Inday TrendingInday Trending
Mula nang Makatapos ay Minaliit na ng Babae ang mga Walang Pinag-Aralang Magulang, Karma ang Balik sa ‘Di na Nakikinig na Dalaga

Mula nang Makatapos ay Minaliit na ng Babae ang mga Walang Pinag-Aralang Magulang, Karma ang Balik sa ‘Di na Nakikinig na Dalaga

Magandang babae si Jane: makinis, balingkinitan at matalino. Ang problema lang sa kanya ay ang pag-uugali nito. Mataray ito at hindi sumusunod sa utos ng kahit na sino.

“Jane, paabot naman ako niyan,” pakiusap ni Bea habang tinuturo ang suklay na nakapatong sa la mesa. Si Bea ang bestfriend ni Jane simula pa lang nung bata sila. Ayon kay Bea ay talagang hindi mapapakiusapan si Jane ng kahit na sino. Hindi nga inabot ni Jane ang suklay kay Bea pero kinuha nito ang kamay at inilapit sa suklay.

Graduation nila sa kolehiyo at lahat ng mga estudyante ay nabighani sa ganda ni Jane. Para kasing prom ang pupuntahan nito. Sobrang pinaghandaan at pinagka-gastusan ng kanyang mga magulang upang maramdaman ni Jane na espesyal ang araw na ito.

Pagkatapos ng graduation ay nag-yaya ang magulang ni Jane na kumain sa labas.

“Jane, saan mo gustong kumain?” tanong ng kanyang ama.

“Kahit saan. Kayo na ang bahala at napapagod akong mag isip,” mataray na sagot ni Jane sa ama.

“Kapag ako ang nag-isip ng kakainan natin, sigurado akong hindi mo magugustuhan kung saan,” pabirong sagot ng ama sabay akbay sa asawa. Agad naman tiningnan nang galit ni Jane ito at sinabing “Gusto ko ng buffet, ‘yong unli! Saka gusto ko ng iPhone at bagong designer bag. Okay na ba?”

Nagulat naman ang magulang ni Jane sa hinihingi dahil alam naman nila na hindi sila mayaman at may kaya lamang. Pero sa kabila nito ay nagawang tuparin ng mag-asawa ang kagustuhan ng anak dahil naniniwala sila na susuklian sila nito pag mayroon nang trabaho ang dalaga.

“IPhone 6, ito lang?! Mayroon na ngang Iphone X, tapos ganito lang ang ibibigay niyo?” galit na tanong ni Jane sa magulang.

“Pasensya ka na anak at ayan lang ang nakayanan namin. Hindi naman tayo mayaman para mabilhan ka ng ganun ka-mahal na cellphone,” malungkot na paliwanag ng ina.

“Kung nakapag tapos lang kasi kayo ng pag-aaral tulad ko, e ‘di sana hindi lang kayo ganito kababa,” mayabang na sagot ng dalaga sabay alis dala ang gamit at ang regalo ng magulang. Ni salitang salamat ay hindi narining ng mag-asawa mula sa kanilang anak.

“Bakit kaya nagkaganyan ang anak natin? Dati naman ay naiintindihan niya ang sitwasyon ng ating pamilya,” naiiyak na sabi ng ina sa asawa.

“At kung tutuusin nga’y nakakaluwag na tayo kaysa dati. Pero hayaan mo na muna ang anak mo. Baka umasa lang talaga siya na mamahaling mga gamit ang ibibigay natin sa kanya,” paliwanag ng asawa.

Makalipas ang ilang taon ay umasenso na si Jane, ngunit kahit magkano ay hindi pa rin ito nagbibigay para sa kanyang mga magulang. Nakabili na rin siya ng sariling sasakyan at maliit na apartment.

Habang nasa bahay ito ay bigla namang pinaglaruan ng bagong alagang aso ang charger ng kanyang bagong biling cellphone.

“Akin na yan! Ano ka ba?!” pasigaw na sabi ni Jane sabay sipa sa kanyang aso.

“Bwisit na aso! Mahal kaya ‘to,” pahabol nito. Pagkatapos nito ay tinawagan niya na agad ang kanyang ina para ipasundo ang kanyang aso.

“Ma, pakikuha na nga ‘tong aso dito. Sinisira na yung mga gamit ko,” pagkatapos nito ay agad na ibinaba ni Jane ang telepono. Nagulat naman ang ina dahil binabaan ito ng kanyang anak kaya wala itong nagawa kundi yayain agad ang kanyang asawa na pumunta sa bahay ng anak.

Habang naghihintay naman si Jane ay nakatulog ito katabi ang kanyang cellphone na nakasaksak. Sa hindi naman inaasahang pangyayari ay nadikit ang braso nito sa kanyang sirang charger. Nakuryente si Jane hanggang sa nawalan ng kuryente ang buong apartment. Nasunog ang buong katawan ni Jane pati na rin ang maganda nitong mukha. Nang dumating ang mga magulang ni Jane ay nagulat na lang sila ng napapalibutan na ng ambulansya at bumbero ang apartment nito.

“Diyos ko! Anong nangyari?!” Sigaw ng ina ni Jane.

“May tenant na nakuryente sa 3rd floor. Nagsimula raw sa open wire ng charger,” sabi ng isang bumbero.

“Nako! Anak ko yan! Paraanin niyo ako!” sigaw ng ina habang hinahawi ang mga tao na nakaharang papunta sa kanyang anak.

“Anak ko, Jane, anong nangyari sa’yo?” umiiyak na tanong ng ina. Dali-dali naman na isinugod sa ospital si Jane.

Sa kabutihang palad, mababaw na pagkakasunog lamang ng balat ang nangyari sa dalaga. Ilang gamutan lamang ay maibabalik na rin ang dati niyang hitsura. Maya-maya pa ay nagising na si Jane mula sa mga pampamanhid na inilagay sa katawan niya.

“Mama, sorry po. Sana lagi akong nakikinig sa inyo. Tsaka sa mga payo niyo ni papa. Sana hindi nangyari sa akin ‘to,” maiyak-iyak na sabi ni Jane sa ina. Nang maidilat niya kasi ang kanyang mga mata, una niyang naalala ang mga payo ng kanyang ama’t ina na huwag na huwag mag-iiwan ng naka-charge na cellphone sa kanyang kama.

“Hayaan mo na ‘yon, anak. Kalimutan mo na yun. Ang mahalaga ay ligtas at buhay ka,” sagot naman ng ina sabay yakap sa kanyang anak.

Pagkatapos ng ilang linggo ay nakalabas na ng ospital si Jane. Magmula noo’y nangako siya sa kanyang sarili na makikinig na sa mga sinasabi sa kanya ng mga tao, lalong-lalo na ng kanyang mga magulang. Ginawa na rin niya ang lahat upang mabago ang masamang pag-uugali, lalo na ang pagmamaldita at pagyayabang sa mga magulang niyang nagpakahirap na igapang siya sa pag-aaral.

Advertisement