Inday TrendingInday Trending
Panay ang Reklamo ng Babae na Sinasaktan Siya ni Mister, Nakakagigil Pala ang Tunay na Pangyayari

Panay ang Reklamo ng Babae na Sinasaktan Siya ni Mister, Nakakagigil Pala ang Tunay na Pangyayari

Napapadalas nang mapag-usapan ang mag-asawang si Carmen at Gani ng kanilang mga kapitbahay. Paano ba naman ay palagi na lamang nagkukwento ng kanyang mga hinaing at reklamo si Carmen sa kanila sa tuwing ito ay lalabas ng kanilang bahay.

“Carmen! Napano ‘yan?! Bakit pagka-laki-laki ng pasa mo d’yan sa braso mo?” tanong ng isang kapitbahay nang minsa’y makasabay si Carmen sa pagbili sa tindahan.

Hindi sumasagot si Carmen, bagkus ay yumuko lamang ito at tila ba’y nagsimula nang manginig.

“Mare! Huy! Anong nangyari?!” dagdag nito.

“Ah- eh… Wala. Si Gani kasi, minsan ay sumosobra na. Kapag nagagalit siya’y hindi niya napipigilan ang sarili niyang pagbuhatan ako ng kamay,” malumanay na sagot ni Carmen na tila bang kawawang-kawawa.

“Sinasaktan ka ni Gani?! Aba! Hindi pwede ‘yan! Tara, halika’t pupunta tayo sa barangay upang magreklamo!” anito.

Hinihila na si Carmen ng kanyang kapitbahay ngunit ipinagpilitan niyang mahal na mahal niya ang kanyang asawa, at wala siyang planong magsumbong sa kahit sinuman dahil hindi niya kayang malayo rito. Wala nang nagawa ang kapitbahay dahil ayaw na rin nitong makialam pa sa gulo ng mag-asawa.

Gayunpaman, sa tuwing makikita nilang lumalabas si Carmen ay mayroon itong mga panibagong pasa sa katawan. Madalas ay sa braso, sa binti, sa balikat, minsan ay maging sa mukha ay nagkakaroon ito ng bahagyang latay. Labis ikinabahala ng mga kababaihang nakakakita sa kanya ang lagay ng kapwa nila babae.

“Grabe, ano? Kung ako ‘yon, hinding hindi ako magpapakat*nga sa ganoong klaseng lalaki!” ‘ika ng isang misis sa kanilang barangay nang sila’y magkakwentuhan.

“Totoo! Kahit gaano ko pa kamahal, hindi dapat tayo pumapayag na sinasaktan tayong mga babae,” pag sang-ayon ng isa.

“Nakakaawa na si Carmen. Samantalang ang asawa niya, bihira ko na lang makita,” sambit ng isa.

“Ay, napansin ko nga! Alam ninyo? Pakiramdam ko nga’y may ibang babae kaya’t umaalis ng gabing-gabi!” aniya.

Napapansin kasi nila na bihira lamang nilang masilayan ang mister na si Gani. May iilang kapitbahay raw ang nakakakita rito na sumasakay sa kanyang kotse tuwing alas diyes ng gabi, at ang uwi ay madaling araw na. Dahil sa kanilang mga napag-usapan, nagliyab na sa galit ang mga kababaihan. Karamihan kasi sa kanila’y mga misis din, kaya naman alam nila ang maaaring sakit na nararamdaman ni Carmen.

“Alam ninyo? Hindi ko na kaya eh! Hindi ko kayang magbulag-bulagan sa ginagawang pang-aapi ni Gani kay Carmen,” ‘ika ng kapitbahay.

Napagdesisyunan nilang saktuhan na naroon sa bahay si Gani at hulihin sa akto ng pananakit sa misis niya. Bukod sa kanila, magsasama pa sila ng ilang barangay tanod maging iilang pulis na nakumbinsi nilang may pagmamaltratong nagaganap sa loob ng tahanan ng mag-asawa.

Kinabukasan, alas siyete ng gabi ay nagtipon-tipon na ang lahat.

“Handa na ba kayo?”

“Oo! Nako, kapag nakita ko mismo ang ginagawa niyang demonyong lalaking iyan, malilintikan siya sa’kin,” gigil na sabi ni Aling Monita habang bitbit pa ang maliit niyang pamalo.

Sama-samang nagtungo ang mga nagmamalasakit na mga kapitbahay sa harapan ng tahanan nila Gani at Carmen. Nang makarating, saktong-sakto namang narinig nila ang malakas na hiyawan ng mag-asawa.

“Tumigil ka, Carmen! Tumigil ka! Tama na,” nagsusumamong sigaw ni Gani.

“Hayop ka! Hayop ka, Gani!” sagot ng umiiyak na si Carmen.

Lalong nanggigil ang mga kapitbahay, at inusigan ang pulisya’t barangay tanod na pwersahang buksan ang pintuan ng mag-asawa. Inaasahan nilang mahuli sa akto ang lalaki na sinasaktan si Carmen. Nang mabuksan ang pinto, napatakip ng kanilang mga bibig ang lahat.

Tumambad sa kanila ang hitsura ng dalawa. Nakaupong umiiyak sa sahig si Gani, punong-puno ng sugat sa katawan, braso, at maging sa mukha. Habang si Carmen nama’y may hawak na patalim at patpat na huling-huling inihahampas sa kawawang mister.

Hindi muna nagtanong ang mga awtoridad at agad na pinaghiwalay ang dalawa. Dinala sa ospital si Gani habang idiniretso si Carmen sa presinto upang hingan ng pahayag.

Habang nasa hintayan ng emergency room ang ilang kapitbahay, lumabas ang isang doktor.

“Matagal ko nang sinasabi ito kay Gani, na delikado ang lagay ng asawa niya. Sa kabila ng pagkakaroon ng sakit sa utak ni Carmen, ayaw pa ring sukuan ni Gani ang misis niya. Ngayo’y nasa mabuti na siyang kalagayan, ngunit hindi ko na alam sa mga susunod na sumpong ng asawa niya,” paliwanag ng doktor. Siya pala ang doktor ng mag-asawa magmula pa nang sila’y magsama.

Napag-alaman ng mga kapitbahay ng mag-asawa na matagal na palang diagnosed sa sakit na Bipolar Disorder si Carmen. Madalas, kapag susumpungin ay nakawilihan na nitong saktan ang mister niyang walang ibang ginawa kundi alagaan at intindihin siya. Dahilan nito’y itinutupad lamang niya ang pangako niya noong sila’y mag-isang dibdib sa harap ng altar.

Paliwanag pa ni Gani, kaya paminsa’y nagkakaroon ng pasa sa katawan si Carmen ay dahil sa pag-awat ni Gani sa babae. Minsan daw ay napapahigpit ang hawak niya sa braso ng misis lalo na kapag nagtatangka itong kitilin ang sarili niyang buhay.

Napalitan ng awa, bilib, at gulat ang lahat ng inis at galit nila kay Gani. Hindi nila akalaing napakatagal na pala nitong tinitiis ang asawa niya nang dahil sa pagmamahal nito sa kanya.

Nang dahil sa pangyayaring iyon, at sa pagpilit ng mga kapitbahay at doktor, inilagak ni Gani si Carmen sa isang mental institution upang matutukan ng mga psychiatrists. Ito’y para na rin daw maiwasan ang mas malala pang kayang gawin ni Carmen sa kaawa-awang asawa.

Lumipas ang maraming taon, at sa wakas ay nakalabas na ng mental hospital si Carmen. Buong puso naman siyang tinanggap ng kanyang asawa at magmula noo’y hindi na sinaktan ni Carmen ang asawa.

Advertisement