Kamuntik Nang Maging Kriminal ang Binatang Ito Para sa Pagmamahal Niya sa Kaniyang Ina. Ano Nga Ba ang Istorya ng Dalawa?
Katulad ng maraming pamilya, galit si Ben sa asawa ng kaniyang ina na si Mang Lino. Pang anim na kinakasama na ito ng kaniyang ina simula yata nang magkamalay siya sa mundo.
“Nay, hanggang kelan mo ba titiisin ang pananakit sa inyo ni Tiyong Lino?” tanong ni Ben na ngayon ay labing anim na taong gulang na.
“Anak, lasing lang ang tiyuhin mo kagabi kaya naman napagbuhatan na naman niya ako, pero mahal ako nun. Mahal tayo nun,” baling naman ni Aling Pricilla, ang nanay ng binata.
“Mahal? Nakikita niyo ho ba ang mga pasa niyo sa katawan? E halos hindi na ho humupa ang isa e may bago na naman. Bakit ba hindi na lang tayo umalis at mamuhay ng tayo lang?” saad pang muli ni Ben at itinuro ang pasa ng ale sa hita nito.
“Bakit? Sino bubuhay sa atin? Ikaw? E hindi ka pa nga nakakapagtapos ng high school tapos ganyan ka. Ano ipapakain mo sa akin? Asukal at milo? Anak naman, alam mo naman na hindi ko kayang magtrabaho dahil sa sakit ko sa puso, bawal ako mapagod kaya tayo nakasandal sa tiyuhin mo,” wika namang muli ng ale at pinandilatan niya ang anak.
Iniwan sila ng tunay niyang ama noong nasa sinapupunan pa lamang daw siya ni Aling Pricilla dahil sa hirap ng buhay at sumama daw ito sa mas mayamang babae. Simula noon ay nagpapalit-palit na ang ale ng kinakasama para daw mabuhay, hindi kasi sanay na magbanat ng buto dahil sa mahinang pangangatawan at sakit nito sa puso.
“Hindi kayo pwedeng mapagod? Pero pwede kayong masaktan? Hindi niyo ho ba alam kung gaano kasakit sa akin ang ginagawa sa inyo ni Tiyong Lino? Pakiramdam ko hindi ako lalaki dahil hindi ko ho kayo naipagtatanggol. Mas natitiis ko pa na ako na lang ang saktan niya kaysa naman mukha kayong talong sa mga pasa na nakukuha niyo,” pahayag namang muli ng binata.
“Hayaan mo na lang anak, basta mag-aral kang mabuti at magtatapos ka dahil naniniwala akong ikaw ang pag-asa ko. Ikaw ang mag-aahon sa akin sa hirap pero ngayon ay kailangan nating magtiis para mabuhay,” lumuluhang baling ng ale at niyakap niya ang anak.
Masakit man para kay Ben ngunit wala siyang magawa, tama naman nga ang kanyang ina. Si Mang Lino ang bumubuhay sa kanila, sikat na gumagawa ng bahay ang lalaki sa kanilang lugar kaya naman maluwag ang pasok ng pera sa kanila. Kapag hindi ito lasing ay ayos naman ang trato nito kay Aling Pricilla ngunit hindi na naging maayos ang relasyon nila bilang mag-asawa.
Kapag siya lang ang naiiwan ay bigla na lang siyang sinisikmuraan ni Mang Lino na tinitiis na lang niya para sa ina. Naiintindihan niyang galit ang lalaki dahil pabigat raw ito sa kanilang pamilya.
Isang araw, habang pauwi si Ben mula sa eskwela. Malayo pa lang ay rinig na niya ang sigaw ng ina, mataas pa ang sinag ng araw ngunit lasing na naman si Mang Lino.
“Puta ka! Malandi ka, sino yang katext mo ha?” saad ni Mang Lino sa kaniyang ina habang hawak ito sa mukha at alam niyang nasasaktan na ang ale.
“Tiyong, bitiwan niyo ho ang nanay ko,” wika ni Ben na nasa pintuan.
“Huwag kang makialam dito kung ayaw mong tamaan ka sa akin!” baling naman sa kanya ng lalaki.
“Malandi ‘tong nanay mo! May katext na ibang lalaki, balak pa yata akong iputan. Kung dudumi ka sana doon sa malayo e yung hindi ko maaamoy at makikita pero talagang nagpahuli ka pa sa akin,” galit na galit na saad nito at halos sakalin na niya si Aling Pricilla.
“Hi-hindi ko lala-ki iyon,” paputol-putol na sagot ng ale.
“Tatay ni Ben iyon, gustong magbi-gay ng pera pa-ra sa kaniya,” saad pang muli sabay turo kay Ben.
“Mahal na mahal kita pero ginaganito mo lang ako!” at mas lalo pang humigpit ang pagkakasakal ni Mang Lino sa kaniyang ina.
Hindi na nakayanan pa ni Ben at itinulak niya ang lalaki, sabay hugot ng espada na nakadisplay sa kanilang sala. “Sige! Gumalaw ho kayo at hindi ako magdadalawang isip na ibaon ito sa puso niyo para tuluyan na kayong mawala,” galit na galit na pahayag ni Ben at napatigil naman sa pagkilos ang lalaki pati na rin ang kaniyang ina.
“Anak, ibaba mo iyan. Huwag mong gawing kriminal ang sarili mo, parang-awa mo na” nagmamakaawang pahayag ni Aling Pricilla na lumuhod sa harapan ng binata.
“Hindi ‘nay, ito na ang pagkakataon kong makaganti sa kaniya. Sa lahat ng pananakit mo sa akin at sa nanay ko. Hindi ko na pipigilan pa ang sarili ko na tapusin ang buhay mo. Kung talagang mahal mo ang nanay ko sana hindi mo siya sinasaktan!” sigaw ng binata at mas nilapit nito ang espada sa katawan ng lalaki.
“Ben, ibaba mo ‘to. Humihingi ako ng tawad, wag mong gawin ito,” baling naman ni Mang Lino habang nakataas ang kanyang mga kamay.
“Simula nang makilala kayo ng nanay ko, tiniis nya ang lahat ng pangbububog niyo dahil mahal niyo daw ang isa’t-isa. Halos umatras ang sikmura ko sa kakasapak niyo sa akin na wala namang dahilan, basta niyo na lang ako babanatan pero tiniis ko rin iyon para sa nanay ko. Kaya ngayon mas gugustuhin ko na lang na mawala kayo!” sagot ni Ben dito at itinaas ang kanyang kamay sabay patak ng kaniyang luha.
Ngunit tumigil si Ben sa gitna at biglang hinagis ang espada saka siya lumabas, narinig naman niya ang paghagulgol ni Aling Pricilla.
Agad na dumiretso ang binata sa pinakamalapit na presinto at doon niya isinumbong si Mang Lino sa mga pangbubugbog nito sa kaniya at sa kaniyang ina. Inayos naman ng awtoridad ang lahat saka dinampot ang lalaki, doon din lumabas na gumagamit rin pala ito ng ipinagbabawal na gamot.
“Nay, pasensya na ho kayo at isinumbong ko si Tiyong Lino,” nakayukong saad ni Ben sa ina.
“Anak, ako ang dapat na humingi ng tawad sa’yo dahil ini-asa ko sa ibang tao ang pagiging nanay ko at hindi ko ginampanan ng mabuti ang pagiging ina,” baling naman ang ale at niyakap ang binata.
Mula noon ay hindi na muling nagsama pa si Mang Lino at Aling Pricilla, nagtinda na lang ito ng mga lutong ulam na siyang nilalako naman ni Ben, mahirap man ang kanilang buhay ngunit nakita ng ale na mas maayos ito. Walang nananakita sa kanila ng kaniyang anak at wala rin siyang pasa na iniinda. Nakakatakot man ang maging solong magulang ngunit mas pangako niya ngayon na uunahin na ang kaniyang anak bago ang iba.