Inday TrendingInday Trending
Kahit Binilhan na ng Bago at Mamahalin ay Mas Gusto pa Rin Isuot ng Bata ang Luma Nitong Sapatos, Ikinagulat ng Ina ang Dahilan ng Anak

Kahit Binilhan na ng Bago at Mamahalin ay Mas Gusto pa Rin Isuot ng Bata ang Luma Nitong Sapatos, Ikinagulat ng Ina ang Dahilan ng Anak

Si Rosalinda ay anak ng mag-asawang Guillermo at Samantha Imperial. Mas kilala siya sa palayaw niyang Rose. Nasa katamtamang estado ng pamumuhay ang kanilang pamilya. Nagtatrabaho bilang kawani ng gobyerno ang kanyang ama at nagtuturo naman sa kolehiyo ang kanyang ina.

Isang araw, habang binibihisan ni Samantha ang anak ay nagtaka ito.

“Anak, bakit iyang lumang sapatos mo ang suot mo? ‘Di ba binilhan ka namin ng papa mo ng bago?” tanong ng ina sa bata.

Hindi sumagot si Rose at nagkataon naman na bumusina na ang sasakyan na maghahatid sa kanya sa eswelahan. Humalik ito sa ina at dali-daling tumakbo palabas ng bahay.

“Rocky, bilisan mo at nariyan na iyong school service,” sabi ni Rose sa nakababatang kapatid habang tumatakbo siya palabas.

Natapos ang kalahating-araw ng klase at hinatid na pauwi sa kanilang bahay ang magkapatid. Pagdating nila sa sala ay nagulat si Rose na may karton na naglalaman ng bagong sapatos.

“Ma, kanino po ‘tong sapatos?” tanong ni Rose sa ina.

Ngumiti si Samantha at sinabihan ang anak na para rito ang bagong sapatos. Napansin ng bata na mukhang mamahalin ang ibinigay na sapatos ng ina.

“Ang mahal naman po nito. Nag-abala pa po kayo, ma,” takang sabi ni Rose..

“Hindi mahalaga kung mahal o mura iyan, basta mayroon ka ng bagong sapatos at iyan na ang isusuot mo simula bukas ha,” wika ng ina.

Kinaumagahan, sinuot niya ito papunta sa eskwela. Pinagtinginan naman siya ng mga kaklase dahil sa bago niyang suot na sapatos.

“Ang ganda naman ng bago mong sapatos, Rose!” sabi ng isa niyang kaklase.

“Oo nga, mukhang mamahalin pa!” wika naman ng isa pa.

“Binilhan ako ni mama ng bago, e!” aniya.

Dalawang linggo ang mabilis na lumipas, nagulat si Samantha nang sumbatan siya ng asawang si Guillermo habang nag-aayos sa harap ng salamin at ito naman ay humihigop ng mainit na kape sa higaan.

“Akala ko ba binilhan mo ng bagong sapatos si Rose kaya naubos ang sweldo mo. Bakit mukhang luma yata yung nabili mo,” sabi ng mister.

Hindi makapaniwala si Samantha sa sinabi ng asawa. Idiniin niya na bumili talaga siya ng bago at mahal iyon kaya humiram pa siya ng pera sa kanyang kapatid.

“Imposible, tinitiyak ko na bagung-bago ang binili kong sapatos sa anak natin,” aniya sa asawa.

“Paano magiging bago, e nakita ko lang kahapon si Rose na suot-suot ang dugyot na sapatos. Nakakaawa naman ang anak natin, baka mamaya ay tinutukso na iyon sa eskwela nila. Hay naku, sa suwedo ko ay ako na lang ang bibili ng sapatos para kay Rose,” sabi ng lalaki.

“Nakakapagtaka, ano na naman kaya ang ginawa ng batang iyon sa sapatos niya?” takang tanong ng babae.

Kinahapunan, nakarating na galing sa eskwela ang mga bata. Laking pagtataka niya dahil tama ang asawa at luma nga ang sapatos na suot ni Rose. Nagulat ang babae at tinanong ang anak.

“Anak, binilhan kita ng bagong sapatos, e, bakit luma pa rin iyang sinusuot mo?” tanong ni Samantha sa bata.

“A, e sorry, Ma. Hindi ko po naalala na may bago na pala akong sapatos kaya itong luma ang naisuot ko kanina.”

Nagdahilan si Rose na nakalimutan raw nito na may bago na pala itong sapatos. Inutusan ni Samantha ang anak na kunin iyon at dalhin ito sa kanya. Ilang minuto siyang naghintay pero hindi bumalik si Rose.

“Teka, nasaan na ang batang iyon? Pinakukuha ko lang ang sapatos niya at hanggang ngayon ay hindi pa rin bumababa?” bulong ni Samantha sa sarili.

Habang nasa loob ng kuwarto ay hindi mapakali si Rose kung ano ang sasabihin niya sa ina. Nag-iisip siya ng magandang dahilan na paniniwalaan nito.

Dahil nainip na kahihintay ay pinuntahan na ni Samantha ang anak sa kuwarto nito at nadatnan niya na palakad-lakad si Rose at tila balisa. Tinanong niya ulit ang anak tungkol sa bagong sapatos nito. Pang-limang pares ng sapatos na iyon na binili niya para sa anak sa taong iyon.

“Mama, patawarin niyo po ako. Wala na po ang bagong sapatos na ibinigay niyo sa akin,” mangiyak-ngiyak na sabi ni Rose.

“Ano, saan na napunta?” tanong ng ina.

Bumuntong-hininga muna ang bata bago itinuloy ang sasabihin.

“Ibinigay ko po sa kaibigan kong bata na nagtitinda ng basahan sa labas ng eskwelahan ang bagong sapatos na bili niyo para sa akin,” pagtatapat ng bata.

“Laking gulat ni Samantha sa ginawa ng anak.

“Ano? Binilhan ka ng bago tapos ipamimigay mo lang pala? Huwag mng sabihin na ipinamigay mo rin ang iba mong bagong sapatos?”

Tumango lang ang bata at patuloy na umiiyak.

“Walang mali sa pagbibigay anak pero sana, inisip mo rin na binili namin ng Papa mo iyon para sa iyo. Nagsinungaling ka pa,” wika ni Samantha sa anak.

“Sorry po talaga, naawa po kasi ako sa kaibigan ko dahil wala po silang pambili ng sapatos. Pumapasok po siya sa eskwela na palaging nakayapak lang at walang anumag suot na sapin sa paa,” sabi pa ni Rose sa ina.

Pinuri ng ina ang bata sa pagiging mapagbigay nito. Natuwa siya na pinalaki nila ng maayos at may mabuting kalooban ang kanilang anak pero pinaalalahanan rin niya na mali ang magsinungaling kahit ano pa ang dahilan.

Sinabihan rin niya si Rose na sana ay matutuhan nitong pahalagahan ang mga ibinibigay nila ng ama nito dahil pinaghihirapan din nila ang mga iyon. Nangako naman si Rose na hindi na ito magsisinungaling at magsasabi sa lang kung gusto nitong tumulong sa mga nangangailangan.

Sinang-ayunan naman ito ni Samantha dahil hanga siya sa taglay na kabaitan at pusong mapagbigay ng anak kaya suportado niya ito basta ipagbibigay alam lang sa kanya ang mga balak nitong gawin.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement