Inday TrendingInday Trending
Iniiyak na Lamang ng Isang Ina ang Pagod sa Pagtuturo sa Kaniyang Anak; Napagtanto Niyang Sobrang Bigat pala ng Obligasyon ng Isang Guro

Iniiyak na Lamang ng Isang Ina ang Pagod sa Pagtuturo sa Kaniyang Anak; Napagtanto Niyang Sobrang Bigat pala ng Obligasyon ng Isang Guro

Kagagaling lamang ni Amy sa trabaho, kaya nagpasya siyang umupo na muna saglit upang makagpahinga. Nakakapagod ang maghapong trabaho, at ngayon pa nga lang ay gusto na niyang ipikit ang mga mata at itulog ang nakakapagod na pakiramdam. Kaso, agad din niyang sinaway ang sarili nang maalala ang mga biniling ulam para sa kanilang hapunan. Kapag hindi niya iyon inasikaso ay baka masira lamang ito at masayang.

Pero bago niya asikasuhin ang mga dapat asikasuhin ay ipipikit niya muna saglit ang kaniyang mga mata. Akmang ipipikit na niya ang nahahapong mga mata nang lumapit sa kaniya ang panganay niyang anak bitbit ang modyul nito at lapis.

“‘Ma, turuan mo naman ako sa modyul ko,” ani Sarah.

Napapagod man ay pinilit ni Amy na idilat ang mga mata upang harapin ang nagpapatulong niyang anak.

“Hindi mo pa ba nasasagutan iyan, anak?” aniya.

Umiling-iling ito saka naghanap ng mapupwestuhan.

“Hindi ko kasi alam ang ibig sabihin nito,” ani Sarah, sabay turo sa mga sasagutan na blanko nitong iniwan.

Grade 4 pa lamang si Sarah habang ang kaniyang bunsong anak na si Samuel ay kinder. Bukod sa pagiging ina, asawa, at empleyado, isama na ang pagiging guro niya sa dalawang anak, ay isa rin siyang katulong sa bahay na ito kaya hindi rin kataka-taka kung bakit pagod na pagod ang katawan niya.

“Pwede bang mamaya na lang ‘yan, anak, pagdating ni papa? Si papa na lang ang magtuturo niyan sa’yo. Pagod kasi si mama, ‘nak,” nakikiusap niyang wika sa anak.

Mukhang naintindihan naman nito ang ibig niyang sabihin kaya muli itong tumayo at naglakad pabalik sa kwarto dala ang lapis at modyul. Hindi na niya talaga kayang turuan pa ito. Kaya ipapasa na muna niya sa kaniyang mister ang gawaing iyon. Isang malalim na buntong hininga ang pinakawalan ni Amy at tumingala sa kawalan saka kinausap ang sarili.

“Kailan ba babalik ang face to face class at para mabawasan man lang kaunti ang suliranin ko sa buhay?” bulong niya.

Ngayon niya mas napagtanto kung gaano kahalaga ang papel ng mga guro sa buhay ng mga anak niya. Tama nga ang matandang paniniwala na ang guro ang siyang pangalawang ina ng mga bata, dahil sila ang humuhubog upang turuan ang mga ito sa mga bagay-bagay na hindi na kayang ituro ng mga tunay na magulang. Sila bilang mga magulang ay naroroon lamang upang alalayan at suportahan ang mga anak, habang ang mga guro ang siyang nagtuturo ng kaalaman sa mga bata.

Tumayo na lamang si Amy upang asikasuhin ang mga dapat pa niyang asikasuhin. Abala siya sa pagluluto nang dumating ang kaniyang asawang si Jobert. Nasa pintuan pa kang ang asawa’y agad niya na itong kinausap tungkol sa suliranin ng anak nila tungkol sa modyul.

“Jobert, turuan mo nga si Sarah sa modyul niya. Kanina kasi’y nagpapatulong siya sa’kin ang kaso ay hindi ko na talaga kayang gawin ang bagay na iyon, pagod na pagod na ako, Jobert,” reklamo niya rito.

Ngunit imbes na gumaan ang pakiramdam niya’y mas lalo iyong bumigat dahil sa naging sagot ng asawa.

“Ayoko, Amy! Pagod na rin ako sa trabaho,” tanggi nito.

Pakiramdam ni Amy ay umakyat sa bubong ng bahay nila ang kaniyang sungay sa narinig na pagtanggi ng asawa, kaya hinarap niya ito at hindi napigilang bungangaan.

“Ikaw lang ba ang pagod!? Sa tingin mo, ako, hindi pagod?!” singhal niya. “Bago ako pumasok sa trabaho, pinapaliguan ko ang mga anak mo, nagluluto ako ng almusal nating lahat at kung ano-ano pa ang mga dapat na gawin. Tapos ikaw, babangon ka lang, maliligo, kakain at papasok sa trabaho. Pag-uwi naman ay namamalengke pa ako, nagluluto para may makain kayo, tapos ikaw uuwi ka hihilata d’yan sa upuan na parang hari, tapos pagod ka! P*unyeta! Huwag mo akong simulan, Jobert!” inis na inis niyang litanya.

Sa sobrang inis na pinaghalong pagod, antok at sakit ng katawan ay hindi na napigilan ni Amy ang umiyak. Pagod na rin siya pero hindi niya magawang magreklamo dahil alam niya ang kaniyang obligasyon. Sadyang hindi na nga lang niya kaya pang gawin ang lahat kaya ipinapasa niya ito sa kaniyang asawa. Kaya hindi niya matanggap sa sarili ang dahilan nito, dahil kung tutuusin ay mas nakakapagod ang ginagawa niya.

Niyakap siya ng asawa at pinatahan habang panay ang hingi ng paumanhin sa naging asal kanina.

“Sorry na. Ako na ang bahala kay Sarah at Samuel, hindi mo naman kailangang magalit,” mahinahong wika ni Jobert.

“Hindi ko gustong magalit, kaso pagod na rin ako. Gusto ko nang matulog pero hindi pwede kasi kailangan nating kumain… may mga kailangan pa akong gawin. Ang itutulog at ipapahinga ko, ituturo ko pa sa mga anak natin,” ani Amy saka humagulhol sa bisig ng asawa.

Ramdam ni Jobert ang labis na paghihirap ng kaniyang asawa. Mahirap lamang ang buhay nila kaya kailangan nilang kumayod mag-asawa upang matugunan ang pangangailangan ng pamilya nila. Idagdag pa ang pagtuturo sa anak nila, at totoong hindi madaling magturo.

Mula noong nagkapandemya at hindi na nakakapasok sa eskwelahan ang mga bata at nagsimula ang modyul para sa patuloy na pag-aaral ng mga ito, labis ang naging pahiram niyon sa mga kagaya nilang magulang. Bukod kasi sa paghahanap-buhay ay kinailangan pa nilang maglaan ng oras para turuan ang mga anak nila. Tama si Amy, ang itutulog at ipapahinga nila ay napupunta na lamang sa magdamagang sagutan ng mga modyul, kaya hindi niya rin masisi si Amy kung bakit nakakaramdam ito ng pagod.

Sa mga magulang na gaya ni Jobert at Amy, wala silang ibang hinihiling kung ‘di sana’y bumalik na ang lahat sa normal at makapasok na sa paaralan ang mga anak nila. Hindi madali ang magturo at maging guro. Kaya bilang isang magulang ay labis ang bilib niya sa mga guro na hindi lang iisang bata ang kayang turuan, may ibang higit sa singkwentang estudyante ang tinuturuan. Kaya sana nga… bumalik na sa normal ang lahat at nakakapasok na ang mga bata sa paaralan, upang hindi na masyadong mabigatan ang mga magulang na naghahanapbuhay para sa pamilya nila.

Advertisement