Inday TrendingInday Trending
Bigla na Lamang Nanlamig ang Nobyo, Masaya naman ang Samahan Nila at Walang Naging Problema; Bakit Tila Nangyari na Ito Noon?

Bigla na Lamang Nanlamig ang Nobyo, Masaya naman ang Samahan Nila at Walang Naging Problema; Bakit Tila Nangyari na Ito Noon?

Naglalakad pauwi si Erika habang panay ang agos ng kaniyang luha. Hindi niya kayang pigilan ang sariling hindi umiyak sa natuklasang pagtataksil ng kaniyang nobyong si Kyle.

Anim na taon na ang kanilang relasyon, kasal at anak na nga lang ang kulang sa kanila upang mas maging matibay ang kanilang pagmamahal. Akala niya’y maayos na ang lahat, at magsasama sila hanggang sa kanilang pagtanda. Pero bakit bigla na lamang gumulo ang lahat?

Nagsimula ang lahat ng ito mula noong napansin niyang palagi na itong nali-late sa pag-uwi. Ang uwi nito galing sa trabaho ay alas-syete, pero nakakarating ito sa bahay nila ng alas-dyes o minsan at mag-aalas-dose na ng gabi.

Nang minsan naman niya itong tinanong at sinita ay sinabi lamang nitong may mga inasikaso lang sa trabaho at kinailangang mag-over-night. Pero iba pa rin talaga ang kutob niya hanggang sa nakasalubong niya nang hindi sinasadya ang dating nobya ni Kyle at nagkausap silang dalawa.

“Alam kong wala akong karapatang tanungin ito sa’yo, pero talagang naguguluhan na ako sa nangyayari kay Kyle. Maayos naman kami at walang problema, hindi kami nag-aaway, pero may iba talaga sa kaniya,” aniya at ipinaliwanag ang mga bagay na napansin niya sa nobyo.

Matamis na ngumiti si Abigael saka maingat na hinawakan ang kaniyang kamay.

“Naiintindihan ko ang nararamdaman mo, Erika, dahil dati ko ring pinagdaanan ang bagay na iyan,” anito.

Hindi man sobrang lapit nila sa isa’t isa ay masasabi naman ni Erika na kahit papaano’y hindi masama ang loob ni Abigael sa kaniya. Dalawang taon nang magkahiwalay si Abigael at Kyle noong pumasok siya sa buhay ng nobyo. Nakilala niya noon ang babae nang minsang pareho silang dumalo sa birthday celebration ni Gian, ang mutual friends ni Kyle at Abigael.

“Kapareho mo’y wala rin akong ideya noon na may ginagawa na pala si Kyle sa likuran ko. Hindi ko sinasabing nangyayari sa relasyon niyo ngayon ang nangyari sa relasyon namin noon. Pero kagaya ng nararamdaman mo ngayon ay iyan rin ang naramdaman ko noon. Bakit hindi mo subukang alamin mismo sa sarili mo kung ano ang nangyayari?” hamon ni Abigael sa kaniya. “Ikaw lang mismo ang makakasagot sa mga bagay na nagpapagulo sa isipan mo, Erika.”

Dahil sa sinabi ni Abigael ay nagkaroon siya ng lakas ng loob na sundan at manmanan ang bawat galaw ni Kyle. Sa anim na taon nilang relasyon ay masyado siyang naging kampante at nagtiwala sa nobyo. Hindi niya kailanman naisip na pwede pa pala siyang lokohin nito.

At iyon nga ang kaniyang nasaksihan. May iba na pala itong nobya at wala siyang kaide-ideya! Ayon pa sa mga nakakakilala sa kanila ay sinabi raw ni Kyle na matagal na silang hiwalay at siya ang dahilan kaya nagtapos ang relasyon nila. Siniraan siya nito sa lahat upang bumango ang pangalan nito sa bagong babaeng minahal.

Umuuwi ito sa kaniya at nagpapanggap na masaya itong kasama siya, iyon naman pala’y dahan-dahan na siya nitong sinasaks*k sa kaniyang likuran. Lalong lumakas ang kaniyang paghagulhol sa naisip. Kung hindi na pala siya mahal ng lalaki, bakit hindi na lang ito pormal na nakipaghiwalay sa kaniya?

Alas onse ng gabi nang dumating si Kyle sa bahay nila. Nakangiti itong bumungad sa kaniya na para bang wala itong kasalanang ginawa. Hindi pa man ito nakakalapit sa pwesto niya’y sinalubong niya na ito ng isang malakas na sampal.

“B-bakit?” takang tanong nito, sapo-sapo ang nasaktang pisngi.

“Kulang pa ang sampal na iyan sa ginawa mong panloloko sa’kin, Kyle!” nagtatagis ang bagang niyang sambit.

Imbes na umamin ay nagmamaang-maangan pa ito at ayaw umamin sa mga isiniwalat niyang panloloko nito.

“Tama na! Ayoko nang maniwala sa lahat ng kasinungalingan mo,” humihibi niyang wika.

Nasasaktan siya! Hindi madaling bitawan ang anim na taong samahan. Sinasabi ng isip niyang palayasin ito at tanggalin na nang tuluyan sa buhay niya, pero sinasabi naman ng kaniyang puso na isa pa! Handa siyang magpatawad, basta mangako lang itong hindi na uulitin ang nagawa. Handa siyang magpaka-t@nga dahil mahal niya si Kyle… mahal na mahal niya ito.

“I’m sorry, Erika,” humahagulhol nitong wika. “Napakalaki ng kasalanan ko, pero handa akong magbago huwag mo lang akong iwanan,” nagsusumamo nitong sambit.

Natukso lang daw ito sa bagong kasama sa trabaho, kaya sinubukan nitong ligawan ang dalaga at kumagat naman sa pain nito kaya naging sila. Pero wala raw sa isip nitong iwanan siya. Mawala na raw ang lahat huwag lang siya.

Ngunit pakiramdam ni Erika ay nabingi na siya sa lahat nang kasinungalingang nasaksihan niya. Mahal niya si Kyle, pero kasama ng pagmamahal na iyon ay ang galit na hindi niya alam kung paano tatanggalin sa puso niya.

Hindi man pumayag ang nobyo ay nagdesisyon si Erika na makipaghiwalay sa nobyo.

“Pakiramdam ko nasasakal ako sa lahat ng kasinungalingang nasaksihan ko sa araw na ito, Kyle!” umiiyak niyang sambit, hawak-hawak ang kaliwang dibdib.

“Kung talagang mahal ko ako, patunayan mo iyon sa’kin. Kung talagang gusto mong magbago, ipakita mo sa’kin ang pagbabago. At kung talagang para tayo sa isa’t-isa…” nahihirapan niyang sambit.

Hindi iyon ang nais niyang sabihin. Pero dala ng kaniyang pride ay nais niyang gawin ang bagay na iyon.

“Tayo pa rin ang itatadhana sa dulo,” aniya saka tumalikod.

Pagkauwi niya kanina ay agad niyang inempake ang lahat ng kailangan niyang gamit. Uuwi na muna siya sa poder ng kaniyang mga magulang. Hindi man niya gustong makita nitong nasasaktan siya’y wala siyang magawa. Wala siyang ibang maisip na puntahan kung ‘di ang bahay nila. Wala siyang ibang maisip na iyakan at yakapin kung ‘di ang mga magulang niya.

Walang nagawa si Kyle sa naging desisyon ni Erika. Kahit magmakaawa man ito at umiyak sa harapan niya’y buo na ang kaniyang pasya. Aalis siya hindi dahil hindi na niya mahal ang nobyo. Aalis siya dahil nais niyang malaman nito ang kaniyang halaga.

Kung anuman ang kahihinatnan ng paghihiwalay nila… kung magkakabalikan man sila o tuluyan nang maghihiwalay ay tanggap na iyon ni Erika.

Advertisement