kaniya, ngunit palagi siyang nasasabik na pumasok sa trabaho at hindi alintana kung nakakapagod ito, dahil ang mas gusto niyang parte sa trabaho ay ang pananghalian. Iyong nagkakatipon-tipon ang lahat at nagtatawanan.

Kaya noong tinanggal na ng kaniyang ama ang parusang ginawa ay nakaramdam siya ng lungkot at pangamba. Baka layuan na siya ng mga naging kaibigan sa trabaho dahil sa sitwasyong hindi pala siya ordinaryo, sapagkat siya pala ang boss ng mga ito.

“Grabe! Ang swerte pala namin, kasi akalain mo ‘yon, hindi ka lang namin nakasama sa trabaho, naging kaibigan kampa naming lahat dito!” ani Neil, halata ang ilang na pilit itinatago ng matamis na ngiti.

“Salamat at maluwag niyo akong tinanggap noon. Ang dami niyong naituro sa’kin, sana kahit nagbago man ang lahat, huwag magbago ang pakikitungo niyo sa’kin,” aniya. Gusyo niyang maiyak sa lungkot na biglang naramdaman. “Ako pa rin ito, si Emmanuel, na madalas ay kabiruan ninyo,” aniya.

Matatamis na ngumiti ang lahat saka sabay-sabay silang nagyakapan lahat. Ayaw niyang magbago ang pakikitungo ng mga ito sa kaniya. Naging malawak ang kaniyang pang-unawa mula noong nakasama at nakakakwentuhan niya ang mga ito. Ngayon niya napagtanto na tama lamang ang ginawang parusa ng kaniyang ama. Ang daming pintuang nagbukas, ang dami niyang nalaman na totoong kwento at ang dami niyang nakilalang mga totoong tao na handa kang tanggapin at maging tunay na kaibigan na walang hihingiing kapalit mula sa’yo.

Kahit siya na ang presidente ng kumpanya, tuwing tanghalian ay pumupunta pa rin siya sa mga dating kasama at doon nakikisabay kumain. Aanhin niya ang kumportableng upuan at masarap na pagkain kung walang masayang kwentuhan?

Laking pasasalamat ng kaniyang ama na naging epektibo ang estratehiyang ginawa nito na talagang nakapagpabago sa kaniya. Ngayo’y sigurado na itong magiging epektibo at mahusay nang pinuno ang anak niya.

Advertisement