Inday TrendingInday Trending
Nawalay sa Piling ng Ina ang Kaniyang Sanggol Dahil sa Pag-alburuto ng Bulkang Taal; Makalipas ang Pitong Taon, Ito Pala Ulit ang Maglalapit sa Kanilang Dalawa

Nawalay sa Piling ng Ina ang Kaniyang Sanggol Dahil sa Pag-alburuto ng Bulkang Taal; Makalipas ang Pitong Taon, Ito Pala Ulit ang Maglalapit sa Kanilang Dalawa

“Anak! Anak! Gising! Gising!”

Napabalikwas nang bangon si Racquel sa pagyugyog sa kaniya ni Aling Filomena. Binabangungot na naman siya. Agad siyang yumakap sa kaniyang ina. Tigmak ng luha ang kaniyang mga mukha.

“Uminom ka muna ng tubig, kumalma ka anak,” naiiyak na alo ni Aling Filomena sa kaniyang anak. Saglit nitong iniabot ang isang mug na may lamang tubig na nakalapag sa mesita sa ulunan ng kama ni Racquel.

“Ganoon pa rin ba ang panaginip mo?” tanong ni Aling Filomena.

“Opo, ‘Nay. Hinding-hindi ko mapapatawad ang sarili ko. Gusto kong mahanap ang aking anak. Nararamdaman ko, buhay pa siya. Buhay pa siya, ‘Nay,” humahagulgol na sabi ni Racquel.

Isang trahedya ang nangyari kay Racquel. Biktima siya ng panggagah*sa, na hindi niya nakilala sapagkat may takip ang mukha ng salarin at basta na lamang siyang iniwan sa talahiban. Nagbunga ang kahayupan. Noong una, nais itong ipalaglag ni Racquel. Subalit labis itong tinutulan ni Aling Filomena. Wala namang kasalanan ang bata. Hanggang sa ipinagpatuloy ni Racquel ang pagbubuntis. Habang tumatagal, tinanggap niya sa kaniyang sariling isa itong biyaya at hindi sumpa.

Matagumpay na naisilang ni Racquel ang sanggol. Isang napakagandang babae, subalit may balat ito sa bandang pisngi, sa ibabang bahagi, na malapit na rin sa baba. Kahit ganoon, hindi makapaniwala si Racquel na may anghel na bumaba mula sa langit upang pawiin ang kalungkutan at kasamaang namayani sa kaniya noong gabing iyon.

Subalit isang pangyayari ang hindi inaasahan. Nag-alburuto ang bulkang Taal, at isang malakas na pagyanig ang naganap. Noon ay nasa isang mall si Racquel, bitbit ang noon ay pitong buwang sanggol. Nawalan ng panimbang si Racquel sa malaking pagkagulat. Nagtakbuhan ang mga tao palabas ng mall. Nabangga si Racquel ng mga taong naghahagibisan. Hanggang sa magdilim ang lahat kay Racquel. Paggising niya, siya ay nasa isang klinika ng mall. Wala na ang kaniyang sanggol. Hindi niya alam kung sino ang nakapulot.

Halos mabaliw sa kahahanap si Racquel sa nawawalang anak. Ginawa na nila ang lahat. Nanawagan na sila sa lokal na radyo at telebisyon sa Batangas, gayundin sa social media. Kahit wala silang pera, nagbigay sila ng pabuya sa sinumang makapagtuturo kung nasaan ang kaniyang anak. Dumagsa naman ang mga nagmensaheng nagtuturo dito, subalit mga manloloko lamang pala.

Pitong taon na ang nakalilipas simula nang mawala ang kaniyang anak. Hanggang ngayon, hindi pa rin nawawalan ng pag-asa si Racquel na masusumpungan niya ito. May bahagi sa puso niya na nagsasabing buhay pa ito, at darating ang araw na muli silang magkikita at magyayakap.

Isang araw, makalipas ang pitong taon ay muling nag-alburuto ang Bulkang Taal. Kinakailangan nilang lumikas at manirahan pansamantala sa evacuation area. Walang nagawa sina Aling Filomena at Racquel kundi sumunod sa atas ng lokal na pamahalaan para sa kanilang pansariling kaligtasan.

“Nawala na sa akin ang aking anak, ayoko namang pati kayo ay mawala pa sa akin,” turan ni Racquel sa kaniyang ina.

“Hindi iyan mangyayari anak ko. Makikita pa natin ang apo ko. Makakasama pa natin siya,” sabi naman ni Aling Filomena.

Sa wakas ay nakarating na rin sila sa evacuation center. Mahusay naman ang kanilang lokal na pamahalaan dahil may mga evacuation tent na nakahanda na para sa lahat ng mga residenteng maaapektuhan ng posibleng pagsabog ng bulkan. May libreng pagkain, inumin, gamot, at ilang mga ayuda para sa kanila.

“’Nay, dito ka lamang. Pipila lang ako para sa pagkain,” bilin ni Racquel sa ina.

Pumila na nga si Racquel para sa kuhaan ng pagkain. Napakaraming mga tao na hindi magkamayaw sa pag-aayos ng kanilang bitbit na gamit. Nagtatakbuhan ang mga bata. Ang saya-saya pa nila. Mabuti pa ang mga bata, hindi pa nila nauunawaan kung gaano kalupit ang kapalaran. Payapa lamang. Muling sumagi ang lungkot sa puso ni Racquel nang maalala na naman ang nawawalang anak. Siguro, kasama ang kaniyang anak sa mga nagtatatakbo ngayon sa loob ng evacuation center kasama ang mga kalaro nito.

Subalit isang bata ang nahagip ng paningin ni Racquel: isang batang babaeng nakaupo sa isang tabi. May balat ito sa mukha. Sa pisngi. Naalala niya ang kaniyang nawawalang anak. Hinding-hindi niya makalilimutan ang balat na iyon.

Dali-dali siyang umalis ng pila at nilapitan ang bata. Kakaiba ang lukso ng dugong namayani sa kaniya nang makita ito, lalo nan ang magtagpo ang kanilang mga mata. Higit sa lahat, ang balat sa mukha nito.

“A-anak… anak ko!” nadala ng kaniyang damdamin si Racquel. Agad niyang niyakap ang bata. Nagulat naman ito sa kaniyang ginawa. Napatingin ang lahat sa kanilang dalawa. Pumalak ang batang babae. Lumapit ang isang babae sa kanila.

“Sandali lang ale, anong ginagawa mo sa anak ko?” mahinahong tanong ng ginang.

Dinaluhan naman ni Aling Filomena ang anak, at maging siya ay nagulat nang makita ang batang babae. Ipinaliwanag ni Racquel ang lahat-lahat sa ginang.

“Ikaw pala ang tunay niyang ina… ikaw pala iyon,” nasabi ng ginang.

Nagtugma ang salaysay ni Racquel at ang salaysay ng ginang. Nasa mall umano siya noon pitong taon na ang nakalilipas, nang maganap ang pagyanig. Nagtatakbuhan ang mga tao. Nakita niya ang sanggol na pakalat-kalat sa sahig. Kinuha niya ito. Naisip lamang umano niyang iligtas ang sanggol at baka maapakan ito sa stampede. Sa katarantahan, napatakbo na rin palabas ang naturang ginang bitbit ang sanggol.

Nilinaw naman daw ng ginang sa bata na hindi niya ito tunay na anak. Nang humupa na ang kaguluhan sa Batangas, sumailalim sila sa DNA testing. Gayon na lamang ang kagalakan ni Racquel nang magpositibo ang resulta. Anak nga niya ang batang babae, na pinangalanang Angela.

Sumama na si Angela kina Racquel, at unti-unti, sinikap ni Racquel na mapalapit sa kaniya ang loob ng anak. Sinong mag-aakalang ang pinaglayo ng pag-alburuto ng bulkan ang siyang maglalapit ulit sa kanilang mag-ina?

Makalipas ang ilang buwan, naging maayos na ang lahat. Napagtanto ni Racquel na sa buhay, huwag na huwag mawawalan ng pag-asa. May awa ang Diyos para sa mga kagaya niyang umaasa at nananalig sa Kaniya.

Advertisement