
Nagkasakit ang Masipag na Modistang Ina Kaya Hindi Malaman ng Magkapatid Kung Saan Kukuha ng Pambayad; Hindi Sila Makapaniwala sa Biyayang Hatid ng Antigong Panahian Nito
“Anong gagawin natin ngayon, ate? Mukhang mauubos ang savings natin kapag tumagal pa si Nanay sa ospital. Nakalapit na tayo sa Philhealth, SSS, at PAG-IBIG. Mga ilang buwan, sa hospital bills pa lang, masasaid na tayo.”
Iyan ang litanya ni Mae sa kaniyang ateng si Mary Ann. Sa hindi inaasahang pagkakataon, nagka-mild stroke ang kanilang inang si Aling Mercedes na isang modista. Naging buhay na nito ang pananahi ng mga damit; kahit siguro nakapikit, kayang-kaya nitong ipasok sa maliit na butas ng karayom ang sinulid.
“Subukin kong humingi ng tulong sa mga tita natin sa probinsiya. Tatawagan ko sila isa-isa. Kakapalan ko na ang mukha ko. Huwag kang mag-aalala. Gagawan natin nang paraan,” pag-aalo ni Mary Ann sa bunsong kapatid, kahit hindi siya nakatitiyak kung mapagbibigyan sila ng kanilang mga kaanak na matapobre.
“M-mga anak… p-pasensiya na k-kayo…” kahit nahihirapan ay pagpapaumanhin ni Aling Mercedes sa kaniyang dalawang anak. Mag-isa niyang itinaguyod ang dalawang anak na babae nang abandonahin sila ng kaniyang mister na sumakabilang-bahay na.
Lumapit ang dalawang anak kay Aling Mercedes.
“Nay, huwag ka na munang masyadong magsalita at nahihirapan pa kayo. Huwag ninyo kaming masyadong unawain. Kami na ang bahala sa mga gastusin dito sa ospital. Ang isipin ninyo ang paggaling po ninyo,” masuyong paalala ni Mary Ann sa ina. Nangilid ang luha ng kanilang ina at pumatak iyon sa nangangayayat nitong pisngi.
“Sandali lang po Nay, Ate, bibili lang ako nang makakain,” mabilis na paalam ni Mae. Agad siyang lumabas ng silid at nagtatatakbo patungo sa mini chapel ng ospital. Hindi niya napigilan ang pagbuhos ng emosyon. Hindi niya kayang makita ang kanilang pinakamamahal na inang nahihirapan sa banig ng karamdaman.
Nang mahismasan, naupo si Mae.
“Kinakailangang makaisip ako nang paraan kung paano matutulungan si Ate sa mga gastusin. Wala naman akong pera at trabaho. Paano kaya?”
Hanggang sa may maisip na paraan si Mae. Tutal nauuso naman ngayon ang online selling, bakit hindi na lamang siya magbenta ng mga paninda online? Subalit anong ibebenta niya? Kung mag-apply ka siya sa mga online sites? Mahusay sumulat si Mae. Mahilig siyang sumulat ng mga tula at maikling kuwento. Matulain siya. Subalit nangangailangan ba ngayon ng mga manunulat?
Hanggang sa pag-uwi sa kanilang bahay, iniisip pa rin ni Mae kung ano ang posibleng pagkakitaan upang makatulong naman kahit paano sa kanilang gastusin. Sa kaiisip, napatingin si Mae sa lumang lalagyanan ng panahian ng kanilang ina. Kinuha niya ito at binuksan.
Noong maliit pa sila ng kaniyang Ate, laging nagkukuwento ang kanilang Nanay pahinggil sa kasaysayan ng naturang panahian. Ayon sa kaniya, pamana pa raw niya iyon mula sa kanilang kanunu-nunuan. Kaya naman espesyal iyon para sa kaniya. Recuerdo o alaala iyon ng kanilang mga lola.
Naisip ni Mae, isanla o ibenta kaya niya ang naturang panahian? Subalit iwinaksi rin niya ang naisip. Sino naman ang magkakainteres sa mga kagamitan para sa pananahi? Wala naman itong halaga para sa iba. Isa pa, tiyak na magagalit ang kanilang Nanay. Lalo na siguro kapag ipina-barter o swap niya ito, na nauuso rin sa panahon ngayon.
Kinuhanan na lamang niya ng larawan ang naturang panahian. Ginawan niya nang makabagbag-damdaming caption na nagpupugay sa kanilang mahal na Nanay. Binanggit niya sa naturang post na may iniinda itong karamdaman. Saka siya nag-post sa kaniyang Facebook. Pagkaraan, natulog na siya. Ang kaniyang Ate naman ay nasa ospital. Bukas, siya naman ang relyebo.
Kinabukasan, paggising niya ay nagulat siya sa napakaraming mensahe sa kaniyang Facebook messenger! Bukod sa mga kaibigan at kakilala, mga ‘di-kilalang tao na nagnanais na magpaabot ng tulong para sa kanilang Nanay. Naging viral pala ang kaniyang post, dahil sa pages-share ng kaniyang mga kaibigan sa social media. Naantig ang mga netizens sa kaniyang post, kaya naman gusto nilang tulungan si Mae para sa gastusin sa ospital.
Agad na ipinagbigay-alam ni Mae sa kaniyang Ate ang nangyari. Tuwang-tuwa naman ito. Kinausap nila ang mga concerned netizen na naantig sa kaniyang viral post. Sa isang iglap lamang, nakalikom sila ng sapat na halaga para pambayad sa hospital bills ni Aling Mercedes, bukod pa sa patuloy nitong gamutan.
“Napakabuti ng Diyos. Hindi talaga Siya natutulog,” umiiyak na turan ni Mary Ann.
Tuluyang gumaling si Aling Mercedes dahil na rin sa tulong ng mga concerned netizens na nabagbag ang damdamin sa kaniyang kuwento. At dahil iyon sa makapangyarihang panulat ni Mae. Masaya silang namuhay ulit bitbit ang bagong pag-asa!