Inday TrendingInday Trending
Dahil sa Kagustuhang Makatipid, Imbes na Mag-kolehiyo ay Nag-negosyo na Lamang ang Binata, May Patutunguhan Kaya ang Pagsuway Niya sa Gusto ng Kanyang Magulang?

Dahil sa Kagustuhang Makatipid, Imbes na Mag-kolehiyo ay Nag-negosyo na Lamang ang Binata, May Patutunguhan Kaya ang Pagsuway Niya sa Gusto ng Kanyang Magulang?

Hindi nakapagtapos ng pag-aaral si Adrian kaya lahat ng raket na kayang pasukin ay pinapasok niya. Kahit na anong pilit ng kanyang mga magulang na pag-aralin siya ng kolehiyo ay puro tanggi ito dahil alam niyang gagastos lamang ang kanyang mga magulang.

“Adrian, ayaw mo na ba talagang tapusin ang pag-aaral mo?” tanong ng kanyang ina.

“Ma naman, hirap na tayo maghanap ng ipapangkain natin sa araw-araw tapos dadagdagan niyo pa ‘yong mga gastusin niyo para lang igapang ako sa pag-aaral,” sagot ni Adrian habang nagkakamot ng ulo.

“Hindi ka aasenso sa mga raket mo, anak. Kailangan mo ng trabaho na totoo. ‘Yon bang may pangalan at titulo talaga,” singit naman ng ama. Hindi na sumagot si Adrian at tuluyan na lang umalis ng bahay para pumunta sa isang mga trabaho na kanyang pinapasukan. Kung tutuusin ay maraming trabaho si Adrian, ilan dito ang pag-aayos ng dyaryo, pagbebenta ng bracelet, at pagtatakatak. Ngayon naman ay sinusubukan niyang pumasok bilang cook sa mga karinderia dahil sa kakayanan niyang magluto ng mga pagkain.

“Pasensya na Adrian, hindi ka namin matatanggap dito. Kakaiba ang mga luto mo. Hindi ko alam kung magugustuhan ito ng mga customer ko,” sabi ng may-ari ng karinderia kay Adrian. Pare-parehong sagot ang natanggap ni Adrian sa magkakaibang kainan. Hindi niya maintindihan ang sinasabing kakaiba sa luto niya. Dumeretso na sa bahay si Adrian para makapagbihis dahil siya ay magtitinda pa ng candy at sigarilyo sa mga terminal ng jeep.

“Boss, yosi?” alok nito sa mga driver ng jeep. Pila-pila naman ang bumibili ng mga yosi sa kanya kaya agad rin na naubos ang tinda niya. Pero naisip pa rin ni Adrian na hindi sapat ang kikitain niya rito para umasenso. Agad na binunot ni Adrian ang kanyang cellphone upang kausapin ang kanyang kaibigan na si Alec.

“P’re, baka pwede kong hiramin yung isa mong tricycle. Ako na lang magpapasada habang tulog ka,” paalam nito sa kaibigan na agad naman na sinang-ayunan ni Alec. “Sige ba, basta abutan mo ako kahit dalawang daan tapos ibalik mo lang ang gas na naubos mo ha?” sagot nito.

Ito ay labis na ikinatuwa ni Adrian. Tuwing hating gabi ay pumapasada siya ng tricycle sa kanilang barangay kahit wala pa itong lisensya.

Makalipas ang ilang araw ay kinausap muli ni Adrian ang kanyang kaibigan para humingi ng munting tulong mula rito.

“P’re, baka naman may alam ka pang ibang trabaho dyan. Nahihirapan na kasi akong makaisip ng paraan para mapakain ng masasarap sila mama at papa,” sabi ni Adrian.

“Ikaw kasi p’re, pinag-aaral ka na ng magulang mo pero tinanggihan mo pa. Sayang tuloy. ‘Wag kang mag alala, magpapadala raw ng pera si mama sa katapusan. Magnegosyo na lang tayo para pareho tayong aasenso. Payag ka ba?” sagot naman ni Alec na agad na inaprubahan ni Adrian. Agad na nag-isip ng iba’t ibang klaseng negosyo subalit lahat ng naisip nila ay palpak at wala na sa hulog.

“P’re, nawawalan na ako ng pag-asang yumaman. Dapat pala nag-aral na lang ako, baka doon ako umasenso,” malungkot na sabi ni Adrian.

“Huwag kang mawalan ng pag-asa. Nandito ako bilang kaibigan mo. Tsaka ako naman ang maglalabas ng pera. Buo ang tiwala ko sa’yo, Adrian. Aasenso tayo,” seryosong sagot ni Alec. Bigla naman ginanahan si Adrian dahil sa sinabi ng kanyang kaibigan kung kaya’t hindi niya tinapos ang araw na walang naiisip na paraan.

“Alam ko na! ‘Di ba masarap naman ang luto ko? Kakaiba nga raw sabi ng ibang cook ng karinderia. Bakit ‘di na lang ‘yon ang gamitin natin sa negosyo natin?” tanong ni Adrian. Nagulat naman si Alec dahil maganda ang naisip ni Adrian. Kung tutuusin kasi ay masarap talaga ang mga luto ng kaibigan, at ang mga karinderia sa kanila ay pare-pareho na lamang lutong ulam.

“Oo nga, ‘no?! Magagamit nga natin yang galing mo sa pagluluto para umasenso. Kakausapin ko yung may-ari ng bakanteng pwesto malapit sa terminal ng jeep para malapit tayo sa mga driver at pasahero,” masayang sabi naman ni Alec.

Pagkatapos ng isang linggo ay pumayag na rin ang may-ari ng pwesto na pinagtanungan ni Alec. Maliit lang ang bayad sa pwesto kaya naman agad rin nilang kinuha ito. Simula nung nagbukas sila ay sandamakmak na ang mga kumakain sa kanila. Wala pa silang isang taon na bukas ay nakabili na agad sila ng sarili nilang pwesto, napalaki pa nila ito.

Nang makapag-ipon, napagdesisyunan ni Adrian na bumalik sa pag-aaral. Kumuha siya ng kursong Culinary upang matuto pang magluto ng iba’t-ibang putahe. Matapos noo’y kumuha rin siya ng kursong business administration. Dahil doon, ang dati nilang carinderia ay ngayo’y isa na sa pinaka-sikat na restawran sa kanilang lugar. Nagkaroon na rin ito ng iilang branch na kumalat na rin sa iba’t ibang lugar sa Maynila at iilan pang probinsya.

Dala ng labis na pagtitiyaga at pagpupursiging makaahon sa hirap, sa wakas ay nabigyan na ni Adrian ng magandang buhay ang kanyang mga magulang. Kung noo’y halos dalawang beses lamang silang kumain sa isang araw, ngayon ay kaya na nilang kumain kahit sa pinaka-mamahalin pang restawran na kanilang makita.

Natutunan ni Adrian na walang imposible sa taong may sipag at tiyaga, at hindi sa lahat ng pagkakataon ay kinakailangang magtapos muna ng pag-aaral bago simulan ang pag-abot sa ating mga pangarap.

Advertisement