Inday TrendingInday Trending
Nananatiling Misteryo ang Pagkawala ng Kanilang Kapatid; Kailan Kaya Nila Malalaman ang Katotohanan sa Likod Nito?

Nananatiling Misteryo ang Pagkawala ng Kanilang Kapatid; Kailan Kaya Nila Malalaman ang Katotohanan sa Likod Nito?

Kay aga aga ngunit tagaktak na ang pawis ni Mabelle dahil kinabukasan ay darating na ang kaniyang mga kapatid na nanggaling pa sa iba’t ibang lugar. Mayroong nagmula pa ng Maynila, mayroon din namang galing Amerika at ibang probinsya. Isang dekada na rin mula noong huli silang magkita kita. At ngayong muli silang magtatagpo na limang magkakapatid, nais ni Mabelle na mapasaya ang mga kapatid sa simpleng isang linggo ng kanilang bakasyon sa bahay.

“Day, kuhain mo nga dito si mama at hindi natin maaayos ang mga kubyertos dahil ikakalat lang ito nang ikakalat dito ni mama,” utos ni Mabelle sa kanilang nag-iisang kasambahay. Kaagad naman nitong hinila ang matanda at isinara ang kwarto nito.

Nagpatuloy ang paghahanda ni Mabelle hanggang masiguro na malinis at nasa ayos ang lahat ng kagamitan. Wala siyang naging asawa’t mga anak kahit siya ay panganay sa magkakapatid. Hindi naman ito problema sa kaniya gayong marami naman siyang mga pamangkin na alam niyang aalagaan siya pagdating ng panahon. Isa pa, sapat ang kaniyang kinikita sa kaniyang mga negosyo upang maalagaan ang sarili sa hinaharap.

Kinabukasan, isa isang nagsidatingan ang magkakapatid na sina Marie, Sunshine, Daniel, at Donito. Ang lahat ay sinalubong ni Mabelle ng mahigpit na yakap at nagsimulang magkaroon ng salu-salo sa pananghalian. Makikita naman na ang lahat ay masayang nagkukwentuhan ng kanilang mga istorya noong sila ay bata pa.

“Grabe ‘no? Sobrang tagal na nung huli kong uwi dito sa bahay natin,” anang bunso na si Donito na galing pa ng Amerika.

“Siya nga pala, ate, nasaan nga pala si mama?” pagtataka naman ni Sunshine.

“Nandoon iyon malamang sa hardin at binabantayan maigi ang puno niya,” tugon naman ni Mabelle.

“Hindi na nakakakilala si mama simula noong mawala ang kapatid nating si Sadam. Nalungkot kasi nang sobra, sinisisi niya ang sarili sa pagkawala ng kapatid natin,” dagdag pa ni Mabelle. Nang matapos sa kaniyang sinabi, nagkaroon ng katahimikan sa pagitan ng lahat. Ang bawat isa ay napaisip nang malalim kung nasaan na nga kaya ang kanilang kapatid na bigla na lamang nawala noong sila ay mga bata pa.

“Oh, siya! Sumunod tayo kay mama sa hardin at batiin niyo. Baka sakaling makilala niya tayo, ‘di ba?” masayang tono naman ni Mabelle na siyang bumasag sa katahimikan.

Mabilis na nagsipuntahan ang magkakapatid sa kinaroroonan ng kanilang ina na abala naman sa paglilinis at pagdidilig maya maya ng kaniyang puno na sing laki na ng isang gusali. Nangamba naman ang magkakapatid nang mapansin ang kilos ng kanilang ina na hindi sila nakilala.

“Umalis kayo dito! Alis! Natutulog ang anak ko!” malakas na sigaw ni Aling Ida kasabay ang pananaboy sa kaniyang mga anak. Agad namang umalis roon ang lahat dahil hindi makakabuti sa matanda kung ito ay labis na magagalit. Sa sala, muling nag-usap ang magkakapatid ukol sa kanilang ina.

“Bakit naman ganiyan si mama, ate? Hindi na ba siya umiinom ng gamot niya?” nag-aalalang tanong ni Daniel.

“Itinigil na namin simula noong nahuli namin siyang iniipon ang mga gamot niya tapos nagtangka siyang bawian ng buhay ang sarili sa pag-inom ng naipon niyang mga gamot. Sabi naman ng doktor, wala na raw talagang pag-asa ang mama at dapat alagaan na lang talaga,” paliwanag naman ni Mabelle. Subalit iba naman ang napansin ni Marie.

“Ate, dapat ipaputol na ‘yong puno kasi sobrang laki na. Nakita mo ba ‘yong mga ugat? Sobrang laki at nasisira na ang semento ng bahay. Delikado na ‘yan lalo na kung lumindol o bumagyo nang malakas!” pahiwatig naman nito. Subalit sumagot si Mabelle na hindi kailanman pumapayag ang ina na mayroong lumapit sa puno na iyon.

“Hindi ‘yan pwede, te. Ipaputol natin ‘yan bago pa man kami umalis dito,” anang lahat na magkakapatid. Ayaw din naman ni Mabelle subalit totoo ngang hindi na makakabuti ang puno dahil sa laki nito at matagal na rin itong pinapaputol ng mismong kapitan ng kanilang barangay.

Nagdaan pa ang mga araw kung saan ang lahat ay masaya sa kanilang bakasyon. Walang tigil na hiyawan, gimik at galaan ang nangyari sa buong pamilya. Ang tanging pahinga lamang talaga ay ang oras ng kanilang pagtulog.

Dumating ang araw kung kailan ipapaputol na nila ang punong kahoy sa hardin. Upang hindi makita ng ina, siniguro nilang mahimbing itong natutulog sa kaniyang kwarto matapos itong bigyan ng gamot na pampatulog. Lumipas ang ilang mga oras at kinailangan pa ng mga makina upang maputol ang puno. Hanggang sa matagumpay nila itong naputol bandang hapon.

Nang mailabas na ang punong kahoy, kinabukasan ay babalik ang mga tauhan upang tanggalin naman mismo ang ugat nito na siyang sumisira ng kalsada. Ang lahat ng ito ay nangyari nang hindi nalalalaman ni Aling Ida.

Kinabukasan, maagang bumalik ang mga tauhan dala ang mga makina at kagamitan sa pagbungkal ng mismong ugat ng puno. Hirap na hirap man ang lahat ngunit matagumpay nilang nabungkal ang lupa at naialis ang mga ugat. Subalit isang nakagugulantang na bagay ang kanilang nakita! Isang kalans*y ng tao ang kanilang natagpuan.

Dahil sa labis na takot, nagpatawag ng pulis ang magkakapatid na siyang nag-imbestiga kung sino at ano ang kanilang natagpuan. Habang nasa kalagitnaan ng pagsusuri, lumabas si Aling Ida at labis ang kaniyang pagtangis nang makita na wala na ang puno.

“Sadam! Sadam! Anak ko!” hagulgol ng ale sa kalagitnaan ng lahat. Lalo nilang ikinagulat nang yakapin ng matanda ang kalansay at tawagin sa pangalan ng kanilang kapatid.

Hindi man katanggap-tanggap, napag-alaman ng magkakapatid na ang nawawala nilang kapatid ay aksidente raw nap*sl*ng ng kanilang ina matapos nitong maitulak sa hagdan. Dahil sa labis na takot, inilibing ito ng kanilang ina at saka tinamnan ng punong kahoy.

Dahil wala na sa tamang pag-iisip, hindi nasampahan ng kaso si Aling Ida. Sa kanilang maikling bakasyon, hindi lamang pangungulila sa isa’t isa ang kanilang nasolusyonan kundi pati na rin ang misteryo sa likod ng pagkawala ng kanilang minamahal na kapatid.

Advertisement