Dahil Depressed sa Pagbubuntis ay Nagtangka ang Babaeng Huwag nang Ituloy Ito, Isang Kanta ang Nagpabago sa Kanyang Pag-iisip
“Hayup ka! Walanghiya kang lalaki ka! Wala kang ibang ginawa kundi magpasarap lang nang magpasarap, samantalang ako ay hirap na hirap na sa pagbubuntis ko dito! Hindi mo man lang ako magawang uwian ng matinong pagkain!” mahabang litanya ni Charie sa kanyang live in partner na si Dido.
Maagang nagbuntis si Charie sa edad na 20 taong gulang, samantalang ang ka-live in niya ay mas bata sa kanya at 19 taong gulang. Kung kaya naman mas bata rin itong mag isip sa kanya na walang ibang ginawa pagkagaling sa trabaho, kundi maglaro ng online games na dota.
Inis na inis na siya sa lalaki. Gabi gabi na lang ay napu-frustrate siya dito dahil tila hindi pa ‘ata sawa sa pagkabinata ito. Kunsabagay, kahit siya naman ay hindi pa rin sawa sa pagkadalaga ngunit wala siyang ibang choice kundi iwan ang kanyang dating buhay upang harapin ang magiging buhay niya bilang ina.
“Pagod na pagod ako sa trabaho! So anong gusto mong gawin ko? Tumunganga sa bahay, makinig ng sermon mo magdamag?” sagot pa ng kanyang partner. “Hindi mo ba alam na ang pagdodota na lang ang paraan ko para mawala ang mga stress ko sa buhay, punyeta ka!”
Lalo siyang nainis sa makitid na dahilan nito, “Anong sabi mo? Dota ang pampawala ng stress mo sa buhay? Bakit? Sa tingin mo ba may ginagawa ako para mawala ang stress ko? Ako nga itong hindi dapat ang mastress dahil ako ang nagbubuntis. Tapos ikaw na walanghiya ka ikaw pa itong may ganang magrelax, bwisitin at gutumin ako gabi gabi? Ang kapal ng mukha mo!”
Nagngalit na si Dido, “Mas makapal ang mukha mong babae ka! Palibhasa haliparot ka kaya ‘ayan nabuntis tuloy kita nang hindi ko naman gusto!”
Nasampal niya nang malakas ang lalaki dahil sa labis labis na galit na nadarama niya para dito. Hindi niya inakalang gaganti rin ito nang pananakit at sinuntok siya. Mabuti na lang at sa braso niya lang iyon at hindi sa tiyan niya mismo, “Huwag mo kong masampal sampal Charie, ako ang nagpapalamon sayo, tandaan mo yan!”
Halos ibalibag pa siya nito sa pader bago siya tuluyang iwan nang luhaan at nag-iisa. Halos araw araw na lamang ang bangayan nila. Hindi na nagbago ang lalaki. Kahit na alam nitong magiging ama na siya ay tila wala pa itong pakialam sa kanya… sa kanilang mag-ina.
Kung minsan din ay napapatingin siya sa kanyang tiyan at naiisip na paano kaya kung wala ang kanyang anak sa kanyang tiyan? Siguro ay matagal na siyang kumawala sa walang hiya niyang live in partner. Baka wala na siyang aalalahanin ngayon at iiwan niya nalang basta ang lalaking nakabuntis sa kanya.
Iyak pa rin siya nang iyak nang gabing iyon. Halos madaling araw na ay wala pa rin si Dido. Hindi niya malaman kung bakit hanggang ngayon ay iniiyakan niya pa rin ang lalaking hindi man lang siya magawang itrato nang tama.
Hanggang sa makakita siya ng isang gamot na alam niyang ikakalaglag agad ng fetus sa kanyang tiyan. Dahan dahan niya itong nilapitan at saka tinitigan iyong mabuti. Matagal siyang tumitig dito at saka dahan dahang binuksan iyon.
Hanggang isang napakalakas na tugtog mula sa kanilang katabing kwarto ang kanyang narinig.
Hey lady, you lady cursing at your life. You’re a discontented mother…
Napahinto siya sa binabalak na gawin. Pinakinggan niya ang kanta na tila tamang tama para sa kanya.
I’ve no doubt you dream about the things you never do. But I wish someone had to talk to me like I want to talk you.
Napaisip siya sa sarili. Gustong gusto niyang makausap ang kanyang ina ngayon. Ang mama niyang miss na miss niya na dahil nilayasan niya noon. Ang buong akala niya kasi ay makakaya niya nang mabuhay kasama lamang si Dido.
Sometimes I’ve been to crying for unborn children that might have made me complete.
Lalong napaiyak si Charie sa halo-halong naiisip niya na ngayon. Sakto pang oras na iyon ay tumawag ang kanyang ina. Agad niyang sinagot ang tawag nito.
“Anak, okay ka lang ba?”
Hindi niya malaman kung paanong nalaman nito o kung paanong naramdaman ng mama niya na kailangang kailangan niya ngayon ito. Pero ang tanging naisagot niya dito ay ang katotohanan, “Hindi po, Ma… simula po nang mawalay ako sa inyo, hindi na po ako naging okay. Ma, sorry…”
Iyak siya nang iyak kahit sa telepono lang kausap ang kanyang ina. Naalala niya pa noong bata siya sa tuwing umiiyak siya ay palagi siyang pinapatawa ng kanyang ina.
“Anak…” seryosong sabi nito.
“Bakit po, Ma?”
“Ang baho. Umutot ka, ano?” natawa siya sa panibagong joke ng kanyang ina. Namiss niya ito. Miss na miss niya na ang iniwang pamilya para sa lalaking inakala niyang hindi siya pababayaan.
Kinabukasan ay sinundo siya ng mga magulang sa tinitirhan niya. Pansamantala siyang humiwalay kay Dido. Ngunit sinabi niya naman dito na kung magpapakatino ito nang tuluyang ay tatanggapin niya pa rin ito bilang ama ng kanyang anak. Ngunit sa ngayon, ang sarili, anak at pamilya niya muna ang uunahin niya.