Inday TrendingInday Trending
Kaya Pala Iniiwasan ng Binata na Tuluyang Umibig sa Dalaga ay Dahil Mayroon Itong Malalang Sakit, May Naghihintay Pa Kayang Forever sa Kanila?

Kaya Pala Iniiwasan ng Binata na Tuluyang Umibig sa Dalaga ay Dahil Mayroon Itong Malalang Sakit, May Naghihintay Pa Kayang Forever sa Kanila?

Araw ng Sabado at papalubog na ang araw, isang binata ang nakatayo sa tapat ng simbahan at tila malalim ang iniisip. Di ano-ano’y may isang dalaga ang nakabunggo sa kanya. Sa lakas ng pagkakabunggo ay napaupo silang dalawa sa sementadong lapag. Agad namang tumayo ang binata at itinayo niya ang dalaga. Nang makatayo ay agad naman itong humingi ng paumanhin sa lalaki. Ngunit wala itong reaksyon kaya nagpakilala na ang dalaga.

“Hi, ako nga pala si Galea. Sorry ha, nasaktan ka ba, may masakit ba sa iyo?” aniya.

“W-wala naman,” sagot ng lalaki ngunit wala pa ring reaksyon ang mukha.

“Sigurado ka? Pasensya na ha? ‘Di ko talaga sinasadya,” patuloy na paumanhin ng babae na halatang nag-aalala. Tumango lang ito pero wala pa ring reaksyon. Paalis na si Galea nang maalala niya na di pa pala niya naitanong ang pangalan ng binata.

“Teka, ano nga palang pangalan mo?”

Napakunot ang noo ng lalaki pero sinagot naman ang tanong niya.

“Ako si Wilfred,” wika nito na halatang nagtataka.

Ngumiti si Galea at tuluyan ng nagpaalam rito.

Lunes ng umaga ay nagmamadali si Galea na pumasok sa eskwelahan. Agad siyang dumiretso sa silid aklatan. Marami pa kasi siyang gagawing proyekto at takdang aralin sa araw na iyon. Nang makarating siya doon ay may nakita siyang pamilyar na tao. Nilapitan niya ito at tinitigan ng mabuti at naalala niya na si Wilfred iyon. Gusto niya sanang kausapin ngunit nabatid niya na marami itong ginagawa kaya di na lang niya ito inabala. Pumuwesto na lamang siya sa pinakahuling upuan.

Maya-maya ay napansin niya ang binata na tila ‘di magkandaugaga kung paano nito dadalhin ang napakaraming libro kaya naisip niya itong tulungan. Nilapitan niya si Wilfred.

“You need help?” nakangiti niyang sabi.

“Teka, ikaw iyong nakabangga ko ‘di ba?” tanong nito. “Hindi na kaya ko naman ito, salamat na lang.” Pagtanggi ni Wilfred sa alok ni Galea.

Ngunit nagpumilit pa rin ang dalaga kaya wala nang nagawa si Wilfred, hinayaan na lang nito si Galea na tulungan siya. Simula noon ay lagi na silang nagkikita sa silid aklatan para sabay na mag-aral, hanggang sa mahulog ang loob ng dalawa sa isa’t isa.

Sa ‘di inaasahang pagkakataon ay nadulas si Galea at umamin siya ng nararamdaman para kay Wilfred, ngunit parang walang narinig ang binata at agad na iniba ang kanilang pinag-uusapan.

Ikinagulat ni Galea ang ginawang pag-iwas ni Wilfred pero inisip na lang niya na mas maganda na iyon kaysa sa iwasan siya nito.

Kinaumagahan ay nagtataka si Galea kung bakit maski anino ni Wilfred ay wala. Mukhang ayaw na nitong magpakita sa kanya. Inisip na lamang niya na baka busy at may mga importante lang itong inaasikaso.

Isang linggo na ang nakalipas ngunit ‘di pa rin pumapasok si Dexter sa eskwelahan. Nakaramdam ng matinding pag-aalala si Galea dahil halos lahat ng mga titser nila ay hinahanap na siya gayon din ang mga taong nakakakilala rito. Nang lumipas ang ilan pang mga araw ay mas lalong kinabahan si Galea dahil halos apat na linggo nang ‘di pumapasok si Wilfred kaya minabuti na nitong magtanung-tanong pero iisa lang ang sagot sa kanya ng mga pinagtatanungan niya, “Hindi ko alam.”

Hanggang isang lalaking estudyante ang lumapit sa kanya at sinabi kung saan nakatira si Wilfred. Agad namang nagpasalamat si Galea at pinuntahan ang lugar.

Nang marating ang lugar ay ganoon na lang ang pagtataka ni Galea. Ilang beses na kasi siyang kumakatok sa pinto ng bahay nina Wilfred pero walang sumasagot sa loob. Mabuti na lang at lumabas ang isang kapitbahay at nakita siya sa labas ng bahay ng binata.

“Ay walang tao diyan, hija!” wika ng isang matandang babae.

“Ganoon po ba? Nasaan po kaya ang mga tao dito?” nagtataka niyang tanong.

“Eh, sino bang hanap mo?” tanong ng kapitbahay.

“Si Wilfred po,” sagot ni Galea.

“Si Wilfred ba kamo? Nasa ospital siya ngayon. Balita ko nga malala na ang lagay. Kawawa nga ang batang iyon ang bait pa naman,” bunyag ng matanda.

“Po?” tangi niyang nasabi nang malamang nasa ospital ito at malala na raw ang lagay.

Agad na umalis si Galea at pumunta sa ospital kung saan naroon si Wilfred. Nang makarating ay agad niyang hinanap kung nasaan ang kuwarto ng binata. Nang mahanap ang tamang kuwarto ay agad niya iyong kinatok. Nang may nagbukas ng pinto, isang may edad na lalaki. Naabutan niya tila nag-iiyakan ang mga tao doon. Laking pagtataka niya ng walang pasyente ang nakahiga sa kama, puro mga tao lang na nag-iiyakan ang naroon.

Isang may edad na babae ang nagtanong sa kanya, “Ikaw ba si Galea na kaibigan ng aking anak?”

“Ako nga po. Ako po si Galea,” sagot niya sa babae.

Agad siyang niyakap ng babae.

“Ako ang kanyang ina, kasalukuyan siyang nawawala at sa ngayon ay ‘di namin mahanap. Tulungan mo kami, hija nag-aalala na kami sa kanya. ‘Di na namin alam ang gagawin, may sakit pa naman siya,” patuloy na iyak ng babae.

“Ano po bang sakit ni Wilfred?” tanong ni Galea na nagsisimula na ring mangilid ang luha sa mga oras na iyon..

Umalis sa pagkakayakap ang babae, “Si Wilfred ay may sakit sa bato. Di namin namalayan na lumalala na ito dahil hindi niya iniinom ang mga gamot na ibinigay sa kanya ng doktor. May tiyansa pa na makaligtas ang anak ko sa pamamagitan ng operasyon ngunit nawawala naman siya at hindi namin mahagilap.” Mas lalong lumakas ang paghagulgol ng babae.

Natulala si Galea sa mga narinig niya. Sa ngayon ay tulala pa rin siya at ‘di niya namalayang dinala siya ng mga paa niya sa tapat ng simbahan kung saan sila nagkita ng binata. Pumasok siya sa loob at laking gulat niya ng makita niyang nakaupo si Wilfred malapit sa may altar.

Nilapitan niya ito at tinanong, “Ano ba sa tingin mo ang ginagawa mo?” wika ni Galea sa nag-aalalang boses.

“Bakit ka umalis sa ospital? May sakit ka at kailangan mo nang ma-operahan,” dagdag pa nito.

Ngunit laking pagtataka niya ng ngumiti lang sa kanya si Wilfred at niyaya pa siya nitong umupo sa tabi nito.

“Alam mo ba sa simbahan na ito ako iniwan ng tunay kong mga magulang. Buti na lang at nakilala ko sina Mama at Papa. Kinupkop nila ako at ni minsan ay ‘di ko naramdaman na di nila ako tunay na anak. Itinuring nila ako na pag-aari nila,” wika ng binata habang nakatingin sa altar.

“At isa pa kung bakit mas lalong naging mahalaga sa akin ang lugar na ito ay dahil dito ko nakilala ang babaeng mamahalin ko habangbuhay at ikaw iyon Galea. Patawad kasi noong sinabi mo iyong nararamdaman mo sa akin ay nagbingibingihan ako, natatakot lang ako noon na baka masaktan ka lang dahil anumang oras ay maaari akong mawala dahil sa sakit ko. Ang gusto ko lang ay maging masaya ka pero nakikita kong nasasaktan na kita,” wika pa ni Wilfred.

Muli na namang dumaloy ang masaganang luha sa mga mata ni Galea sa sinabi sa kanya ng binata.

“Wilfred, ano ka ba? Halika na at bumalik na tayo sa ospital. Hinahanap ka na ng mga magulang mo. Baka kasi makasama pa sa iyo kung ‘di pa tayo babalik doon,” akmang tatayo na ang dalaga nang hawakan nito ang kamay niya.

“Ayoko ng bumalik doon, nakikiusap ako sa iyo, Galea,” pagmamakaawa ng binata.

Wala nang nagawa si Galea kaya tumango na lang siya. Hinigpitan ni Wilfred ang pagkakahawak nito sa kamay niya.

“Galea ipangako mo na aalagaan mo ang sarili mo at tutuparin mo lahat ng pangarap mo. At siyempre, huwag mong kakalimutang dalawin ako kapag natupad mo na lahat iyan,” hayag pa nito ng nakangiti.

“Ano bang…”

‘Di na natapos ang sasabihin ni Galea ng biglang magsalita si Wilfred

“Dito ako nagsimula kaya gusto ko dito rin ako magtapos kasi lahat ng nandito ay mahalaga para sa akin. Kaya sa tuwing maaalala mo ako, dito ka lang pumunta o kaya kapag nalulungkot ka, nandito lang ako pangako. Huwag mong kakalimutan iyan ha? Ipangako mo,” sambit ng binata at unti-unti nitong ipinatong ang ulo sa balikat niya.

Tumango naman si Galea na umiiyak pa din. Naramdaman na lang niya na unti-unting lumuluwag ang pagkakahawak sa kanya ng lalaki nang tingnan niya ito…

“W-Wilfred?”

Tatlong taon ang mabilis na lumipas. Nakatapos ng pag-aaral si Galea sa kolehiyo at kasalukuyang nagtatrabaho na sa malaking kumpanya. Nasa tapat siya ng simbahan kung saan una silang nagkakilala ni Wilfred. Pumasok siya sa loob at bigla na lang ngumiti ang mga labi niya at muli siyang naupo sa malapit sa altar kung saan sila nakaupo dati ng binata.

Nanalangin muna sumandali ang dalaga.

“Wilfred ito na, natupad ko na ang pangako ko sa iyo. Ilang taon na din na hindi kita kasama. Sobrang na mi-miss na kita. Alam mo….” Nag-uumpisa na namang tumulo ang kanyang mga luha nang biglang may tumawag mula sa kanyang likuran.

“Galea!”

Laking gulat niya ng makita si Wilfred at agad niya itong niyakap.

“N-nagbalik ka, ang tagal mong nawala” nagagalak na wika ng dalaga.

“Sabi naman sa iyo nandito lang ako.” Wika ni Wilfred habang yakap-yakap siya nang mahigpit.

“Salamat, Galea, kundi dahil sa iyo ay wala na sana ako dito, hindi sana ako naoperahan sa ibang bansa at tuluyang gumaling. Hindi ko na sana makikita ang maganda mong ngiti. Dahil sinabi mo agad sa aking mga magulang kung nasaan ako noong araw na iyon,” anito.

Nagulat pa ang dalaga nang biglang lumuhod si Wilfred sa harap niya at may inilabas na singsing.

“Will you marry me, Galea?” Tanong ni Wilfred.

“Yes,” sagot ni Galea na napahagulgol na sa sobrang kasiyahan.

Sa mismong simbahan na iyon ikinasal ang dalawa. ‘Di nagtagal ay biniyayaan naman sila ng dalawang anak. Talagang itinadhana sila ng Diyos na magsama habang sila ay nabubuhay at ang simbahan ang naging piping saksi kung gaano nila kamahal ang isa’t isa.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement